"IBIGAY mo sa akin ang heirloom ng pamilya Fortalejo, Leon," wika ni Don Genaro sa nagbabantang tinig at humakbang palapit.
"Hindi ka isang Fortalejo, Papa, kaya wala kang karapatan sa habiling ito," aniya sa determinadong tinig. "At hanggang diyan ka na lang!"
Dalawang dipa mula kay Leon ay huminto sa paglakad si Genaro. Isang malademonyong tawa ang umalingawngaw sa loob ng kamalig.
"Alam mo bang kaya ko pinakasalan ang iyong ina ay dahil sa mga alahas na iyan? Hindi inamin sa akin ni Carlos Antonio kung nasaan iyan kahit na mamatay siya. At naghihinala akong nasa pag-iingat iyan ni Marita. Ibigay mo sa akin iyan, Leon. Ako ang dapat magmay-ari ng mga ginto at brilyanteng naririyan sa kahong iyan."
"Ingatan mo ang mga alahas, Leon. Ayon sa iyong papa'y pag-aari pa ng mga ninuno niya ang mga alahas na naroroon. Mamanahin iyon ng kaapo-apuhan at muling ibabalik sa kahon sa takdang panahon. Ang mga mamahaling bato'y maaari mong gawing pasimula para sa pagpapamilya..."
Sa liwanag ng flashlight na nakatama sa mukha ng binata'y nakita ni Genaro ang pagtiim ng mukha ni Leon.
"Huwag mo akong piliting labanan ka, Papa." nakikiusap ang tinig ng binata. Hindi tiyak kung kaya nga niyang lapastanganin ang taong sa kabila ng lahat ay siyang nakilala niyang ama hanggang sa kamatayan ng ina. "Hindi ko ibibigay sa iyo ang kahong ito anuman ang mangyari."Mula sa sukbit ng pantalon ay hinugot ni Genaro ang isang revolver. Itinuon iyon kay Leon.
"Hindi ako mangingiming patayin ka, Leon." Narinig ng binata ang tunog ng ikinasang baril. "Ibigay mo sa akin ang kahong iyan!"
Natilihan ang binata. Sa himig ng matandang lalaki'y natitiyak niyang papatayin siya nito. Maliban sa ilaw na nagmumula sa flashlight ay madilim na ang buong paligid. Ang liwanag ay sa mukha niya nakatutok.
Maingat na kumilos ang kanyang paa at sinamantala ang dilim. Nahagip niyon ang piko. Isinabit niya sa paa ang dulong kawit ng piko. Huminga nang malalim at inubos ang lakas sa binti upang maitaas ang piko at sipain iyon paitaas patungo kay Genaro.
Napahiyaw sa sakit si Genaro nang tumama sa dibdib nito ang piko. Nawalan ito ng panimbang at nabitiwan ang flashlight at bumagsak sa lupa. Sinamantala iyon ni Leon at tinakbo ang kinaroroonan ng kabayo.
"Papatayin kita, Leon!"
Hustong naalis ng binata ang tali ng kabayo sa may poste ng kamalig nang isang putok ang umalingawngaw sa kadiliman. Nasadsad sa kabayo si Leon kasabay ng pagdaing. Ang kabayo'y malakas na humalinghing sa takot sa putok ng baril. Dumamba at tumakbo palabas. Hindi bumitiw sa kabayo ang binata at pigil ang paghinga sanhi ng sakit ng tama ng baril. Hirap na sumampa ang binata sa kabayo, muntik-muntikanang makabitiw. Tanging determinasyong makalayo ang nagpangyari upang huwag mahulog.
"Ibalik mo ang kahon, Leon!"
Mabilis na tumayo si Genaro at humabol palabas. Iwinasiwas nito ang flashlight sa lahat ng panig subalit hindi na nito nasinagan ang binata. Nag-ulol sa galit ang matandang lalaki at nagpatuloy sa paghabol at paghahanap.
"Hindi ka makalalayo, may mga tama ka, Leon!"
NAHIHILO na siya. Alam niyang may tama siya. Subalit nag-uumigting sa utak ng binata na kahit mamatay siya'y hindi mapapasakamay ni Genaro ang mga alahas. Hinubad niya ang suot na kamiseta at pinunit pahaba. Itinali nang mahigpit sa kahon at ang kabilang dulo'y itinali niya sa sinturera ng pantalon niya.
Ang kabayo'y patuloy sa walang direksiyon at mabilis na pagtakbo. Naroong halos mahulog na ang binata dahil sa mga sanga ng punong tumatama sa mukha't katawan niya.
Nang bigla'y humalinghing ang kabayo kasabay ng pagtagilid nito. At bago pa maisip ni Leon ang nangyari'y nahulog silang pareho sa bangin.
BINABASA MO ANG
Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)
RomanceDana Isabella-Diana and Joshua's daughter- was curiously reading her dead grandmother's diary nang sa pag-angat niya ng ulo'y kakaiba na ang kanyang kapaligiran. She was in the same house... the same room and the same bed... tamang oras, araw, at bu...