Kinabukasan ay pumunta ako sa mall para sa mga kailangan ko pang bilhin. Madami pa ang kulang sa 'Open when' box na ginagawa ko para kay Cristof.
Bago ako umalis ay inilista ko muna lahat ng mga kailangan ko. Ayokong may makalimutan. Ano nga ba ang mga kailangan ko pang bilhin?
Stress ball, tea, coffee, canned goods, shampoo, conditioner, toothpaste, toothbrush, soap, chocolate kisses, at mini JD bottle.
Nang malista ko ang lahat ay dumiretso na ako sa cr para maligo at makapag-ayos para hindi na rin ako gabihin.
Nang makarating ako ng mall ay dumiretso ako kaagad sa supermarket. Sa tingin ko ay nando'n lahat ng kailangan kong bilhin.
Una kong hinanap ang section kung nasaan ang mga tea. Nang makarating ako doon ay naguluhan ako kung ano ang pipiliin ko. Napakaraming brand ng tea at hindi ko alam kung ano ang masarap at kung ano ang dapat bilhin para makatulog.
Mayroong Lipton, Twinnings, JC Premiere, Rondoletti, at kung ano-ano pang brands na hindi ko kilala. At dahil Lipton lang ang alam ko ay ito na lang ang pinili. Ang sumunod kong problema ay ang flavor na bibilhin ko.
Nasa umpisa pa lang ako ng pamimili ko pero bakit parang nahihirapan na ako agad dahil sa tea na 'to. Totoong napakaraming flavor ng Lipton: Green Tea Jasmine Petals, Green Tea Citrus, Herbal Infusion of Temptation Fruits, Chamomile, Green Tea Orient, Green Tea Intense Mint, Green Tea Classic at marami pang iba na hindi ko alam kung para saan.
Iyong Chamomile na lang ang pinili ko at nilagay ko iyon sa basket na hawak ko. Nang mapadaan ako sa may bandang dulo ng aisle ay nakita ko ang mga Nestea na milk tea, kahit wala sa plano ay binili ko na rin siya noon. Isang box ng Wintermelon para sa akin at isang box para sa kaniya.
Ang sumunod na aisle na pinuntahan ko ay kung nasaan ang mga coffee at 'di hamak na mas madaming brand ang nandito kaysa doon sa mga tea kanina. Iyong 3-in-1 na coffee sachets ng Nescafe ang aking pinili.
Matapos noon ay sa canned goods naman ako nagtungo. Pilit kong iniisip kung ano ang canned goods na pwede kong ibigay kay Cristof. Isang Century Tuna ang napili ko at isang corned beef pero parang kulang pa ang mga iyon kaya ginawa kong tig-dalawa.
Shampoo at conditioner ang sumunod kong pinuntahan. Mabango ang Dove na shampoo at conditioner kaya iyon ang gusto kong bilhin pero syempre ay marami nanaman itong klase. Sa dulo ay mas pinili ko 'yung green na Dove.
Hindi ko naman alam kung anong pinagkaiba nila. Kinuha ko rin ang kapartner noon na conditioner. Puro sachets lang ang kinuha ko dahil pangtravel naman ito.
Toothpaste at toothbrush naman ang pinakamadaling sa lahat. Colgate lang naman ang bibilhin ko at toothbrush na medium bristles ang kinuha ko. Madaming klase ng toothpaste pero 'yung original na lang ang kinuha ko. Aba, choosy pa ba siya? At para naman sa sabon ay iyong safeguard na color green naman ang kinuha ko.
Pumunta na ako sa aisle kung nasaan ang mga chocolates, napakabango sa aisle na ito. Parang gusto ko na lang bilhin lahat pero hindi iyon maaari. Pumunta na ako agad kung nasaan ang kisses na chocolate. Kumuha ako ng tatlong pack noon. Dalawa ang kay Cristof at isa sa akin. Aba, alangan naman siya lang ang mayroon.
Sa loob ng supermarket na iyon ay mayroon section na para sa mga alcohol pero nasa may labas iyon. Kahilera ng mga fast food na makikita sa loob ng supermarket. Kaya naman doon ako dumiretso matapos kong makapagbayad ng mga binili ko.
Nang makarating ako doon ay agad kong hinanap ang mga malilit na JD bottles.
"Yes, Ma'am?" tanong sa akin ni Ate na nagbabantay doon.
"Ate, mayroon pa kayo noong mga Jack Daniels na maliliit lang 'yung bottle?" sagot ko.
"Ay, Ma'am. Wala po kasi kami noon. Limited edition po ata kasi iyon," sabi niya. "Kung gusto niyo po, Ma'am, ito," saka siya naglakad sa kabilang gawi at may inabot doon na isang set ng miniatures ng iba't ibang whiskey at alcohol.
"Ay, ito pala Ate meron ka eh," sabi ko saka kinuha mula sa kaniya ang set na inaalok niya. Tinitignan ko ang mga nakalagay doon. Bombay, Campari, Bacardi, Jose Cuervo, Asbach, at Plantation.
"P861 po para sa complete set," sabi ni Ate na kinabigla ko at muntik ko nang mabitawan ang hawak-hawak. Mapapabayad pa ako ng wala sa oras.
"Ay, ang mahal na pala. Pwede bang isa-isa lang?" sabi ko saka binalik sa kaniya ang set na pinakita niya.
"Pwede rin naman po, Ma'am. Alin po dito?"
"Magkano po ba?"
"Ano po bang gusto niyo?"
"'Yung Bombay, Jose Cuervo saka Bacardi sana. Pero depende sa presyo sana," sabi ko. Grabe, gusto kong tumawad kay ate pero nasa mall ako kaya malabong mangyari 'yun.
"Mayroon kami naka-set na by three. Baka gusto niyo po 'yun," pang-aalok nanaman ni ate. "P300 na lang po kaya naka-set. Pero kung hiwa-hiwalay po 'yung Bombay at Jose Cuervo po, P130. Yung Bacardi naman po P115. Makakatipid po kayo ng P75 kapag ito ang pinili niyo." Grabe, nagsales-talk pa si Ate.
"Ilang ml nga yan, Ate?" tanong ko.
"50 ml po."
"Sige, Ate. Kunin ko na 'yung tatlo na naka-set," sabi ko.
"Sa counter na lang po tayo, Ma'am."
Nang makapagbayad ako ay umuwi na rin ako kaagad at nagulat ako ng madatnan doon si Cristof na nakaupo sa sala, naghihintay sa pagdating ko.
"Saan ka galing?" tanong niya.
"Ha?" sabi ko habang napapalunok. Titig na titig ako sa kaniya habang ang utak ko ay naglalaro sa kung saan ako makakahanap ng ipapalusot sa kaniya. Hindi pala ako nakapagtext na aalis ako at hindi rin naman siya nagsabi na pupunta siya.
"Kanina pa ako nagtetext at tumatawag sa'yo. 'Di mo naman sinasagot," sabi niya.
Doon ko nilabas mula sa bulsa ko ang phone ko at saka chineck iyon.
11 missed calls. 8 unread messages. Shit.
"May binili lang ako sa labas,"
"Anong binili mo?" tanong niya. Hindi niya pwedeng malaman na may ginagawa ako para sa kaniya.
"Chocolate saka milk tea na powder," pagdadahilan ko, totoo naman pero pakiramdam ko ay nagsisinungaling pa rin ako.
"Eh bakit ang dami mong dala?"
"Mga pinabili sa akin 'to ni Ate Felice," pagdadahilan ko.
Hindi niya pwedeng malaman na may surprise ako sa kaniya.
"We need to talk," sabi niya. Nakaramdam ako ng kakaibang kaba doon lalo pa at nitong mga nakaraang buwan ay hindi kami maayos.
"Okay," sagot ko, "ilalagay ko lang 'to sa loob." At saka ako mabilis na naglakad papuntang kwarto para itago ang mga pinamili ko.
BINABASA MO ANG
Ang Simula ng Kwento Nating Dalawa
Подростковая литератураKailan ba kita unang nakita? Kailan ba kita unang nakilala? Kailan ba kita unang nakausap? Saan nga ba tayo nagsimula? Ah! Naalala ko na. Sa dulo. Sa dulo tayo nagsimula. "I cried almost every night after the day you broke up with me and tonight...