Dalawang linggo bago ang sumunod na sem ay umalis kami ng The Middle. Napagdesisyunan naming pumunta sa isang private resort sa Pansol, Laguna. Isang private van ang inarkila para sama-sama na kami papunta doon. Masaya ang mahabang byahe tapos ay puro kwentuhan at kulitan lang ang gagawin niyo.
Sa may tapat nang school kami nagkita-kita, nang makarating ako doon ay nakahanda na ang van na sasakyan namin papuntang Pansol. "Ako na lang ba hinihintay?" tanong ko sa kanila ng makalapit ako sa kanila.
"Hindi, wala pa si Rafael saka si Pao," sabi ni Julian. Nagkuwentuhan muna kami sa labas habang hinihintay ang iba. Ilang minuto lang ang lumipas at dumating na rin ng sabay ang dalawa. "Oh, sinundo niyo pa ata isa't isa eh," natatawang sabi ni Julian.
"Pwede ba 'yun? Susunduin namin isa't isa? Isa lang susundo dapat kasi nasundo na 'yung isa," banat ni Rafael.
"Gusto mong gumulong pauwi?" tanong ni Julian.
"Joke ko 'yan. Wala ka ibang joke?" natatawang tanong ni Rafael saka nagkulitan ang dalawa. "Tara na!" anyaya ni Rafael.
Pumasok na kami sa van isa-isa. Si Pao at Rico ang nasa unahan, katabi si kuya driver. Nasa likod naman ako, si Rain at si Rafael. Si Jan, Anj at Mari ay nasa likuran namin habang si Clarissa, Jessa, Gen at Julian ay magkakatabi sa pinakalikod.
Naging masaya ang byahe namin dahil sa pagkanta ni Pao ng isang Bon Jovi song, ang Livin' On A Prayer at kahanga-hanga nga naman talaga ang naging pagkanta niya. "Woah! We're half way there! Woah! We're livin' on a prayer! Take my hand, we'll make it, I swear! Woah! Livin' on a prayer," kanta ni Pao na nakapagpahiyaw sa aming lahat na kahit si kuya driver ay natutuwa sa kaniya.
Rinig ko ang pagsabay ng iba naming kasama sa pagkanta ni Pao. Narinig ko rin ang ipit na tawa ni Rain, tila nagpipigil ng tawa pero mahahalata mo ang tuwa sa kaniya. Siya 'yung tahimik na miyembro ng grupo, hindi pala imik pero lagi ring nandiyan para sa'yo.
Sinabayan ni Jessa ang pagkanta ni Pao na siyang ikinamangha ko rin. Sana all magaling kumanta. Iba ang timbre ng mga boses nila. Hindi ko inaasahan na ganito kaganda ang boses ni Jessa, ang akala ko noong una ay maingay lang talaga siya.
Habang si Rafael at Rico ay gumagawa ng beat gamit ang kung ano-anong bagay na hawak nila. Pwede na silang gumawa ng isang banda. Si Julian naman na nasa pinakalikod ay tumutugtog gamit ang dala niyang gitara.
At ako, ito, tagahanga sa kanila. Hindi sila natahimik buong byahe at puro kantahan ang ginawa habang ang ibang hindi kaya ang pagkanta ay nagkwentuhan na lamang. Makalipas ang isa't kalahating oras ay nakarating na rin kami sa private resort na inarkila nila.
Pagpasok pa lamang sa venue ay makikita na agad ang swimming pool. Sa bandang kaliwang bahagi ng parang lobby nito ay makikita ang open space kung nasaan ang pool table. May mga upuan at lamesa rin. May tv din doon at pwedeng magkaraoke.
Kumain muna kami bago kami tuluyang magswimming. May mga dalang pagkain ang bawat isa. May nagdala ng lumpia, spaghetti, at hindi mawawala ang mga ihaw na liempo. Hindi ko maintindihan kung bakit dumodoble ang sarap ng inihaw na liempo kapag nagsiswimming.
Ang mga lalaki ay dumiretso sa pool table para magbilyar habang sila Pao at Jessa naman ay kumakanta sa karaoke. Ang mga babae naman ay nagswimming na matapos kumain.
Kung ano-anong nilaro namin sa swimming pool. Maghahabulan o kaya ay magpapabilisan o kaya ay mag-uunahan makahanap ng piso. Hindi ako sumali doon dahil sa labo ng mata ko ay baka hindi ko rin makita agad.
Sa lahat ng laro namin ay ni isang beses ay hindi ako nanalo. "Sandali lang, nagugutom ako," natatawa kong sabi, "hindi naman ako nanalo sa inyo."
Umahon ako doon at lumapit sa may lamesa. Nandoon pa rin si Jessa at si Pao, "Hindi ba kayo magsiswimming? Grabe, live band," sabi ko habang kumukuha ng Clover na malapit sa kanila.
"Enjoy kami dito eh," natatawang sabi ni Pao, "gusto mo?"
"Gumulong din pauwi?" natatawang tanong ko.
"Wala ba kayong ibang joke?" rinig kong sigaw ni Rafael mula sa pool table.
Doon ako napaharap sa kaniya, "Ang lakas ng pandinig mo ha. Infairness," natatawang sabi ko.
Kinuha ko sandali ang phone ko para makapagfacebook. Kailangan kong i-chat sila Mommy at Daddy kung nasaan na kami pero nang buksan ko ang facebook ay mukha ni Cristof ang bumungad sa akin.
Isa iyong simpleng pagsasalo kasama ang mga bago niyang kaibigan. Oo, wala na dapat kaming pakielam sa isa't isa. Dapat ay maging masaya na ako para sa kaniya kasi masaya na rin ako kung sino ang mga kasama ko.
Nang dumilim na ay nagsama-sama na kami sa hapag-kainan para kumain ng hapunan. "Penge ako ha," biglang sabi ni Rico kay Julian habang kumukuha ng lumpia. Nakita ko kung paano sumama ang tingin ni Julian sa hawak na lumpia ni Rico. "Penge lang. Bakit mo pa 'to dinala kung hindi ka rin magshshare?"
"Baon ko 'yan eh!" sigaw ni Julian.
"Huwag kang kukuha ng kanin ha!"
"Bakit?"
"Baon ko 'yun eh!" sabi ni Rico.
"Ang damot mo!"
"Ang damot mo rin!" saka sila sabay-sabay na tumawa.
Habang ako ay nakikiramdam sa mga pangyayari ay biglang umupo si Anj sa tabi ko, "Paborito niya kasi 'yan. Walang pwedeng umagaw," saka ako napatingin sa kaniya at natawa.
"Akala ko nag-aaway talaga sila para sa lumpia," bulong ko saka ibinalik ang tingin sa pagkain ko.
"Julian, pahingi raw si Ann ng lumpia," biglang sabi ni Anj.
"Hindi! Sa'yo na. Okay lang ako dito. Sarap nito," sabi ko at rinig ko ang tawa nila.
"Oh, isa lang ha?" natatawang sabi niya habang inaabot ang lalagyan ng paborito niyang lumpia.
"Wow, namigay ka pa!" batok ni Rafael kay Julian.
"Aray!"
"Bakit siya binigyan mo! Ako nga nagpaalam na, nagalit ka pa!" sigaw ni Rico.
Nagtuloy-tuloy ang kulitan namin ng gabing iyon hanggang sa biglang sinabi ni Anj na may section na para sa susunod na semester. "Anong section mo?" tanong ko kay Anj.
"232. Ikaw?" tanong niya sa akin.
"Wala. Wait, check ko," sabi ko saka kinuha ang phone ko para tignan, "432. Ikaw, Gen?"
"323."
"Hala, magkakaiba tayo ng section. Wala nanaman akong kasama. Hirap nanaman mag-adjust nito," malungkot na sabi ko.
"432 ako," sabi ni Rafael.
"Ako rin," sabi ni Julian.
"Ayan, may kasama ka na," sabi ni Gen.
Ilang beses kong ipinagpasalamat sa Diyos na nakilala ko ang mga taong kasama ko ngayon. Ni minsan ay hindi ko inakala na magiging parte ako ng kahit na anong grupo. Ni minsan ay hindi ko inisip na magkakaroon ako ng sariling akin. Ni minsan ay hindi ko inakala na magiging masaya pala ako dahil sa mga kaibigan ko, dahil sa The Middle.
At sa tuwing may ikinalulungkot ako ay parati silang nakaalalay sa akin.
BINABASA MO ANG
Ang Simula ng Kwento Nating Dalawa
Teen FictionKailan ba kita unang nakita? Kailan ba kita unang nakilala? Kailan ba kita unang nakausap? Saan nga ba tayo nagsimula? Ah! Naalala ko na. Sa dulo. Sa dulo tayo nagsimula. "I cried almost every night after the day you broke up with me and tonight...