Prologue

378 58 80
                                    

Mabigat sa pakiramdam ang apat na sulok ng kwartong ito sa ospital na kinaroroonan namin. Nanginginig ang aking likuran sa lamig ng kwarto habang ang aking asawa ay mahimbing na natutulog sa gitna ng kaniyang kama.

Marahil ay gawa ng mga gamot na pinapadaloy mula sa estanteng nasa gilid niya.

Pumasok ang kaniyang doktor saka marahan na pinag-aralan ang bawat kableng nakadikit sa mister ko hanggang sa makarinig ako ng isang matining na tunog na nagmumula sa isang makinarya malapit sa gawi nila.

Doon ako nagsimulang manginig sa takot saka mabilis na tumayo mula sa aking kinauupuan at matuling nilakad ang pagitan ko at ng aking nakaratay na mister. Ilang dipa lamang ang pagitan namin pero ito na ata ang pinakamalayong distansya para sa akin.

Nang makalapit ako ay doon na rin nagsimula ang pagtulo ng aking mga luha. Pilit akong nilalayo ng mga nars na nandoon pero pilit ko ring sinisigaw ang kaniyang pangalan sa gitna ng maingay na kapaligiran.

Umaasa na sana ang boses ko ang makapagpabalik sa kaniya. Umaasa na sana ay muli siyang magising para sagutin ang pagtawag ko.

Pero iba ang plano ng Panginoon.

Paulit-ulit. Paulit-ulit. Paulit-ulit kong sinisigaw ang pangalan niya pero hindi na niya nagawang sumagot. Tumawid na siya sa kabilang buhay.

Kasabay nang pagtawid niya sa liwanag ng kabilang buhay ay siyang pagbalot ng dilim sa buong silid na hudyat nang pagbabalik ko sa totoong buhay.

"Good morning, Ann!" Nagising ako sa bati na iyon ng aking assistant, si Pia. Abot tenga ang mga ngiting sinalubong niya sa akin pero unti-unti iyong nawala nang makita niya ang mga luha sa magkabilaang pisngi ko. "Napanaginipan mo na naman ba ang iyong asawa?"

Tumango ako bilang pagsagot saka pinunasan ang mga luhang nagkalat. Tuwing anibersaryo ng kaniyang pagpanaw ay napapanaginipan ko ang eksenang iyon sa ospital. Walang labis, walang kulang. Iyon na iyon mismo.

Minsan ko nang tinanong ang sarili kung bakit taon-taon, tuwing anibersaryo niya, ay kailangan kong paulit-ulit na pagdaanan ang bagay na iyon. At taon-taon ay lalo pang nadadagdagan ang sakit na nararamdaman ko.

Pilit akong ngumiti para man lang mabawasan ang pag-aalalang bumabalandra sa mukha ni Pia. "Good morning, Pia. What's the weather today?" tanong ko habang pinakikiramdaman pa rin ang kumot na nakayakap sa aking katawan sa gitna nang malamig kong kwarto.

Ilang segundo bago siya nakasagot, maaaring pinoproseso pa ng kaniyang CPU ang tanong ko, "June 16, 2070. It will be a cloudy day, Ann. 30/26 tops."

"What's your battery level?" tanong ko habang na pipikit-pikit pa.

"100%. Chinarge ko ang sarili ko kagabi bago ka matulog," sabi ni Pia at oo, isa siyang robot.

Bawat isang tahanan ay may isang assistant kung tawagin. Salamat sa Siyensya at napadali ang buhay ng mga tao. Para na silang totoong tao kung gumalaw, kung magsalita ay parang tao na rin. Diretso ang dila at maayos ang galaw.

Hindi tulad noong mga early 20s na ang mga robot, kapag nagsalita o gumalaw ay paputol-putol. Masyadong napaganda ng teknolohiya ang mga assistant na 'to.

"And my age? How old am I?" tanong ko.

"75 pero mukhang 57," natatawang ani niya.

Muling gumaan ang pakiramdam ko dahil sa biro na iyon ni Pia. "You always look good, Pia, and always witty," nakangiting sabi ko habang pinagmamasdan ang kaniyang makinis na mukha.

"Ikaw rin naman, Ann, lagi kang maganda," sabi niya nang abot tenga ang ngiti na naging sanhi nang pagkasingkit ng mga bilugan niyang mata. Kitang-kita ko rin mula sa kinahihigaan ko ang mala-Porselana niyang mga ngipin sa ilalim ng mapupula niyang labi.

Ang Simula ng Kwento Nating DalawaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon