Sabado ngayon at pilit na iniisip kung ano nanaman ang gagawin ko sa araw na ito. Isang linggo na ang nakakaraan, wala pa rin akong naririnig na kahit ano kay Cristof. Sumisikip pa rin ang dibdib ko tuwing maiisip ko na parang wala lang sa kaniya ang pakikipaghiwalay niya sa akin.
Pero sa tingin ko ay kailangan ko nang simulang tanggapin ang mga pangyayari sa buhay namin, baka hindi talaga kami para sa isa't isa. At sisimulan ko iyon sa pagtapos ng 'open when' box na ginagawa ko para sa kaniya.
Muli kong kinuha iyon sa cabinet ko at isa-isang binalot ang mga kailangan pang ibalot. Binalot ko na ang mga shampoo, conditioner, sabon, ang mga alcohol, ang kisses at ang puzzle.
Para kong niloloko ang sarili ko. Ang tanga mo, self. Ikaw na nga hiniwalayan, ikaw pa may regalo. Natawa ako ng bahagya sa naisip ko. Mabilis kong tinapos iyon, bara-bara ang pagkakabalot ng iba.
Aba, ako na nga hiniwalayan, ikaw pa may regalo tapos gusto mo presentable pa? Tama na 'yung may regalo ako sa'yo.
Idinikit ko na sa bawat isang regalo ang kaakibat nilang note na 'open when...' saka inilagay sa loob ng box ang lahat ng binalot ko. Noong una ay naisip kong lagyan ng filler ang box para magandang tignan pero dahil sa mga pangyayari ngayon ay 'wag na lang.
Matapos kong ayusin iyon ay ibinalik ko na iyon sa aking cabinet saka ko narinig ang cellphone ko. Sinagot ko kaagad iyon nang makita kong si Anj ang tumatawag.
"Hello," sabi ko sa linya.
"Papunta kami diyan. May lakad tayo."
"Ha?" sabi ko. May usapan ba kami?
"Basta, mag-ayos ka na. Papunta na kami. Kasama ko sila Gen at Jan. Malapit na kami," sabi niya sa kabilang linya saka ibinaba iyon.
Hindi man lang sinabi kung saan kami pupunta? Anong susuotin ko?
Ann: Anj, anong isusuot ko!? Grabe 'yung yaya mo. Biglaan.
Anj: Magdidinner lang tayo. Casual lang. Haha.
Kala ko naman ay kung saan na kami pupunta kaya naman nag-ayos na ako kaagad. Nagbihis saka naglagay ng kaunting make-up. Nang matapos akong mag-ayos ay saktong tumunog ang doorbell ng bahay namin. Mukhang nasa labas na sila.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko.
"May dinner ang The Middle. Isasama ka namin," sabi ni Anj.
"Huy, hindi naman ako invited diyan. Kala ko naman tayo-tayo lang," sabi ko nang masarado ko ang gate namin. "'Di na ako sasama!" Bubuksan ko na sana ulit ang gate pero pinigilan iyon ni Anj.
"Simula ngayon kasama ka na sa grupo namin, okay?"
"Pero hindi ko naman sila kilala lahat. Baka mabigla sila kapag sumama ako," sabi ko. Nababalisa ako dahil may sampu ata ang miyembro ng The Middle at si Gen, Anj at Jan lang ang kaclose ko. Hindi ko nga alam kung sino-sino ang kasama sa grupo na iyon.
"Okay lang 'yun. Kaming bahala sa'yo," sabi ni Gen saka ako hinila papunta sa sakayan.
Hindi ako mapalagay dahil nahihiya ako. Baka masurprise sila na kasama ako bigla. "Sigurado ba kayo na isasama niyo 'ko? Hindi ba 'yun nakakahiya?"
Nang makarating kami sa isang restaurant na inarkila nila ay nandoon halos lahat ng miyembro ng The Middle. "Ano bang mayroon? Bakit may padinner na ganito?" bulong na tanong ko kay Gen.
"Wala naman. Miss na namin isa't isa eh," natatawang sabi ni Gen, "'wag ka kabahan, okay lang 'yan. Nandito naman kami nila Anj."
"Anj! Gen!" bati ng ibang babaeng miyembro ng The Middle.
"Uy, pre!" bati naman nila kay Jan.
Bakit ba ako nandito?
"Guys, kilala niyo naman si Ann, 'di ba?" sabi ni Gen.
"This is Rico," turo ni Anj sa lalaking medyo chubby. "Pao," turo naman niya sa lalaking laging maingay sa classroom. "Jessa," turo niya sa isang miyembro na laging kausap noong Pao na maingay rin. Napakalakas ng boses niya lagi. "Mari," turo niya sa isa pang miyembro ng grupo na hindi ko kilala. Baka dahil ay tahimik siya? Hindi ko alam. "Clarissa," turo niya sa isa pa na miyembro na hindi ko kilala. "Rain," turo niya doon sa nag-add sa akin sa group 1st year, 1st sem. "Tapos si Julian at Rafael. You know them, of course."
Isa-isa nila akong nginitian at saka kumaway. Medyo naiilang pa rin ako dahil syempre ay ngayon ko lang naman sila nakausap at makakasama.
"Uy, Ann!" tawag sa akin ni Rafael, "Kumusta na kayo ni Cristof?"
"Oo nga, nakita ko siya kahapon. Hinahanap nga kita kaso bigla siyang tinawag noong mga kasama niya eh," tanong naman ni Rico.
"Magkaiba na kayo ng section, 'di ba?" tanong ni Mari.
Napatingin naman ako kay Anj, Gen at Jan sa mga tanong ng mga kasama namin.
"Okay lang naman na sinama namin si Ann, 'di ba?" biglang tanong ni Anj, "Gusto kasi namin na isama na siya sa grupo."
"No pressure ha, kung ayaw niyo ako dito aalis na lang ako. Okay lang naman 'yun sa akin. Bigla lang talaga ako hinila nitong tatlong 'to," tuloy-tuloy at mabilis kong sabi, "Hindi nga nila sinabi na dito ang punta namin kung hindi pa ako magtatano-"
"Welcome sa The Middle!" sabay-sabay nilang sabi habang nakangiti. Sandaling naputol ang hininga sa agarang pagsigaw nila pero nakahinga rin muli at maluwag sa pagtanggap nila na iyon sa akin.
"Seryoso ba kayo?" paniniguradong tanong ko.
"Alam niyo, kanina pa 'yan. Papunta pa lang kami iniisip na niya na hindi siya welcome dito. Tinanong niya rin kami kung sigurado ba kami na isasama namin siya!" sabi ni Gen kasabay ng pag-akbay niya sa akin dahilan para lalo akong maging komportable sa kanila.
"Tingin ko kailangan mo na rin sagutin 'yung mga tanong nila kanina," sabi ni Anj. Tinignan ko siya sa sinabi niyang iyon. "Kaibigan mo na rin sila. Parte ka ng grupo at matutulungan ka nila," bulong na dagdag ni Anj.
Doon ko tinignan isa-isa ang mga kaibigan ko. Teka, iba sa pakiramdam na may matatawag na 'kong akin. Tila nakikiramdam sila at nag-aabang sa mga susunod kong sasabihin. Mula kay Rico, Pao, Jessa, Mari, Clarissa, Rafael hanggang kay Julian.
"Hindi kami okay ni Cristof ngayon," mabagal na sabi ko. "Well, actually..." mahaba pero binitin na sabi ko habang nakatingin sa ibang gawi, "wala na kami," saka ako muling humarap sa kanila para makita ang mga hindi makapaniwalang mukha nila.
BINABASA MO ANG
Ang Simula ng Kwento Nating Dalawa
Fiksi RemajaKailan ba kita unang nakita? Kailan ba kita unang nakilala? Kailan ba kita unang nakausap? Saan nga ba tayo nagsimula? Ah! Naalala ko na. Sa dulo. Sa dulo tayo nagsimula. "I cried almost every night after the day you broke up with me and tonight...