Ang Gwapong Gago Part 13

15K 578 20
                                    

Ang Gwapong Gago

AiTenshi

Fb: ai_tenshi@rocketmail.com

 

 

Chapter 13

Kinabukasan, maaga kaming gumising upang ihanda ang aming dadalhin patungo sa beach. Hindi ko maitago ang labis na excitement habang isinisilid ko sa knapsack ang aking mga damit. Mukhang heto na ang rebound sa lahat ng kalungkutang pinagdaanan ko noong mga nakakalipas na araw. “Al, panaog na dira kay malakat na kita” ("Al bumaba ka na dito dahil aalis na tayo,") pagtawag ni lolo.

“Ara na Lo! Dali lang gid!!!”("Nandyan na po! Sandali lang!!!") sigaw ko naman at dali- dali kong isinukbit ang aking knapsack.

Dalawang van ang aming sinasakyan patungo sa beach. Kasama ko sina lolo at lola sa unang sasakyan at sa kabila naman ay nandoon ang aking mga pinsan at ang kani- kanilang mga kabarkada. Sayang lamang dahil wala si Johan sa aking tabi, sana ay magkahawak- kamay kami ngayon habang tinatahak ang daan patungo sa paraiso. Waaaaaaaahhh! ERASE ERASE! Huwag niyo nang pansinin ang mga nasabi ko dahil dala lamang ito nang matinding inggit. Hehe.

“Aldrin may ara ka na nobya didto sa siyudad?” ("Aldrin, mayroon ka na bang kasintahan doon sa inyong siyudad?") tanong ni lolo dahilan para masamid ako.

“Ah… eh… wala, Lo. Subong, pag eskwela anay ang akon gina una” ("Ah… eh…. wala pa po lolo. Sa ngayon ay nakatuon lamang ako sa aking pag- aaral,") sagot ko naman sabay bitiw ng isang matamis na ngiti.

“Amo gali? Dasiga bala pageskwela mo para kapangasawa ka na. Gusto ko na gid makita ang imo mangin bata sa ulihi. Laptaha imo nga rasa kay kagwapo sa imo.” ("Ganoon ba?Apurahin mo ang pag- aaral mo upang makapag asawa ka na. Gusto kong makita ang iyong magiging mga anak. Ikalat ang iyong lahi dahil napaka gandang lalaki mo,")sabi naman ni Lolo dahilan para mapakunot na ang aking noo.

"Lolo pwedeng tagalog na lang? Pakiramdam ko po kasi ay nagbuhol na ang dila ko. Nag nonosebleed na po ako kagabi pa," ang wika ko sabay tawa ng malakas. Hindi naman kasi ako ganoon kagaling sa salitang "hiligaynon" dahil kadalasan ay si mama lamang ang nagtuturo sa akin nito. Si papa naman ay purong tagalog lamang ang alam kaya’t paniguradong hindi rin siya makakarelate.

Nagtawanan sina lolo at lola. "Ikaw naman kasi Hernan, alam mo naman na hindi lumaki dito ang apo mo ay apura pa ang kausap mo ng salita natin. Mabuti na lang at kahit papaano ay nakakasagot iyan kapag tinatanong mo," wika naman ni Lola at muli itong tumawa.

"Oh siya, tagalog na lamang. Ang ibig kong sabihin sa iyo apo, sana ay makapag- asawa kana kaagad upang maikalat mo ang lahi mo. Sayang ang gandang lalaki mo kung hindi ka mambubuntis kaagad. Sa lahat pa naman ng aking apo ay ikaw ang pinaka kamukha ko," ang sabi ni lolo sabay tawa ng malakas.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay lolo noong mga oras na iyon kaya minabuti kong makitawa na lamang din. Alangan namang sabihin ko na mayroon akong lalaking minahal at kakahiwalay lamang namin. Mahirap na dahil baka sa halip na sa beach ang punta namin ay magtuloy kami sa ospital dahil inatake sila sa puso sa aking sinabi.

Ang Gwapong GagoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon