Chapter 52. Trida & Zee

256 6 3
                                    

TRIDA MONTANA

Pababa ako sa hagdan nang masalubong ko 'yung tatlo. Si Kayden, Matthew at Zee. Nakasuot sila ng school uniform at halatang kauuwi lamang.

"Andito ka na? Ano'ng nangyari?" Si Kayden ang unang nagtanong.

"Bakit mas naunang nakalaya si Ivy?" Si Matthew.

"Hindi ba binanggit sa inyo ni Haze?" tanong ko naman sa kanila. Mukhang hindi pa nila alam ang tungkol kay Migz.

"Ang alin?" Nagtataka akong tiningnan ni Zee.

"Na nahuli na 'yung totoong pumatay kay Racquel kaya ako nakalaya," I stated. Nagtinginan saglit si Zee at Matthew bago ibalik ang tingin nila sa akin.

"Talaga? Mabuti kung gano’n! Edi makakapasok na ulit kayo ni Ivy?" nakangiting sabi ni Zee.

"Oo. Pero pagbalik na lang ni Ivy. Nahihiya akong pumasok mag-isa pagkatapos ng nangyari." Bahagya pa akong napabuntong-hininga.

"Bakit ka mahihiya? Wala na kayong dapat ipag-alala. Ngayon pa bang nahuli na 'yung totoong killer?" sabi naman ni Matthew sabay baling kay Zee. "Di ba, Zee?" Dinunggol niya pa ito nang bahagya sa braso.

"Oo," Zee responded habang diretso ang tingin sa kaniya. Bakit gano'n sila? Bigla akong nanibago.

"Mauna na 'ko sa taas," paalam ni Kayden at nauna na itong umakyat sa hagdan.

"Ako rin." Pumangalawa naman si Matthew kaya naiwan kaming dalawa ni Zee na magkaharap.

"Ano’ng nangyari sa inyo ni Matt? Nag-away ba kayo?" tanong ko sa kaniya nang tuluyan nang makalayo ang dalawa.

"Hindi," tipid niyang sagot.

"Eh bakit parang iba 'yung tinginan n'yong dalawa?"

"Pano'ng iba? Isang araw at magdamag mo lang kaming hindi nakita, akala mo agad may kakaiba na? Kami pa rin 'to! Hay, ikaw talaga." Hinawakan niya pa ako sa ulo at ginulo nang bahagya ang buhok ko. "Sige na. Akyat na 'ko sa taas," paalam niya.

Bahagya naman akong tumango. "Sige."

Pero nakakadalawang hakbang pa lang siya nang huminto siya at muli akong lingunin. "Kumain ka na ba?"

"Bakit? May balak ka bang ilibre ako?"

Ngumiti siya bago sumagot. "Hintayin mo 'ko. Mag-shower lang ako saglit ta's kain tayo sa labas."

"Ohhh, Zee! 'Yan ang gusto kong marinig kanina pa!" Malapad ang ngiti kong nag-thumbs up sa kaniya. "Sige at magbibihis na 'ko." Humakbang na rin ako paakyat para magkasabay na kami pabalik sa taas.

"Hindi ka na magsho-shower?" baling niya sa 'kin.

"Tapos na 'ko. Hindi mo ba nakikita 'yung buhok ko? Medyo basa pa, oh."

"Weh? Baka pawis lang 'yan? O baka winisik-wisikan mo lang ng tubig?" Tumawa pa siya na parang nang-aasar.

"Excuse me! Ano'ng tingin mo sa 'kin, dugyot?" pagtataray ko sa kaniya. Umirap pa ako. "Kahit tumira ka pa sa kili-kili ko, p'wedeng-pwede!" Patuloy kaming nagsasagutan at nag-aasaran habang paakyat sa hagdan.

"Kung sa kili-kili mo 'ko titira, ano'ng address n'yan? Sinigang street, barangay paksiw, sinampalukan city?" Humagalpak siya ng tawa kaya sinubukan ko siyang hampasin, pero bigla siyang tumakbo palayo sa akin. At hindi ko na siya nahabol dahil bawal kaming umakyat sa floor nila. Nakakapuslit lang naman ako roon kapag gabi na at nakaidlip 'yung receptionist na nakabantay.

"Humanda ka sa 'kin mamaya!" sigaw ko sa kaniya. Nasa taas na siya pero dinig ko pa rin ang pagtawa niya. Tinaas ko ang kamay ko para amuyin ang kili-kili ko. "Hindi naman maasim, ang bango nga, eh! Bwisit talaga 'yung Zee na 'yon. Lalamugin ko s'ya mamaya. Maghintay-hintay s'ya!" Inis akong nagmartsa pabalik sa kwarto.

Finding Supremo (Undergoing Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon