Chapter 11

257 10 1
                                    

✿♡ TRIDA ♡✿

PAGKAGAT ni Haze sa pandesal, agad niya 'yon nginuya. At ang sumunod na nangyari, nagtawag na siya ng uwak.

"UWAAAKHG!" Naduwal siya sabay luwa ng pandesal sa kamay niya.

"Eww, Haze! Doon ka nga sa banyo!" sita ni Ivy habang nakatitig si Haze sa bagay na niluwa niya sa palad niya.

"Trida . . ." Bumaling siya ng tingin sa 'kin matapos pagmasdan 'yon, halos hindi maipinta ang mukha niya. Gusto kong matawa dahil sa itsura niya pero pinipigilan ko. "Sa buong relasyon natin 'di ako nagmura sa harap mo. Pero t*ngina 'tong pandesal ala toothpaste mo. I'm so HAPEE!"

"Bakit kasi kinuha mo? Sa'yo ko ba binibigay?" ganti ko sabay irap pa sa kaniya. Panira s'ya ng moment! Kung hindi n'ya kinuha 'yon, nakaganti na sana ako kay Ivy!

Agad nagsalubong ang kilay ni Ivy sa narinig kaya dumukwang siya at inabot ang pandesal na kinagatan ni Haze 'tsaka niya tiningnan ang loob no'n.

"Hoy Trida, 'wag mo sabihing balak mo 'ko pakainin ng pandesal na may palamang toothpaste?" Tumaas pa ang isa niyang kilay.

"Pasalamat ka na lang at dumating si Haze kaya hindi mo natikman!" Inirapan ko siya. Si Haze naman ay nagmumog sa gripo pagkatapos ay tumabi ulit sa amin para makimukbang. Dumukot siya ng pandesal sa lalagyan at tiningnan muna ang loob no'n.

"Check ko muna. May trust issues ako." Nang masiguro niyang walang kakaiba sa pandesal, saka pa lamang niya 'yon kinagat.

"Bakit mo naman kasi nilagyan ng toothpaste, Trida? Gaganti ka ba sana sa 'kin?" tanong ni Ivy.

"Oo. Pero hayaan mo na, may susunod pa naman, eh." Ngumisi ako sa kaniya sabay hawak sa leeg ko na sinakal niya ng necktie. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang sakit. "Akala mo ba hindi masakit 'yong pagsakal mo sa 'kin? Akala ko katapusan ko na! Nag-blurry 'yong paningin ko! Parang nakita ko pa si St. Peter, nakaunat ang kamay sa 'kin!" sita ko nang maalala ko 'yong ginawa niya.

"Hindi kasi kita nakitang nagsuot ng jacket sa kwarto. Akala ko t-shirt lang ang suot mo, napagkamalan tuloy kita." Natawa pa siya nang mahina.

"Pahigop nga." Dumukwang ni Haze para abutin ang mug ko na may choco. Akala niya ba hindi ko napansin na nakatatlong pandesal na siya habang nag-uusap kami ni Ivy?

"Huwag ka naman umabuso, Haze. 'Di porque pinayagan ka namin dumukot d'yan sa pandesal, pati ang choco ko, iinumin mo na!" Inagaw ko ang mug ko sa kaniya.

"Isang higop lang naman." Nagpaawa pa siya sabay hila ulit sa mug papunta sa kaniya.

"Magtimpla ka na nga lang ng sa'yo!" Hinila ko ulit 'yon pero hindi niya inalis ang kamay niya at hinila niya ulit pabalik. "Akin na! Sa 'kin to!" Nakikipag-agawan ako nang maingat dahil ramdam ko ang init ng baso. "Kapag ako nabanlian, Haze, babalatan kita nang buhay na parang palaka!"

"Hoy! Dahan-dahan kayo bagong kulo 'yang tubig," paalala sa 'min ni Ivy pero parang walang plano 'tong b'wisit na 'to na bitawan ang mug ko.

"Isang higop lang, Trida! Kadamot mo na ngayon, samantalang noong tayo pa, kahit ayaw ko sa kinakain mo, pipilitin mo pa 'kong subuan!" Dahil sa inis ko sa sinabi niya, bigla kong binitawan ang mug. Hindi ko alam na akma niyang hihilain 'yon papunta sa kaniya kaya tumapon sa kandungan niya 'yong laman. Doon sa tapat ng eggs niya.

"AAAAAHGK! WOOOH!" Tumayo agad siya, halos di alam ang gagawin kung maghuhubo ba o ano. "ARAY! ARAY! ARAY! ARAY! T*NGINA!" Halos magtatarang siya dahil sa pagkapaso.

"Bombero! Bombero!" Nataranta naman si Ivy at agad na tumayo sa upuan niya. Bombero? Bobo ba s'ya? Nabanlian lang naman, hindi nasunog.

Binuksan niya ang ref at kinuha 'yong pitchel na may malamig na tubig at saka isinaboy sa silanganang bahagi ni Haze na nabanlian.

Finding Supremo (Undergoing Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon