Chapter 15. Saved

379 16 9
                                    

THIRD PERSON POV

Nakita ni Vincent na nag-appear sa mobile screen niya ang pangalan ni Supremo kaya agad niya itong sinagot.

"Ikaw ba ang nagpadukot sa dalawang estudyante ngayong hapon?" bungad nito sa kaniya, bakas ang galit sa malalim nitong boses na nagdulot sa kaniya ng pangamba.

"Oo. Sa palagay ko alam na rin nila ang tungkol sa—"

"I-send mo sa 'kin ang picture ng dalawa, right this instant!" Nagtataka niyang ibinaba ang cell phone at saglit na pinagmasdan 'yon. Wala siyang ideya kung bakit gustong makita ni Supremo ang litrato ng dalawang estudyante, samantalang ang mga naunang biktima ay hindi naman nito hiningan ng larawan.

Napailing siya habang tinatawagan ang tauhan niya na dumukot sa mga ito. "Hello, boss?" bungad ni John sa kaniya.

"Buhay pa ba 'yong dalawa?"

"Oo, boss. Humihinga pa."

"Picturan mo sila at i-send mo agad sa 'kin. H'wag n'yo munang patayin." Hindi pa man nakakasagot ay agad na niya itong binabaan at hinintay na lamang ang bagay na hiningi niya rito. Ilang sandali pa, muling tumunog ang kaniyang cell phone, pahiwatig na natanggap na niya ang hininging litrato. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at isinend naman niya 'yon kay Supremo.

Nang akmang buburahin na niya ang larawan ay saglit siyang natigilan, napatitig sa mukha ng dalawa. Nagsalubong ang kaniyang kilay nang mamukhaan ang mga ito. Dahil ang dalawang estudyante na dinukot ng kaniyang tauhan ay walang iba kun'di ang dalawa rin na ipina-background check sa kaniya ni Supremo. Si Trida Montana at Ivy Piñaflorida.

Napukaw ang kaniyang pag-iisip nang muling tumunog ang kaniyang cell phone, rumehistro muli rito ang pangalan ni Supremo kaya agad niya itong itinutok sa tainga. Bumungad na naman sa kaniya ang matigas at makamandag nitong boses na ngayon lamang niya narinig.

"The moment they touched them—I will kill you and your men!" Hindi na niya nagawang sumagot man lang dahil agad din naputol ang linya.

Ang totoo, matagal na silang magkakilala ni Supremo dahil halos ilang taon na rin siyang tauhan ng ama nitong si David Ferrari. Magkaibigan ang turingan nilang dalawa kahit mas matanda siya rito ng limang taon, kaya naman siya rin ang napili ni David para makatuwang niya sa misyon dahil alam nitong palagay ang loob nila sa isa't-isa. Ngunit ngayon lamang ito nagsalita nang gano'n sa kaniya, na tila isang pagkakamali lang na masaling ang dalawa ay handa itong kitilin ang buhay niya.

Nagtataka man ay sinunod pa rin niya ito at agad na tinawagan ang kaniyang tauhan na dumukot sa dalawa upang ibahin ang napag-usapang plano.

"H'wag n'yo silang gagalawin. H'wag n'yong sasaktan. Kapag may nangyaring masama sa kanila, lalagutin ko mga litid n'yo!" Ma-awtoridad na sabi ni Vincent sa kausap.

"Yes, boss."

TRIDA's POV

Huminto sa pagbibilang 'yong lalaki dahil sa pagtunog ulit ng cell phone niya. "Si boss tumatawag na naman. Ikaw kumausap." Narinig ko ang pagtatalo nilang dalawa dahil parang ayaw rin kausapin ng isa ang tinatawag nilang boss.

Kung ako ang boss nila, sisante 'to agad, wala pang suweldo!

"Ikaw na. Hawak mo na, eh!" Narinig ko pa ang pagpalatak ng isa bago sumagot.

"Hello, boss?.......Picturan? Ano'ng—sige, boss. Sandali." Nagulat at napaatras ako nang maramdaman ko ang kamay na kumakalag sa telang nakatakip sa mata ko. Agad kong iginala ang paningin ko nang sa wakas ay matanggal na 'yon. Napansin kong nasa isang lugar kami na walang bahayan at puro matataas na damo ang nakapaligid. Tipong kahit sumigaw kami, walang makakarinig sa 'min. Madilim na rin dahil sa tantya ko ay mag-aalas otso na ng gabi at tanging isang mahinang ilaw lang sa poste ang nagbibigay liwanag sa amin. "Tumingin kayo rito." Itinapat ng lalaki sa 'min ang cell phone niya para kuhanan kami ng litrato.

Finding Supremo (Undergoing Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon