✿♡ IVY ♡✿
NANG dumilat si Trida ay agad niyang iginala ang paningin sa kuwarto. Mukhang nagtataka pa siya kung bakit narito na kami sa dorm matapos siyang mawalan ng malay kanina.
"Buti gising ka na." Inalalayan ko siyang makabangon.
"Paano ako nakauwi?" taka niyang tanong nang bumaling siya sa 'kin. "At saka 'yong . . . 'yong d-dalawang babae na . . ." Bumakas muli sa mukha niya ang takot. "Totoo ba 'yong nakita natin kanina?"
Napalunok ako. "Oo."
"Kung gano'n, paano ako nakauwi?"
"Binuhat ka ni Yuwi."
Nagsalubong ang kilay dahil sa sinabi ko. Noong nakita kasi namin ang dalawang babaeng duguan na nakahandusay sa gilid ng kalsada ay agad akong napasigaw at kasabay naman noon ay nawalan siya ng malay. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko sa kaniya noong mga oras na 'yon. Gusto kong tumakbo palayo dahil natakot ako na baka mapagbintangan kami, lalo pa at walang masyadong bahayan sa lugar na 'yon at wala rin masyadong nagdaraan na mga tao o sasakyan. Pero hindi ko naman puwedeng iwan si Trida lalo na at wala siyang malay.
Kahit nanginginig ang mga kamay at binti ko noong oras na 'yon ay pinilit ko siyang gisingin. Kaso ayaw niyang magising kaya hindi ko na napigilan ang pag-iyak ko. Napahagulgol ako na para bang namatayan, samantalang buhay pa si Trida at ang patay ay 'yong nasa tapat namin. Makalipas lang ang ilang sandali, nagulat ako nang bigla na lang sumulpot sa tagliran ko si Kierzyuwi. Noong una ay napako rin ang tingin niya sa dalawang babae na duguan, pero agad siyang nakabawi at kinuha ang cell phone sa bulsa niya para tumawag ng pulis. Kasunod noon ay binuhat niya si Trida at saka na kami bumalik sa dorm tutal ay malapit na lang naman kami noong oras na 'yon.
"A-Ano'ng . . . nangyari sa dalawang estudyante?" kinakabahan niyang tanong nang matapos kong ikwento sa kaniya kung paano kami nakauwi.
Umiling ako. "Hindi ko alam. Pero parang ang dinig ko, nasaksak daw."
✿♡ TRIDA ♡✿
Pagkatapos ikuwento ni Ivy ang nangyari, kinuha ko agad ko ang cell phone ko at tiningnan sa internet kung mayroon bang lumabas na balita tungkol sa nakita namin na dalawang estudyanteng nasaksak. Pero wala akong natagpuan na article tungkol doon.
"Kain muna tayo. Ako na lang ang magluluto," sabi ni Ivy sa 'kin habang tutok pa rin ang mata ko sa screen ng cell phone.
"Susunod na lang ako, mauna ka na sa baba."
Lumabas na siya sa kwarto namin at ilang sandali pa tumayo na rin ako para ayusin ang sarili ko. Nagpalit ako ng damit at nagsuot ng cotton long sleeves at pajama. Nagpalipas muna ako nang ilang minuto sa kwarto dahil hindi pa rin maalis sa isip ko 'yong dalawang babae na nakita namin habang pauwi kami. Para kasing pamilyar sila sa 'kin. Sa tingin ko nakita ko na sila sa department, pero hindi ko lang maalala.
Pagbaba ko sa kusina, nakita kong nakapag-prepare na si Ivy ng pagkain namin. "Bakit ang bilis mo yatang magluto?" puna ko sa kaniya noong nakaupo na ako.
"Hindi na ako nagluto. Ipinagtabi pala tayo ng ulam ni Haze," sabay turo niya sa ulam na nakatakip sa mesa.
"Wow. Bait ng ex ko, ah? Parang hindi marunong manakit. Ano'ng nakain no'n?" biro ko. Naupo na rin siya sa harap ko at nagsimula na kaming kumain.
BINABASA MO ANG
Finding Supremo (Undergoing Editing)
Novela JuvenilIvy moved to a different city and a new school. She wants only a quiet, anonymous life but she became friends with the popular and outgoing Trida. They became really close together with the five good-looking male students who lives in the dorm as we...