Bawat tao ay may kanya-kanyang hilig, kinahuhumalingan o trip sa buhay. Mayroong sa sports gaya ng basketball at football na doon ay may nagiging paboritong manlalaro. Pero ang pinakakaraniwang kinahihiligan lalo na ng mga kababaihan ay ang musika. Sa mga singers o musicians na nagbibigay buhay sa isang kanta nagsisimulang humanga ang isang listener o viewer hanggang sa maging tagasunod o sa ibang salita, fan ng soloista o ng grupo. Nagiging idolo sila ng kabataan kaya nagkakapangarap na balang araw ay maging katulad nila ang mga ito. Mga babae ang pinakamarami sa mundo ang nahihilig dito, usually those in their teen years, hanggang sa maging parte na ito ng kanilang buhay kaya dito rin nabuo ang salitang fangirl.
Isa si Carys sa mga ito at banda ang kinahumalingan niya, ang Azure Jack. College siya nang narinig at napanood na tumugtog ang mga ito sa isang music channel. Sumali siya sa mga nauso noong text clans at sa mga fansites sa internet. Marami siyang naging kaibigan ngunit dalawa lamang ang naging ka-close niya talaga, sina Loreleigh at Rachell. Hindi lang tungkol sa banda ang napagkukwentuhan nila kundi pa rin sa mga nangyayari sa buhay-buhay nila. Naging confidante nila ang isa't isa hanggang sa nagkita sila sa personal at doon na rin nag-umpisang makapanood sila ng live performances ng banda nang magkakasama.
"Wooooooaaaahhhh!" nakabibinging tili ni Rachell sabayan pa ng isa pang si Loreleigh. Pangiti-ngiting napapakislot na lang si Carys. Miminsan ay nakikisabay rin siya sa pagtalon-talon habang nakataas ang digicam. Mahinhin, mahiyain at tahimik si Carys kaya nagtataka ang dalawang kaibigan kung paano at bakit nito nagustuhan ang mga ganoong eksenang magulo at maingay.
"Cas! Cas! Si Zion! Nakatingin dito!" tawag ni Loreleigh sa kanya. "Kuhanan mo, dali!"
"Yes, yes, nakunan ko." pilit niyang nilakasan ang boses para marinig siya nito.
"Well, ready ka talaga." ngisi nito sa kanya sabay biglang sigaw, "Eeeeeethaaaaaan!!!"
Siya pa naman ang nasa gitna ng dalawa kaya halos mapuno na ng tili ng mga ito ang kanyang tainga.
Siya si Carys Ann Almoro, 25 years old, single at NBSB. Maliban sa awkward siya sa mga lalaki pwera na lang kung ka-close na niya ito, isa ring dahilan kaya hindi nagkaka-boyfriend ang pagkahumaling niya sa grupo. Marami siyang alam tungkol sa mga ito pero hindi naman lahat. Hindi siya iyong tipo ng fan na nang-i-stalk gaya ng mga crazy fans, wala iyon sa bokabularyo niya dahil nirerespeto niya ang privacy ng mga ito. Si Zion ang favorite member niya, o mas magandang sabihing crush niya. Ito ang drummer ng banda.
"O mga men, sa'n daw next gig nila? Excited ako!" kinikilig na sambit ni Loreleigh.
"Wala naman silang sinabi, sa twitter na naman natin malalaman 'yan o kaya sa website nila." sagot ni Carys na busy sa pagtingin sa digicam.
Si Rachell, hindi pa maka-get over nang kinindatan ni Yeshua, ang vocalist na head over heels ito rito.
"Rachi, uy! Lutang ka na naman!" puna ni Loreleigh na may kasamang paghampas sa braso nito.
Bumuntong-hininga si Carys at ngumuso, "Hindi maganda 'yung ibang kuha ko. Blurred." sabi niya habang binabalik ang camera sa lalagyan.
"Hayaan mo na 'yan, marami pa tayong mapupuntahang perf nila." tinapik siya ni Loreleigh.
"Aba, dapat talaga 'yan! Eeeehhhh! Yeshua!" kinikilig pa rin ito nang may paghawak pa sa magkabilang pisngi. "At Cary ha, n'ung tumingin si Zion sa pwesto natin, ang gwapo-gwapo niya!"
"Kelan ba hindi naging gwapo 'yun?" reak ni Loreleigh. "Saka lahat naman sila gwapo 'no pero Eethan pa rin." sabay dila.
"Eh ikaw ba ang kinakausap ko?" pabirong pambabara ni Rachell dito.
BINABASA MO ANG
Just Another Fangirl Story ✔
General FictionNaging instant fan siya simula nang mapanood ang banda na tumugtog sa telebisyon. They'd even stolen her heart especially the drummer. Natuto siyang pumunta sa mga live performances ng mga ito kasama ang dalawang kaibigan makita lang ang binata. Lik...