Halos tatlong oras lang ang naitulog ni Carys. Bago sila maghiwalay ni Zion kagabi ay sinabihan siya nitong ayusin ang mga kailangang dalhin kabilang na ang ilang pares ng damit. Ayon dito, naipagpaalam na siya nito kahapon habang nagbibihis siya kaya wala raw siyang dapat ipag-alala. Naabutan pa nga niya ang kanyang ina na hinahanda ang bagpack at may ilan nang naipasok.
Lumabas siya nang mistulang akyat-bahay na maraming naisilid sa bag. May ilang nagtatahulang mga aso ng kapitbahay pang maririnig. Hindi na niya ginising ang mga magulang sapagkat alam naman ng mga ito at ayaw niyang maistorbo ang tulog nila. Nabigla siya nang madatnang nakaupo si Zion sa puno ng hagdan, sukbit ang malaking bag sa likod. Nagtaka pa siya nang hindi niya nakita ang kotse.
Tumayo naman ito nang marinig ang pagbukas ng pinto. "Good morning, babe." bati nito pagkuwa'y humalik sa pisngi niya.
Hindi siya nakakibo. Ayaw na nga nitong sabihin kung saan sila pupunta, maging ang mama't papa niya ay kinuntsaba, kaya wala siyang ideya kung saan ang tungo nila.
"Did you sleep well?"
Sinara muna niya ang pinto bago umiling. Naka-lock na iyon mula sa loob. "Ano na, sasabihin mo na ba kung saan tayo pupunta? Bakit kailangan kong gumising kasi ng ganito kaaga?" pabulong na reklamo niya.
"Bakit ganyan ka bumati?" Hindi niya maaninag ang mukha nito dahil madilim pa pero nahihimigan na naman niyang may tampo sa tono nito. "You'll know when we get there. I didn't bring the car, mag-co-commute tayo." Tapos pinansin nito ang jacket niyang nakasabit sa braso niya. "Isuot mo na 'yan. Malamig."
Naramdaman nga niya ang malamig na hangin pagbukas ng pinto kanina. Tinanggal na niya ang bag saka iyon sinuot. Hindi niya lubos maisip na mag-co-commute ito dahil simula nang makilala niya ito, kung hindi kotse, nakadepende ito sa motorbike kaya bago iyon sa kanya.
"Halika na. Mahaba-haba ang byahe natin kaya kailangan na nating umalis." anito habang hawak na ang kamay niya at hila-hila siya pababa ng hagdang bato.
......
Bago sila bumaba ng taxi ay hinugot ni Zion ang earphone sa bulsa ng shorts at inilagay iyon sa magkabilang tainga niya. Bahagyang natawa pa siya nang inilabas nito ang cd player sa beltbag para i-on iyon. Naisip tuloy niyang mag-ka-camping siguro sila dahil ang dami nitong dala. Nag-umpisang mag-play ang cd. Nangiti siya sa unang kanta, isa iyon sa mga paborito niyang pakinggan noong nasa elementary siya. Habang hinayaan siya nitong makinig ay pinaupo muna siya nito sa bench tapos ay dumiretso ito sa isang window. Dahil sobrang aga pa, walang pila.
May dalawang ticket na ito nang bumalik pero hindi nito binigay ang isa sa kanya. Muli nitong hinawakan ang kamay niya at nagpatianod lang siya rito. Sa obserbasyon niya ay hinahanap nito ang bus na sasakyan nila dahil nakailang lakad pa sila hanggang sa may lumapit at nagsalita na lalaki. Malamang isa iyon sa mga nag-a-assist sa mga pasahero at tama nga siya nang ituro nito ang isang bus na nasa may bandang gitna sa unahan.
Nang makaakyat na sila ay pinili nito ang upuan na hindi kalayuan sa unahan. May ilan nang pasaherong nandoon at ang iba'y natutulog na. Nilagay na ng binata ang mga bag nila sa overhead compartment saka ito umupo sa kanyang tabi. Kinalabit siya nito at tinapik ang kandungan. Namilog ang mga mata niya itong tiningnan at umiling subalit hinila siya nito pahiga at tinanggal ang isang earphone.
"Matulog ka." Animo'y bata siyang pinapatulog nito habang tinatapik-tapik siya sa braso.
Napangiti na lang siya. Nang ibinalik nito ang earphone ay panglimang kanta na ang tumutugtog. Saka lang niya napagtanto na ang nakapasak na cd ay ang unang album ng paborito niyang boyband. Buhat ng kakulangan sa tulog, sabayan pa ng musika at pagtapik-tapik ni Zion ay unti-unti na siyang nahila ng antok.
![](https://img.wattpad.com/cover/44860647-288-k30503.jpg)
BINABASA MO ANG
Just Another Fangirl Story ✔
Ficción GeneralNaging instant fan siya simula nang mapanood ang banda na tumugtog sa telebisyon. They'd even stolen her heart especially the drummer. Natuto siyang pumunta sa mga live performances ng mga ito kasama ang dalawang kaibigan makita lang ang binata. Lik...