Nagising si Carys na umaasang may reply na siyang natanggap mula kay Zion ngunit nadismaya lamang siya. Nagpasalamat kasi siya ulit sa pagsama nito at tinanong na rin ang babayaran sa abogado.
Malamang busy pa rin doon sa Candice.
Umuwi siya nang mag-isa pagkatapos ng meeting kahapon. Nakita niya kung paano ito maaligaga dahil sa Candice na iyon. Nagpumilit ito na ihatid muna siya pauwi ngunit mariin din niyang tinanggihan sapagkat hindi naman lingid sa kanya ang pag-aalala nito sa babae. Mukha rin naman itong nagmamadali na. Ang sabi raw kasi emergency. Akala niya sa paggising niya lilipas din ang naramdaman niyang bigat sa dibdib. Sa mga kinilos nito kahapon, nababasa niyang may nararamdaman pa rin ito para sa sinasabi nitong ex-girlfriend.
"Oh anak, gising ka na." Hindi niya napansing nakapasok na pala ang mama niya sa kuwarto. Iyon ang naghila sa kanya pabalik sa huwisyo. "Wala ka namang lakad ngayon kasi Sabado, 'di ba?"
Umayos siya ng upo. "Bakit po, Ma?"
"Magpapasama sana ako sa palengke, okay lang ba?"
"Hmm, bakit po? Ano po bang bibilhin n'yo?"
"Para sa mga lulutuin sa Birthday ng papa mo sa Lunes. Para hindi na rin dumaan pa r'on bukas."
"Ah, sige po. Ngayon na po?"
Ngumiti naman ito. "Mag-almusal ka muna siyempre. Nagluto ako ng sopas. Sumunod ka na ha?" Tapos ay lumabas na ito ng kanyang kuwarto.
Bumuntong-hininga siya saka tumayo na at inayos ang kama bago bumaba.
Tama lang 'to, kailangan ko maging abala para hindi ko siya maisip.
......
"Ba't ang dami nitong mga pinamili natin, Ma? Marami po bang darating na bisita?"
"Pupunta raw 'yung mga pinsan ng papa mo kasama ang pamilya nila. Sana nga pati sina Lola mo eh kaso malayo sila. Nga pala, i-invite mo na rin sina Zion at Don pati 'yung mga kabanda at iba mo pang kaibigan."
Natigilan siya. "S-Si Zion po? Ugh, malabo po sila. May gig po sila sa Lunes eh."
"Gan'un ba? Sayang naman pala. Siguro naman si Don puwede?"
"Baka nga po siya makapunta."
Tumango ito. "'Yung dumalaw noong nagkasakit ka, imbitahan mo rin, Eva ba 'yun at Amy?"
"Kaso Ma, hindi naman kami gan'un ka-close ni Ma'am Amy, baka sabihin feeling close ako. Si Ate Eva, puwede pa po."
"Eh di, si Eva na lang."
"Try ko po. Busy rin kasi siya."
"Eh si Rachell?"
Matagal bago siya makasagot ulit. "Uhm sige, sasabihan ko po."
......
"Oy, ano na? Bakit natatahimik ka r'yan?" tanong ni Loreleigh mula sa screen ng laptop. Iyon ang unang beses na nag-Skype sila simula nang umalis ulit ito.
"Ugh, wala. Wala naman. Ano nga bang tinatanong mo?"
Sumimangot ito. "Hindi ako nagtatanong. Hinihintay ko lang ang reaksyon mo kaso wala pala akong kausap."
"Oh? Sorry. Ano ulit 'yun?"
"Okay, wala ka sa sarili ah. Ano ba 'yang gumugulo sa 'yo? Hindi ka naman mukhang inaantok oh? Saka 9 pa lang d'yan kaya anong problema ba natin?"
Yumuko siya saglit bago magsalita ulit. "Wala. Naayos na nga 'yung sa dating boss ko, 'di ba?"
"Si Zion ba?"
BINABASA MO ANG
Just Another Fangirl Story ✔
Ficción GeneralNaging instant fan siya simula nang mapanood ang banda na tumugtog sa telebisyon. They'd even stolen her heart especially the drummer. Natuto siyang pumunta sa mga live performances ng mga ito kasama ang dalawang kaibigan makita lang ang binata. Lik...