Hindi maalis sa isip ni Carys ang sinabi ni Eva kaya panaka-naka siyang natutulala sa kanyang puwesto.
"Mukhang ang lalim niyan Carys ah?" pinuna siya ni Pete. "Maya-maya kang ganyan."
Napatayo muna siya nang maayos bago kumilos sa pagpupunas ng machine. "Pasensiya na po." Mabuti na lang at wala pang sumusunod na order.
"Wala naman si Bb. Geralyn kaya 'wag kang mataranta." bulong nito sa kanya habang bahagyang natawa. "Kung ano man 'yang gumugulo sa'yo, malalaman mo rin ang sagot diyan in due time. Or kung problema 'yan, makakahanap ka rin ng solusyon diyan." tinapik pa siya nito bago ito bumalik sa puwesto.
Napangiti siya sa sinabi nito. "Thanks, Kuya Pete." Bakit nga naman ba kasi pinag-aaksayahan ko ng panahon 'yung mga bulaklak na 'yun gayong hindi nga siya nag-aksaya ng ink para isulat man lang ang pangalan niya.
Sinikap niyang mailihis ang atensyon sa ibang bagay. Hindi man niya lubos na nagawa subalit kahit paano ay nabawasan ang pagkakatulala niya. Makakatulong sana sina Rye, Malene at Mikki kung nandoon ang mga ito. Whole day sa school ang huli samantalang nakauwi naman na ang dalawa. Hindi rin dumaan si Don ng araw na iyon.
Hindi rin naman nagtagal ang pagkabato niya nang sumapit na ang alas kuwatro, ang umpisa ng pinakaabala nilang oras sa buong araw. Sa gitna ng pagkaabala sa cafe, nakita niya mula sa kitchen window na sumaglit si Don at sumenyas na uuwi na ito. Tinugunan niya na lang ito ng pagtango at pagkaway.
......
Nang matapos na ang turnuhan niya, hindi pa siya makauwi dahil sa lakas ng ulan. Hinihintay pa niyang tumila ito ngunit tila ba walang balak na tumigil ito, ni humina man lang. Nakarating naman nang maayos at sa tamang oras ang kapalit niyang si Nina at ang mga ka-oras nito kaya nandoon na lang siya sa labas naka-tambay kasama ang ilang mga customers. Gaano man niya kagusto ang panahong maulan ngunit sa sitwasyong ganoon, naiinip at nag-aalala na siya lalo't anong oras siya makakauwi. Sigurado pa siyang hindi siya makakasakay kaagad dahil magiging madalang ang mga jeep at ang iba nga ay na-stranded kung saan-saan. Sa kabila ng pag-aalala, may bagay na naalala siya tuwing umuulan, kagaya na lang ng mga sandaling kasama si Zion lalo't ito pa ang unang halik niya. Napapangiti na lamang siya sa mistulang may music video sa isip niya. Nangangarap man siya na sana ito ang maging para sa kanya, like any fangirls do. Batid naman niyang malabo at maliit ang tsansa kahit pa sabihing nakakausap niya ito. Buhay-fangirl nga naman... Bakit ba kasi ako nahulog sa ganitong kahibangan?
Ang nakakagulat na vibrate ng mobile phone ang gumising sa kanya mula sa pagmumuni-muni. Tumatawag ang papa niya. "Oo nga, bakit hindi ko naisip?" pabulong niyang sambit bago niya ito sagutin. "Pa?"
"Nas'an ka? Mahirap sumakay ngayon, susunduin kita."
Napakamot siya sa ulo, "Nandito pa rin po sa cafe, nagpapatila ng ulan."
"'Wag ka nang umalis diyan, lumabas ka na lang kapag nakita mo na ang sasakyan."
"Sige po, thanks pa."
"Sige 'nak." saka binaba na nito ang phone.
......
"Sinabi pala sa'kin ng mama mo na na-cast ka raw sa music video ng paborito mong banda." tanong ng papa niya. Maingat itong nag-da-drive dahil madulas ang kalsada at may ilang nadadaanan na binaha. "Hindi mo sinasabi sa'kin ah?"
"Kasi po alam kong hindi naman kayo interesado sa mga gan'ung bagay saka kahit ba pinapayagan n'yo ako, alam kong hindi kayo natutuwa sa paghanga-hanga ko sa mga kagaya nila, hindi po ba?"
Kumunot ang noo nito. "Ano ba kasing nagustuhan mo sa mga 'yun at ano bang napapala mo?" seryosong tanong nito.
"Gusto ko lang po sila. At anong napapala ko? Kaligayahan. Masaya po ako."
BINABASA MO ANG
Just Another Fangirl Story ✔
General FictionNaging instant fan siya simula nang mapanood ang banda na tumugtog sa telebisyon. They'd even stolen her heart especially the drummer. Natuto siyang pumunta sa mga live performances ng mga ito kasama ang dalawang kaibigan makita lang ang binata. Lik...