Chapter 50: Which Among the Three?

82 26 6
                                    

Kapansin-pansin kay Carys ang pagiging balisa ng kaibigan ng umagang iyon, taliwas sa kagabi na galak na galak ito sa pagkuwento sa mga pangyayari sa date nito. Tila batid na niya ang bumabagabag dito. Malamang ay nagsi-sink in na ang nalalapit na pag-alis at mami-miss nito talaga ang leader ng sinusundan nilang banda. Sa mga kasiyahan ba namang naramdaman nito ng gabing iyon... Pinatong niya ang kamay sa balikat nito, "Mag-almusal na tayo. Nagluto ako ng Pancit Canton."

Animo napalundag ito sa pagkagitla. "Ginugulat mo naman ako eh!" humalakhak at napahawak ito sa dibdib.

"Ikaw naman kasi, Lunes na Lunes at kagigising lang, akala mo pinagsalukban ng langit at lupa. Dapat masaya ka, hihintayin ka nga niya, 'di ba?"

Humugot ito ng malalim na paghinga, "Celebrity siya, sikat siya. Maraming babae riyan na pwedeng tumukso sa kanya."

"So hindi mo na pinagkakatiwalaan 'yung sinabi niya? Kagabi lang halos himatayin ka na sa kilig sa pagkwento mo." humalukipkip siya at sumandal sa nakabukas na pinto.

Ngumuso ito, "Pa'no kung --"

"Sshh!" putol ni Carys nang nakataas ang isang kamay, "Baba na habang mainit pa ang Pancit Canton." Nauna na siyang bumaba kaysa humaba pa ang usapan.

......

Sa kalagitnaan ng pag-aalmusal nila, nag-ring ang cellphone ni Loreleigh. At bago pa nito sagutin ang tawag, lumipat ang tingin nito kay Carys.

"Ugh, Cas... Ang agency ko, baka may scheduled flight na ako." sinundan ito ng malalim na paghinga.

Pilit na ngumiti si Carys, "Sagutin mo na."

Tumango ito at ini-swipe ang screen ng gadget. "Hello?"

Nagpatuloy lang naman siya sa pagkain.

"Oh?! This Thursday na po?" nabigla at muling napatingin ito sa kanya.

Natigilan siya subalit nakapako lamang ang mga mata sa plato.

"Sige po, salamat po..."

Tahimik na pinakinggan niya ang mga sagot nito habang iniikot sa tinidor ang canton at sumubo.

"Daanan ko na lang po bukas. Salamat po ulit, bye po." saka ibinaba na ang smartphone. "Cas..." malamyang baling nito sa kanya.

"I know, narinig ko."

Hindi ito kumibo.

"Ano ba, shouldn't you be happy? Hinihintay mo 'yan, 'di ba?"

Kumunot ang noo nito. "Parang sinabi mo rin 'yan kanina ah?"

Suminghal siya. "That was about Kuya Eethan. Iba itong ngayon, pareho lang na may word na "hintay"." saka inismiran ito.

Nagpanggap ito na parang hindi iyon narinig. "Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Dapat nga masaya ako pero nalulungkot na ako. Mami-miss kita."

Hindi nagbago ang ekspresyon niya. "'Yung totoo, ako o si Kuya Eethan?"

Numipis ang labi nito. "Pareho..." saka yumuko.

"Natural lang 'yan. Malalayo ka eh."

"Ang galing mo rin talaga mag-comfort ng kaibigan, 'no?" lalong hindi maipinta ang mukha nito.

"Anong gusto mong sabihin ko? 'Sis, 'wag ka nang tumuloy kung masaya ka na rito.' Gan'un ba ang gusto mong marinig?" sarkastikong komento niya.

Natahimik na naman ito.

Bumuntong-hininga siya, "Nalulungkot din ako, hindi ba obvious?" bawi niya.

"Mami-miss talaga kita." muling sambit nito.

Just Another Fangirl Story ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon