Yakap-yakap ang bag at hinihingal si Carys na huminto sa harap ni Loreleigh. Tinakbo niya kasi mula sa babaan ng bus hanggang sa entrance ng airport. Nagmadali siya sa pag-aalalang baka hindi niya maabutan ang kaibigan.
Namamanghang tinapik siya ni Lorei. "Akalain mo nga namang humabol ka. Nakakagulat ka. Bakit hindi mo kasi sinabi kagabi o kanina man lang? Buti nakita ko kaagad ang message mo. Pasensya na rin hindi ko nasasagot ang tawag mo. Naka-silent nga pala kasi."
"Ah wala, naisipan ko lang." natawa pa siya sa kabila ng pagkahingal at pagtapos ay nagtatakang luminga-linga, "Wala bang naghatid sa'yo?"
"Meron. Si kuya. Hindi na siya nagtagal, may sasakyan kasi eh. Hassle din naman kung mag-park pa."
"Oh..." tumango-tango siya.
"Buti rin naabutan mo ako, alam mo na, traffic."
Matipid siyang ngumiti. "Kaya nga nag-alala ako eh."
"Ayaw na ayaw mo pa namang nagbibyahe ng malayo ng nag-iisa, salamat ah."
"Wala ito." pero lumilinga-linga pa rin siya.
"Huy, okay ka lang ba sis? May humahabol ba sa'yo?" natatawang puna nito.
Tumawa ulit siya. "Baka may iba pa kasing naghatid sa'yo."
Umirap ito. "Si Eethan? Naku, hindi iyon pupunta. As if."
Tinaasan naman niya ito ng kilay at humalukipkip. "Wala naman akong binabanggit ah?" saka siya tumawa ng may halong panunukso, "Eh 'di parang hinihintay mo rin siya."
"Huh? Sabi ko nga sa'yo --"
"Lorei!"
Sabay silang napalingon sa direksyon kung saan nila iyon narinig. Lihim na napangisi si Carys habang si Loreleigh ay natulala na lang bigla.
"Buti nandito lang kayo. Hi!" naghahabol ng hiningang bati ng dumating, si Eethan.
Nangiti si Carys, ganoon na ganoon rin kasi ang hitsura niya kanina saka bumaling sa kaibigan na napatingin rin sa kanya na animo may sinasabi. Ningisihan lang niya ito.
"B-bakit naparito ka?" nagtatakang tanong ni Lorei ngunit bakas rin sa mukha ang kasiyahan nito.
"Gusto kitang makita bago ka umalis." diretsong sagot ng lalaki.
Nagkatinginan ulit sila na hindi pahalata.
Gusto man ni Carys na iwan ang dalawa ngunit hindi naman niya alam kung saan siya roon pupunta.
"Nga pala," nakatingin ito sa bagahe ni Lorei, "I'm wondering if kakasya pa ito riyan." sabay taas sa supot na dala na siyang nagpaalala rin kay Carys na may ipapabaon rin nga pala siya kaya agad niya ring binuksan ang bag para kunin iyon.
"Ako rin pala." aniya.
Natigilan si Lorei nang mapansing kapwa may kalakihan ang dalawang supot na hawak nila. "Ugh, eh 'di pipilitin natin 'yan pagkasyahin." ninenerbyos ang tawa nito habang inaabot ang mga iyon. "Nag-abala pa kayo pero salamat. Uhm pero ano ba ang mga 'to?"
"Dried Mangoes." magkasabay na sagot nila kaya kapwa nabigla sila, maging si Loreleigh at pagkuwa'y nagtawanan sila.
"Parehas pa talaga kayo, huh?" hindi makapaniwalang komento ni Lorei.
"Iyan kasi ang pinapadala noon ni mama sa kaibigan niyang nangibang bansa." rasyon ni Carys.
"Iyan naman ang agad na naisip ko. Something local ba, gan'un." paliwanag naman ni Eethan.
"Nakakatuwa naman kayo." binuksan niya ang malaking luggage at inisa-isang nilabas sa supot ang mga pakete para isiksik ang mga ito roon. Hindi iyon naging madali dahil marami iyon. Tatlong malalaki ang kay Carys habang anim na pack naman ang kay Eethan na hindi naman singlalaki kagaya ng nauna. Tumulong rin naman sila sa paglalagay.
BINABASA MO ANG
Just Another Fangirl Story ✔
Tiểu Thuyết ChungNaging instant fan siya simula nang mapanood ang banda na tumugtog sa telebisyon. They'd even stolen her heart especially the drummer. Natuto siyang pumunta sa mga live performances ng mga ito kasama ang dalawang kaibigan makita lang ang binata. Lik...