Kabanata 32

24 0 0
                                        

Heels

"Announcement: your rehearsals will start now. Lahat a-attend para walang naliligaw sa stage. We will practice our production number and introducing yourself."

Halos hindi ako mapakali ngayong araw dahil malapit na ang gaganaping pageant. Dahil sa announcement kanina sa group chat namin, dumagdag pa 'tong sinabi ni Gio sa akin kagabi.

Sa mga sinasabi niya, nagtatagumpay pa rin siyang guluhin ang aking utak at puso.

Ginulo ko ang aking buhok at malalim na huminga. Wala akong choice kundi kumilos at pumunta sa rehearsal na 'yan.

Halos isang oras akong nag-ayos dahil sa sobrang katamaran ko. Hindi talaga ako interesado sa ganitong mga ganap dahil pakiramdam ko ay hindi ako para rito.

Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Bukod sa aking mga matang kulay kayumanggi na kapag natatamaan ng liwanag ay nagiging kulay dilaw-wala na akong maipagmamalaki pa.

Matapos kong ayusin ang mga gamit ko sa bag, bumaba na ako ng hagdan. Nakita ko ang anino ng aking mga magulang na nagtuturuan. May pumipigil sa akin na 'wag nang tumuloy sa kusina at 'wag nang kumain dahil sa nasasaksihan ko ngayon.

Tila may sariling isip ang aking mga paa at tumungo pa rin doon upang malaman ang kanilang pinagtatalunan.

"Pwede bang tumigil ka sa pagtataya sa mga sugal na 'yan?" madiing sabi ni Mama kay Papa, at ramdam ko ang panginginig ng kaniyang boses.

Hindi pa rin nagbabago si Papa. Bumabalik siya sa dati niyang gawain.

"Wala kang pakialam, ha! Pera ko ito kaya ako ang magdedesisyon kung saan at paano ko gagastusin!" matalim at mabigat niyang sabi.

Ramdam ko ang paghikbi ni Mama na siyang ikinadurog ng puso ko. Tila may malaking bikig sa aking lalamunan na pilit kong nilulunok upang mapigilan ang luhang kanina pa nagbabadyang tumulo.

Huminga ako nang malalim upang pakalmahin ang sarili ko dahil kanina pa nanginginig ang aking mga kamay.

"Good morning," walang reaksyon kong sabi sa kanila.

Nakita ko kung paano sila naglayo sa isa't isa at umupo sa kani-kanilang upuan sa hapag.

"Kain ka na, ana-"

"Anong umagahan? Away at sigawan?" Tinusok ko nang padabog ang hotdog na nasa harap ko, sumubo rito, at tumingin kay Papa na nakaawang ang mga labi dahil sa pagputol ko sa sinabi niya.

"Ang sarap ng una kong narinig sa inyo. Hindi pa nagsisimula ang araw ko, pagod na ako." Tamad akong tumingin sa kanilang dalawa. Nakayuko na ngayon si Mama habang nakakagat sa labi, tila pinipigilan ang luhang pumutok sa kaniyang mga mata.

"Hindi kita pinalaking ganiyan na sumasagot-sagot sa amin!" Tiningnan ako ni Papa nang matalim habang naiiling naman ako.

"Dahil pinalaki niyo akong tahimik at 'wag sabihin ang nararamdaman ko? Iba na ngayon, Pa, malaki na ako. Hindi ko na maatim 'tong pananahimik ko dahil pakiramdam ko sasabog ako kapag hindi ko sinabi sa inyo kung ano ang nasa isip ko!" Tumulo ang luhang kanina ko pa pinipigilan.

Padabog na tumayo si Papa. "Wala kang galang! Anak lang kita!"

Nagpintig ang tainga ko sa sinabi niya.

Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon