030.Bituin
Tahimik ang gabing ito. Ang langit ay malawak na parang kumot na yumayakap sa aking katawan at nagbibigay ng kalma, habang punong-puno ito ng kumikislap na mga bituin.
Nandito kami sa isang maliit na burol kung saan tanaw ang kabahayan-na tila ang mga ilaw ay parang bituing bumaba upang bigyang-liwanag ang mga tahanan.
Hindi ko alam kung bakit ang daming bituin ngayong gabi, pero parang mas maliwanag sila kaysa dati. Parang may sinasabi ang langit.
Nakaupo ako ngayon sa malambot na damo habang katabi si Gio. Tahimik lang kami.
Tanging naririnig ko lamang ay ang mahinang tunog ng hangin na lumalagaslas sa mga dahon sa aming paligid.
Si Gio ay nakaupo sa tabi ko habang hawak ang isang damo na nilalaro sa kaniyang mga daliri.
Napatitig ako sa kaniya dahil tila may bumabagabag sa kaniyang isipan, ngunit isinawalang-bahala ko na lamang ito.
Tumitig ako sa kawalan at pumikit habang dinadama ang malamig na panahon. Sa gitna ng nakakabinging katahimikan, naramdaman ko ang paghiga ni Gio sa aking gilid.
Narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga na siyang kumuha ng aking atensyon.
Ngayon ay nakatitig ako sa kaniya habang siya ay nakapikit, na tila ninanamnam ang banayad na hangin na tumatama sa kaniyang perpektong mukha.
"Hmm, why are you staring?" Basag niya sa katahimikan.
Ngumiti na lamang ako sa kaniya. Agad ko namang ibinaling ang aking atensyon sa mga liwanag na nanggagaling sa kabahayan.
"Chelsea, tingnan mo ang bituin na 'yan," sabay turo niya sa kalangitan.
"Saan? Hindi ko makita," kunot-noong sabi ko habang nakatingin pa rin sa itinuturo ng kaniyang daliri.
"Humiga ka sa tabi ko at makikita mo." Naramdaman ko ang malamig niyang kamay na humawak sa magkabila kong balikat at inalalayan ako pahiga.
Nagulat ako, pero hindi ko ito ipinakita sa kaniya.
"Look at that star," sabi niya, sabay turo sa pinakamaliwanag na bituin na ngayon ay kitang-kita ko na. Ang bituing iyon lamang ang ganoon katingkad ang kulay.
Hindi ko maiwasang mamangha sa dami ng mga bituin. Lagi kong hinihiling na maging isa sa kanila, at parang ibinigay iyon pero isang bituin na may mahinang liwanag.
Para akong bituin na mahina ang kislap-hindi pinapansin, parang wala lang. Parang ang nagbibigay lang ng liwanag sa akin ay ang mga achievement ko sa pag-aaral. Ano'ng silbi ko kapag wala akong parangal na nakukuha sa paaralan? Titingkad ba ang liwanag ko kung wala akong medalyang inuuwi sa bahay?
Sa lungkot na nadarama, may naramdaman akong haplos sa aking kamay. Hawak na pala ni Gio ang aking mga palad.
"Iyang bituin na 'yan... parang ikaw. Lagi kong napapansin kahit gaano karami ang nasa paligid ko." Naramdaman ko ang sinseridad sa kaniyang boses.
Hindi ko maiwasang isipin na tila nahuhulog na ang loob ko sa kaniya.
Ngumiti ako, pilit na itinatago ang kabog ng aking puso, habang naramdaman kong nag-iinit ang aking mga pisngi.
"Masiyado ka lang namamangha sa gabi, Gio. Isa lang ako sa marami mong babae."
Napatingin siya sa akin, at sa mga sandaling iyon, parang tumigil ang oras at ang mundo.
"Kahit iharap mo ako sa napakaraming tao, pipiliin at pipiliin pa rin kita."
Napatigil ako. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Pilit kong ibinubuka ang aking bibig, ngunit maski isang salita ay walang lumalabas.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
