Kabanata 50

3 0 0
                                        

Pagtatapos

Pagkatapos ng graduation ceremony, hindi sa isang sikat na restaurant ang deretso namin ni Mama. Habang ang ibang mga kaklase ko ay abala sa pag-reserve ng mga mesa para sa selebrasyon, kami ni Mama ay lulan ng isang tricycle, bitbit ang isang bigkis ng puting bulaklak at ang diploma na nakasilid sa asul na folder.

Mabilis ang takbo ng sinakyan namin, habang ako ay nakatingin sa nakapalibot na berdeng bundok.

Nararamdaman ko ang lamyos ng hangin na tumatama na marahan sa aking mukha.

Nang makarating kami sa sementeryo, tumirik ang araw pero hindi ko naramdaman ang init. Mas naramdaman ko ang panlalamig ng mga kamay ko habang papalapit kami sa puntod ni Papa.

Malinis ang paligid, pero ang bigat sa dibdib ko, parang lalong nadagdagan.

Nilapag ni Mama ang mga bulaklak at sinindihan ang dalawang kandila. Naupo ako sa damuhan, suot pa rin ang aking toga na punong-puno na ng alikabok sa laylayan.

"Pa, nandito na kami," panimula ni Mama, ang boses niya ay agad na nabasag. "Pasensya ka na kung ngayon lang uli kami nakadalaw nang ganito. Naging busy ang anak mo sa pag-aaral."

Hindi ako nakapagsalita agad. Hinaplos ko ang malamig na marmol kung saan nakaukit ang pangalan niya.

Dito na lang ba tayo mag-uusap, Pa? Sa harap ng matigas na semento?

Dahan-dahan kong inilabas ang diploma ko at ang medalyang ginto na may nakaukit na Magna Cum Laude. Itinapat ko ito sa harap ng kaniyang pangalan.

"Pa... heto na po," bulong ko. Ang unang patak ng luha ay bumagsak sa plastic cover ng diploma ko. "Tourism graduate na ako. Magna Cum Laude pa. 'Di ba ito 'yung gusto mo? 'Di ba sabi mo, gusto mo akong makitang naglalakad sa stage habang suot 'tong medalya?"

Pilit ko na pinipigilan ang pagtulo ng mga luha ko, pero bawat paglunok ko ay parang may isang malaking bikig sa lalamunan ko, dahilan para mahirapan akong nagsalita.

Humagulgol na ako. Ang sakit na pilit kong itinago sa loob ng dalawang taon ay biglang sumabog. Ang hirap palang maging magtagumpay kung ang taong gusto mong pagsiabihan ay wala na para masaksihan ito.

"Ang daya mo, Pa. Bakit kailangang umalis ka nang ganoon lang? Bakit hindi mo man lang ako hinintay na makahingi ng tawad? Galit ako noon, Pa. Naguluhan ako sa mga nalaman ko, pero hindi ibig sabihin noon na hindi na kita mahal."

Naalala ko ang huling gabi namin. Nag-away kami. Hindi ko siya kinibo. Hindi ko siya binati bago ako natulog. Makalipas ang maraming araw, wala na siya. Ang huling alaala ko sa kaniya ay ang malungkot niyang tingin na tila humihingi ng pang-unawa, pero tinalikuran ko siya.

"Sana kinausap kita. Sana hindi ko pinatagal ang galit ko. Ngayong suot ko 'tong toga, parang gusto ko na lang hubarin 'to kasi wala ka naman na kasama namin sa picture. Walang yumakap sa akin pagbaba ko ng stage."

Niyakap ako ni Mama mula sa likod, pareho kaming lumuluha sa harap ng puntod. Ramdam ko ang panginginig ng kaniyang katawan.

"Chelsea, anak... naririnig ka niya," pag-aalo ni Mama. "Alam ni Papa na mahal mo siya. Iyan ang pinaka-regalo mo sa kaniya-ang makatapos ka."

Tumingala ako sa langit, naniningkit ang mga mata dahil sa sikat ng araw. Naisip ko, siguro nga naiintindihan niya ako. Pero ang hirap tanggapin na sa bawat tagumpay ko sa hinaharap, palaging may isang bakanteng upuan. Palaging may isang "sana" na hindi na matutupad.

Iniwan namin ang diploma at ang medalya sa ibabaw ng puntod niya nang sandali, para bang hinihintay naming hawakan niya ito.

Bago kami umalis, hinalikan ko ang kaniyang pangalan sa marmol.

Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon