Kutsilyo
Nakatitig lamang ako sa kung saan, halos hindi na makahinga sa narinig ko kay Van. Ginusto kong marinig ito kaya kailangan kong tatagan ang loob ko.
"Paano at saan mo nalaman, Van? Sino ang nagsabi sa 'yo?" mabilis kong tanong. Hinihingal ako sa bawat salitang lumalabas sa aking bibig.
"Alam ko ang lahat, Chels," napayuko siya sa sinabi niya. "Pero hindi ko man lang sinabi sa 'yo. Sinubukan ko, pero ayaw mo akong makita, ayaw mo sa presensiya ko. Kaya sabi ko sa sarili ko, kahit anino ko, hindi ko na ipapakita sa 'yo." Nakatingin siya sa akin habang kumikislap ang mga mata. Parang may mga luhang namumuo rito, pero hindi ko iyon pinagtuunan ng pansin.
"Ngayon mo sabihin sa akin, Van! Balak ba nilang patayin ang magulang ko at ang pinsan ko?!" Pinagsalikop ko ang dalawa kong kamay, nagmamakaawang sabihin niya ang totoo.
"Bago ang pageant, accidentally kong narinig. Naglalaro ako ng basketball no'n, pero nasiko ng kasama ko ang ilong ko, kaya pumunta ako sa banyo para ayusin ang sarili ko. Pumasok ako sa isang cubicle at ni-lock ang pinto. May narinig akong dalawang taong pumasok." Kahit hindi pa sinasabi ni Van kung sino sila, nararamdaman ko na ang sakit.
Huminga siya nang malalim. Hindi siya nakatitig sa akin, nakatingin siya sa malayo na parang inaalala ang mga nangyari noon.
"Sinilip ko kung sino iyon. Nakita ko si Gio—ang boyfriend mo—at ang kaibigan mong si Psyche. Gusto ko sanang lumabas para asarin silang dalawa, pero nagsalita agad si Gio." May kung anong parte sa dibdib ko ang nasaktan. Una pa lang, may ugnayan na talaga silang dalawa.
"Ano'ng narinig mo?" Pinilit kong huwag manginig ang boses ko. Nilakasan ko ang loob ko sa mga susunod ko pang maririnig.
"Pinaglalaruan ka lang nila. Lahat ng ginawa sa 'yo, may plano. Sa pagpasok ni Gio sa buhay mo, sa biglang pagiging mabait sa 'yo ni Psyche... lahat 'yun planado." Napaatras ako sa inuupuan ko at kumapit sa bilog na lamesa sa harapan ko. Inaalalayan ko ang katawan kong tila babagsak sa mga nalaman ko.
"Pinagkaisahan ka nila. Balak nilang gumanti sa inyo kapalit ng pagkamatay ng nanay ni Gio." Nagulat ako sa sinabi niya. Tumulo ang isa sa mga luha ko habang nanginginig ang aking mga labi.
"Kaya noon, hindi ako umalis sa tabi mo. Lagi akong nagpapakita at nagpapapansin sa 'yo para tumatak ako sa isip mo. Para kapag nalaman mo ang lahat, maalala mo ako... baka sakaling ako ang takbuhan mo."
Walang ekspresyon ang mukha ko. Hindi ko alam kung bakit wala akong maramdaman—siguro dahil hindi kayang i-proseso ng utak ko ang lahat. Para akong sinusubuan ng kanin at ng ulam na ayaw na ayaw ko, kaya pilit itong isinusuka ng isip ko.
Kaya pala nilang magawa ang lahat ng iyon sa akin... kahit ang mga taong hindi ko inaasahan.
Lalong namuo ang galit sa puso ko. Lalong nagliyab ang pagnanais kong gumanti sa kanila.
Nakatingin lang sa akin si Van habang ako ay patuloy sa pag-iyak. Hinawakan niya ang kamay ko sa ibabaw ng lamesa. Pumikit ako nang maramdaman ang init ng kaniyang palad.
"Chelsea, nandito lang ako. Sasamahan kita." Tumango ako nang dahan-dahan, at isang maliit na ngiti ang iginawad niya sa akin.
Nanatili kaming tahimik sa loob ng ilang minuto. Tanging ang mahinang ugong ng hangin at ang mabigat kong paghinga ang naririnig sa paligid. Unti-unting humupa ang panginginig ng aking mga balikat, bagaman ang bigat sa aking dibdib ay tila isang angklang pilit akong ibinabaon sa kinalalagyan ko.
Dahan-dahang hinawakan ni Van ang isa ko pang kamay. Hindi siya nagmamadali at hindi niya ako pinilit na magsalita agad. Hinayaan niya lang na maging saksi ang katahimikan sa sakit na pilit kong nilulunok.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
