004.Ginintuan
Nakita ko sa mga mata ng lalaki ang pag-aalala at agad na lumakas ang kabog ng puso ko na tila kakawala sa aking dibdib. Marahil ay dahil ito sa kaba dahil masyado kaming malapit sa isa't isa.
"Bitawan mo ako," tingin ko sa kaniya nang may awtoridad.
Dagli-dagli naman niya akong ibinaba. Inayos ko ang nagusot kong damit at hinaplos ang aking balat dahil ramdam ko pa rin ang kuryenteng dumadaloy doon.
"Bawal ang lampa dito," narinig ko ang mahina niyang tawa habang lumalayo sa pwesto ko.
Agad ko siyang inirapan at suminghap ng hangin. Nawawalan na ako ng pasensya sa lalaking ito, konti na lang ay masasapak ko na siya.
Bumaba ako sa putikan. Naramdaman ko ang paa ko na unti-unting lumulubog dito. Pahirapan ang paglakad dahil kailangan mo pang hugutin ang bota na itinatanim ng putik sa bawat hakbang ko.
Sa wakas ay nasa gitna na ako, malapit na sa lalaking abala sa pagtatanim.
Hapon na pero, tirik pa rin ang araw. Tinignan ko ang lalaki na nasa harapan ko na tamang-tama ang sikat ng araw sa balat niya.
Nakita ko ang braso niya na tuloy-tuloy sa pagkilos. Nagbubuhat kaya siya sa gym? Hubog na hubog ang katawan niya-ang braso, ang likod, at ang malalapad niyang balikat. Siguro ay dahil na rin sa pagtatrabaho sa bukid kaya ganito kaganda ang tindig niya.
Bakit ko ba naiisip ito? Dapat ang pagtatanim na ito ang iniisip ko para matapos na. Hindi pa ako nagsisimula pero pagod na ako.
Nang maramdaman niya ako sa likod niya, agad siyang lumingon sa akin.
"Bilisan mo, marami pa ito," sabi niya habang nakasalubong ang dalawang kilay.
"Teka lang naman, mahirap kayang lumakad, boss," inirapan ko siya nang dalawang beses.
Nang makapwesto na ako sa tabi niya, lumingon muli siya sa akin.
"Ang init!" reklamo ko sabay paypay gamit ang aking kamay. Agad na nagsiagusan ang mga butil ng pawis sa aking noo at leeg.
"O," inabot niya sa harap ko ang isang salakot nang walang pag-aalinlangan.
Dahan-dahan ko itong kinuha at isinuot. "Salamat."
Tumingin ako sa kaniya. Seryoso siya at pokus na pokus sa pagtatanim.
"Ano pang itinutunganga mo diyan? Kumilos ka na," nahimigan ko ang pagsusungit sa boses niya, dahilan para mainis ako.
"Paano ako magtatanim e hindi mo pa ako tinuturuan?" Pinagtaasan ko siya ng kilay.
Dahan-dahang sumilay ang isang pilit na ngiti sa labi niya habang kumakamot sa ulo na tila may makati. "Oo nga pala."
Nag-peace sign siya, lumapit sa gabundok na punla ng palay, kumuha ng ilan, at iniabot sa akin.
"May tatlong hakbang para sa pagtatanim ng palay. Una, tingnan mo muna 'yung tali na nasa tapat mo. Iyan ang magiging gabay mo upang maging diretso ang pagtatanim mo," wika niya habang nakatitig sa akin. "Pangalawa, hawakan mo ang dulo nito para kapag itinutusok mo, bumaon nang malalim."
Tinaas-baba ko ang aking ulo bilang tanda na naiintindihan ko ang sinasabi niya.
Napatitig ako sa itsura niya. Sa bawat pagkunot ng noo niya, at paggalaw ng labi niya ay tila nagiging maganda sa paningin ko.
"What's up?! Nakikinig ka ba?" Napayugyog ako ng ulo ko, para bumalik ako sa ulirat.
Napasapo naman siya sa noo niya at napapailing.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
