016.Sampung Piso
Narito ako ngayon sa hapag, nakaupo at maingat na kumakain. Mga ingay ng kubyertos ang naririnig ko; hindi pa rin mawala sa utak ko ang usapan nila.
"Anong kasalanan?"
Ramdam ko ang pagkailang sa kilos nilang dalawa. Hindi makatingin nang diretso sa akin si Papa, dahilan para mas magtaka pa ako lalo.
"Teka nga lang, Ma, Pa," binasag ko ang katahimikan na nagpahinto naman sa kanilang dalawa.
"Anong kasalanan? May dapat ba akong malaman?" Tiningnan ko sila nang salitan. Mas naging mabigat ang pagtingin nila sa akin—tila ba susugudin nila ako.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo, anak." Tumikhim si Mama at nagpunas ng labi gamit ang tissue.
Napaatras ako sa inuupuan ko, hindi makapaniwala sa narinig.
"Kumain ka na, 'wag kang bastos. Nasa hapag tayo." Nagulat ako sa tinuran niya na parang iba ang kaharap ko ngayon. Hindi ganiyan magsalita si Papa.
Kahit nahihirapan akong lumunok, pinilit kong kumain. Gusto kong magtanong pero sila na ang nagsasabi na hindi ko na dapat alamin ito.
Natapos ang aming pagkain nang mabigat ang loob ko sa kanila. Para bang pinagkaitan nila ako ng impormasyon sa pamilya namin. Gusto kong malaman kung ano ang tinutukoy nila, pero umiiwas sila.
Sa pagkakataong ito, pakiramdam ko ay para akong dahon na unti-unting nalalaglag sa lupa—na parang hindi na ako parte ng pamilya.
Nagbago ang pakikitungo nila sa akin. Hindi naman nila ako pinapabayaan, pero mas naging malamig ang interaksiyon sa akin ng mga magulang ko, na isang bagay na ikinalungkot ko. Gabi-gabi akong umiiyak sa tuwing naiisip kung bakit nagbago ang lahat. Tama nga ba ang sinabi sa akin ng kaibigan ko na, "Lahat nagbabago?"
Umiyak ako nang umiyak hanggang sa nakatulog ako.
Nagising ako dahil sa ingay ng mga tandang sa labas. Tiningnan ko ang orasan sa gilid ng kama ko—alas singko pa lang. Maaga pa, pero kailangan ko nang maghanda para sa first class ko, which is 6:30 a.m.
Nakatayo ako sa malaking salamin na nasa harap ko. Namamaga ang mga mata ko dahil sa pag-iyak kagabi. Inasikaso ko na ang sarili ko, naligo, at nagsepilyo.
Huni ng ibon at tilaok ng mga manok ang sumalubong sa akin, at hindi ingay ng piniritong itlog at sumisipol na takure. Wala na si Mama at Papa; pumunta na sila sa bukid.
Tiningnan ko kung mayroong iniwan sa lamesa na kahit bente man lang, pero wala. Wala akong pera.
Gutom akong naglakad papuntang terminal ng mga jeep. Pagsakay ko ng jeep ay tiningnan ko ang laman ng wallet ko. Napabuntong-hininga ako dahil bente na lamang ang laman nito.
Kulang ang pamasahe ko ng limang piso.
Umandar ang jeep na sinasakyan ko at nagsipagbayad na ang mga taong nakasakay. Hindi ko alam ang gagawin ko dahil kulang ang pera ko pambayad sa sinasakyan ko ngayon.
Hindi ko namalayang nakatulog na ako sa jeep.
"Hoy, miss! Bayad mo?!" sigaw ng driver sa akin habang nakatingin sa akin sa salamin.
Nakita ko ang destinasyon at malapit na kami sa patutunguhan ko.
"Ano?! Wala ka bang pambayad?!" Napayuko na lamang ako dahil lahat ng tao sa jeep ay masamang nakatingin sa akin.
"Modus mo ba 'yan? Tulog-tulugan para hindi makabayad!" Sumigaw ang katabi kong matanda, at nakita ko ang mga camera na nakatutok sa akin.
"Modus niya 'yan! Estudyante pero mandurugas!" sigaw naman ng lalaking nakahawak ng bayong.
Nagkagulo na sa jeep. Tanging hikbi at sakit ang nararamdaman ko ngayon dahil napakadaling manghusga ng mga tao.
"Itulak ninyo 'yan palabas! Malas sa trabaho! Nagtatrabaho ako nang matagal at lumalaban nang patas, mangmo-modus ka pa!?" Napapikit at napaatras ako sa pagsigaw ng driver.
Pababa na ako ng jeep nang sipain ako palabas ng lalaki na may hawak na bayong.
Naramdaman ko ang tuhod at siko ko na tumama sa kalsada. Narinig ko ang malalakas na tawanan at singhal sa jeep.
Pinulot ko ang mga baryang natapon sa kalsada habang nanginginig ang mga kamay ko. Kumawala ang mga buhok ko sa ipit.
"P-pangkain ko pa 'to..." sabi ko habang natatarantang pinupulot ang mga barya, habang ang mga luha ko ay umaagos sa aking mga pisngi.
Tumayo ako mula sa pagkakadapa ko at tiningnan ang orasan.
7:10 a.m.
Lakad-takbo ako sa pasilyo ng building namin. Nagmamadali akong pumasok sa pintuan at bumungad sa akin ang galit na mga mata ng professor namin.
"You are late, and you look like a mess!" sigaw niya habang tinitingnan ako mula itaas pababa. "Ganiyan ba ang itsura ng isang tourism student?!"
Tiningnan ko ang tuhod ko na tumutulo ang dugo at ang siko ko na namumula dahil sa gasgas.
Umupo ako sa likod. Mabigat ang nararamdaman ko habang nakikinig sa lesson.
Bawat luha ko ay umaatras dahil ayokong ipakita sa silid-aralan na mahina ako; lalo nila akong maliliitin at lalo nila akong tatapak-tapakan.
Natapos ang pagtuturo ng aming professor at breaktime na. Pinayagan kaming kumain dahil hapon ulit ang next subject namin.
Nagsilabasan ang mga baon nila—mayroong fried chicken, fries, sushi, at Mang Inasal. Hindi ko maiwasang mapalunok sa mga nakikita ko. Mas lalong tumunog ang tiyan ko, hudyat na nagugutom na ako. Tiningnan ko ang sampung piso na hawak ko at itinago na lamang ito dahil wala akong mabibiling pagkain sa halagang ito.
Bawat kagat at tunog ng pagkain nila, mas lalong nangingibabaw ang gutom ko.
Tumayo ako sa kinauupuan ko at nakayukong naglakad papuntang washroom.
Gusto ko sanang manatili sa classroom dahil sa amoy ng pagkain nila ay parang nabubusog ako, pero habang tumatagal ako roon ay nanliliit ako sa sarili ko.
Okay na siguro 'to. Pumunta ako ng washroom para hindi mainggit sa kinakain ng mga kaklase ko.
Hindi ko maiwasang maiyak dahil hindi ako makapaniwala na mararanasan ko ang ganitong sitwasyon.
Tumingin ako sa salamin habang pinapalis ang luha sa mga mata ko. Sobrang bigat ng nararamdaman ko. Gusto kong ibuhos ang lahat ng lungkot na nararamdaman ko, pero hindi ko magawa; hindi ko kaya.
"Ako na lang mag-isa, wala na akong kasama." Sa naisip ko na 'yun ay lalo akong napahikbi at napakapit sa dulo ng lababo.
Iniisip ko si Gio—wala siyang paramdam ngayon. Mukhang abala siya sa basketball.
"Kasama mo ako," malalim na sabi ng lalaki na nasa likod ko ngayon.
"Gio..." Bumaling ako sa likod ko at sumalubong sa akin ang napakagandang ngiti ng lalaki. Sa bawat ngiti niya ay tila nagkakaroon ako ng pag-asa.
Niyapos ko siya ng yakap ko. Kailangan ko pang tumingkayad upang abutin ang leeg niya, at maagap niyang tinanggap ang yakap ko.
Sa yakap niya ay tila naramdaman ko ang pahinga na gusto ko.
"Kasama mo ako palagi, Chelsea," bulong niya sa tainga ko habang nakayakap pa rin ako sa kaniya.
Sa mga salitang sinabi niya ay nagkaroon ako ng lakas ng loob upang harapin ang bukas, dahil alam kong may taong kasama ako sa bawat pagsubok na haharapin ko.
Now, this person is my home.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
