Dalamhati
Apat ang nawala ngayong gabi sa akin. Si Gio, si Papa, ang paniniwala ko sa pag-ibig at higit sa lahat, ang sarili ko.
Sa gitna ng pagtangis ko. May bisig na yumakap sa akin.
"Chelsea, nandito na ako." Malalim ang paghinga ni Van sa likod ng leeg ko. Hinawakan niya ang sugat ni Papa.
Tinignan niya ito sa kamay niya habang nanginginig ang mga daliri.
"S-sorry, sorry Chelsea. Hindi ko sinabi sa'yo agad, hindi sana ganito-" Nakatulala lang ako sa kawalan habang yakap ang ulo ni papa na naliligo na sa sariling dugo.
Parang wala na ako sa sarili ko, gusto ko na lang mawala, para mawala ang sakit na nararamdaman ko sa kaibuturan ng puso ko.
Hindi ko alam kung paano kami nakarating ng hospital.
Kahit na alam ko na wala na si Papa, sinugod namin siya, dahil kumakapit pa rin ako sa himala, himalang baka maibalik ang buhay niya.
Ang bawat hakbang sa pasilyo ng ospital ay tila paglalakad sa isang bangungot. Ang puting ilaw sa kisame ay masyadong masakit sa mata, at ang amoy ng disinfectant at gamot ay humahalo sa malansang amoy ng dugo na nananatili sa aking mga palad.
Sa tabi ko, hindi bumibitaw si Van sa pagkakahawak ng kamay ko. Ang kanyang kamay ay mahigpit na nakahawak sa akin, tila ba kapag binitawan niya ako ay tuluyan na akong maglalaho.
Nakatingin ako sa mga kamay naming magkahawak. Hindi na ako gumalaw, hinayaan ko siyang gawin ang gusto niya, dahil ang mga kilos at hawak naman niya sa akin ay gumagana para maging kalmado ako.
"Chelsea, nandito lang ako. Hindi kita iiwan," bulong ni Van, ang kanyang boses ay basag din, pinipilit niyang tatagan ang boses niya, pero narinig ko pa din ang konting pag piyok ng boses niya.
Ngumiti ako sakaniya ng bahagya, at bumalik ang tingin sa kawalan.
Bawat hakbang ko sa mahabang pasilyo ng ospital, ay para akong nilulumpo sa bawat lakad ko.
Pagdating namin sa dulo ng hallway, nakita namin si Mama. Nakasandal siya sa pader, ang kanyang mga mata ay nakapikit nang mariin habang ang kanyang mga labi ay nanginginig.
Nang marinig niya ang aming mga yabag malapit sakaniya, dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin.
"Chelsea? Ang Papa mo... nasaan ang Papa mo?" ang tanong ni Mama. Ang kanyang boses ay parang isang marupok na sinulid na anumang oras ay mapuputol. Nakita ko sa mata niya ang saya dahil naging ligtas ako.
Niyakap niya ako ng mahigpit habang umiiyak. Ramdam ko ang hikbi niya kahit pinipigilan niya ito.
Bumitaw siya sa yakap ko at hinawakan ang dalawang balikat ko at hinarap niya ako.
"Nasaan ang Papa mo, kumusta siya?"
Bakas sa boses niya ang tuwa. Dahil ang akala niya ay konti lang ang naging galos ni Papa, may masakit sa akin dahil ang alam niya ay dalawa kaming nakaligtas.
Gusto kong sabihin sakaniya, pero wala akong lakas ng loob, o dahil ayoko lang manggaling sa akin dahil hanggang ngayon ay hindi ko tanggap ito.
Bago pa ako makasagot, bumukas ang pinto ng Emergency Room. Lumabas ang isang doktor na may bakas ng pagod at lungkot sa kanyang mga mata. Tinanggal niya ang kanyang mask at tumingin nang diretso kay Mama.
Kahit na alam ko na ang sagot, ayoko pa ring marinig ito.
Yumakap na ako agad kay Van. At sinalo naman niya ang yakap ko at doon ko na naramdaman ang pag init ng mata ko.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
