003. Palayan
Huminga muna ako nang malalim bago sumagot.
"First of all, paano mo nalaman ang pangalan ko sa Facebook?" Tanong ko habang nakataas ang kilay, kahit hindi niya nakikita.
"Dumaan sa newsfeed ko," simpleng sagot niya. Hindi ako naniniwala na dumaan lang sa newsfeed niya. Mas lalong dumami ang tanong sa sarili ko. Bakit naman niya hahanapin ang social media ko, interesado ba siya sa akin?
"Hindi ako naniniwala." Umayos ako ng pagkaka higa sa kama ko.
"Edi 'wag kang maniwala. Ano ka, gold para pilitin ko pa?" Narinig ko nanaman ang mahina niyang tawa na nakakaasar.
Napairap ako sa pabalang niyang sagot. Patulog na nga lang ako, inisin pa ako?
"Anyway, pasensya na kanina... dahil iniwan kita," sinsero niyang dagdag. Namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Narinig ko ang mahina niyang pag-ubo, dahilan para mabalik ako sa reyalidad.
"Hmm, okay. Late na rin, you need to rest, Dagat." Pabulong niyang sabi sa kabilang linya.
"What? Dagat? Sino 'yun?"
"Chelsea... Sea... Dagat."
Napairap ulit ako sa naisip niyang nickname para sa akin. "Ang corny mo! Matulog ka na nga!" sigaw ko sabay baba ng linya.
Pero hindi ko mapigilang mapangiti. Kinikilig ako kapag may gumagawa ng nickname para sa akin dahil pakiramdam ko ay espesyal ako sa kanila. Teka, espesyal ba ako kay Gio? Kakakilala lang, kung ano-ano nanamang naiisip ko.
Kinabukasan, nagising ako sa sinag ng araw. Inunat ko ang aking katawan, ngunit mabigat pa rin ang loob ko dahil hindi pa kami nag-uusap ni Papa.
Bumaba ako at nakita silang sabay na kumakain. Napahinto ako sa hagdan, nag-aalinlangan. Lumingon si Mama at ngumiti. "Chel, halika na, sabay ka na sa amin."
Dahan-dahan ang pagpunta ko sa lamesa. Parang ang awkward kasi, baka mag iwasan lang kami ni Papa. Nasa gilid na ako ni Mama, napatingin siya sa akin at ngumuso sa upuan na malapit kay papa.
"Sige na." She mouthed.
Umupo ako malapit kay Papa. Tinitigan ko siya, pero abala siya sa pagbabasa ng dyaryo na Abante, habang nagkakape. Hindi niya yata ako namalayan na umupo sa tabi niya, o hindi niya ako pinapansin.
Tinignan ko ang mga pagkain sa harap ko. Lalo akong nagutom sa mga nasa harap ko. Konti lang ang kinain ko kagabi, dahil sa away namin ni Papa, kaya heto ako ngayon, parang leon na gutom na gutom.
Tatayo na sana ako para kumuha ng sinangag nang biglang kumilos si Papa. "Ako na, anak." Siya na ang naglagay ng kanin sa plato ko. Napangiti ako.
Pinihit ko ang ulo ko kay Mama, tumango siya at ngumiti.
Nilagay niya ang pinggan sa harap ko.
Nagtama ang paningin namin ni Papa habang humihigop siya ng kape. Tinaas niya ang kaniyang mga kilay.
"Pa, I'm sorry po sa ginawa ko kagabi. Sana nagpaalam ako. Naiintindihan ko po kung bakit kayo nagalit. Sorry po, ayokong magkatampuhan tayo. Miss na kita, Pa." Namugto na naman ang mata ko at agad na tumayo at niyakap siya sa likod niya.
"Apology accepted," tawa niya nang malakas. "Matitiis ba kita?" Natawa na rin ako.
Bumitaw ako sa yakap at pinunasan ang luha ko. "Ngunit may kondisyon," dagdag niya. Sabi na nga ba, may catch.
Umupo na ulit ako sa upuan ko ng may magaan na damdamin.
"Anong kondisyon, Pa?"
"Tutulungan mo kaming magtanim ng palay mamayang hapon." Agad nalukot ang mukha ko.
"Ma, Pa, but I don't know how to do that!"
"May magtuturo sa iyo—ang ating tagabantay sa bukid."
Huminga ako nang malalim. Kung ito ang paraan para magkabati kami, gagawin ko. Sabi ni Mama, para rin daw ito sa akin dahil ako ang magmamana ng lahat ng ito. Ayokong pinag-uusapan ang pagkawala nila, dahil hindi ko kayang isipin na wala sila sa tabi ko, habang lumalaki ako.
Alas-tres na nang hapon nang hiramin ko ang lumang polo ni Papa. Nagsuot ako ng maluwag na maong, bota, at sumbrero. Nilagyan ko rin ng kaunting lipstick ang labi ko bago bumaba.
"Anak, dalian mo! Hapon na!" sigaw ni Papa.
Naglakad kami sa gitna ng palayan. Mainit ang sikat ng araw pero may kasamang malamig na simoy ng hangin. "Doon pa tayo sa dulo," sabi ni Mama. Tagaktak na ang pawis ko kahit hindi pa nagsisimula.
Natanaw ko ang isang windmill at ang mga bundok sa likuran nito. "Wow, ang ganda!"
"Pinagawa 'yan ng Lolo mo para may supply tayo ng tubig sa mga tanim," paliwanag ni Mama. Nang makarating kami sa isang ektaryang lupang puno ng putik at tubig, ibinaba ko ang basket ng meryenda.
"Hilaria, alalayan mo ang anak mo. Wala pa pala ang magtuturo sa kaniya," sabi ni Papa bago lumusong sa putikan.
Naupo muna kami ni Mama sa isang maliit na silong. Nakatingin kami sa bundok na nakapalibot sa lugar naming, at sa mga ibon na payapang lumilipad sa himpapawid. Pinunasan ko ang pawis sa aking noo. "Sayang at hindi mo naabutan ang Lolo at Lola mo," simula ni Mama. "Gusto ka sana nilang makitang lumaki at ikasal, pero namatay ang Lolo mo noong pitong buwan ka pa lang. Sumunod din ang Lola mo dahil nawalan na siya ng ganang mabuhay."
Napatingin ako sa malungkot na mata ni Mama, naramdaman ko ang nararamdaman niya.
Niyakap ko si Mama. "Sabi ng Lola mo noon, 'Paano ko ipagpapatuloy ang buhay ko kung ang isa sa mga kasiyahan ko ay nawala na?' Iyon ang huling sinabi niya bago siya umalis."
"Pinatunayan nila 'yung till death do us part," nakangiti kong sabi. "Tiyak na masaya sila dahil inaalagaan natin ang ipinamana nila."
Habang magkayakap kami at nakatingin sa kabundukan, may biglang umubo sa likod namin.
"Ay, pusang ga—!" Agad akong lumingon.
"Tita, hindi po makakarating si Papa dahil nasa kasalan sa kabilang bayan," sabi ni... Gio.
Agad tumayo si Mama. "Okay lang, Gio. Tara na at magsimula." Lumusong na si Mama para samahan si Papa.
Naiwan ako roon kasama si Gio. Ramdam ko ang malalim niyang paghinga sa likuran ko. "Ikaw, tutunganga ka lang ba riyan?"
Luminga-linga ako. "Ako ba ang kinakausap mo?"
"Hindi, 'yung kaluluwa mo." Napairap ako. Napakawalang-kuwenta talaga sumagot!
Naglakad siya palapit at nanigas ako sa kinatatayuan ko nang dumaan siya sa gilid ko, nagkadikit ang aming mga balat. Ramdam ko ang tila kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko.
"Excuse me," malalim niyang sabi bago lumusong sa taniman.
"Gio!" sigaw ni Papa mula sa malayo. "Turuan mo si Chelsea kung paano magtanim!"
Tumango si Gio at tinignan ako nang nakakaloko. No way. Gusto ko na lang magpalamon sa lupa.
"Come on, woman. Tuturuan kita."
"Hindi ko kailangan ng tulong mo, alam ko kung paano!" pagmamatigas ko. Nagkibit-balikat lang siya at tumalikod. "Ikaw ang bahala."
Padabog akong tumayo. Nakakaasar ang pagmumukha niya, para siyang nang aasar at nang iinis. Hindi rin ako nagkakagusto sa mga lalaking papansin, gusto ko yung non-chalant lang at may sense kausap.
Hahakbang na sana ako sa putikan ngunit mali ang natapakan ko. Marupok ang lupa! Bago pa man ako tuluyang bumagsak sa putik, may malalakas na bisig na sumalo sa akin. Napakapit ako sa leeg niya.
"Are you okay?" Bakas ang pag-aalala sa mga mata niya.
Nagtagpo ang aming mga paningin. Ang kaniyang mga matang kulay kayumanggi ay napakalapit sa akin. Kaunting galaw na lang at maglalapit na ang aming mga labi.
Sa pagkakataong ito, parang nahulog na nga yata ako...
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
