Kabanata 20

21 2 0
                                        

020.Sulat

Sabi ko sa sarili ko, hindi ako susugal sa isang tao dahil sa ngayon, walang mapagkakatiwalaang tao pagdating sa pagmamahal.

Maraming mga artista ang natatapos ang relasyon—pogi at magaganda na 'yun pero iniiwanan pa rin eh, paano naman ako na hindi na nga kagandahan, hindi pa kapursige-pursige?

Dati, naiinggit ako sa mga babaeng makikinis ang balat at maganda ang katawan. Umiiyak pa ako sa harap ng salamin at kinekwestiyon kung bakit ganito lang ako, bakit hanggang dito lang ako?

Pero ngayon, may lalaking nagpaparamdam sa akin kung gaano ako kaganda araw-araw.

Ngayon, nakatitig ako sa mga mata ni Gio na puno ng pagmamahal at katapatan.

"Tara na sa loob, masyado nang malamig," binasag ni Gio ang katahimikan.

Nakahinga ako nang maluwag dahil kanina pa ako kinakabahan sa mga sinasabi niya. Hindi ko namalayang bumagsak na ang katawan ko sa passenger seat at pumikit na ang aking mga mata dahil sa pagod at lamig ng panahon.

---

"Chel, we're here. Wake up," naramdaman ko ang banayad na pagyugyog ni Gio sa akin.

Idinilat ko nang dahan-dahan ang aking mga mata at kinusot ang mga ito.

"Nandito na tayo?" Tiningnan ko si Gio at tumango siya. Malalim na ang gabi at tanging hangin sa paligid lamang ang maririnig.

Mabilis na bumaba ng kotse si Gio, binuksan ang pintuan sa harap ko, at inalalayan ako pababa.

"Salamat," napayuko na lamang ako at ngumiti.

"Mag-ingat ka sa pag-uwi." Akma na akong papasok sa gate nang hilahin niya ako, dahilan para mapayakap ako sa kaniya.

"Good night, Chelsea," malalim at madiing sabi niya. Ramdam ko ang mainit niyang hininga sa tainga ko.

Dahan-dahan kaming kumalas sa pagkakayakap at nakita ko ang hindi mapakali niyang mga mata at ang pamumula ng kaniyang mga tainga.

"Ah, eh, good night. Mauna na ako." Agad siya umalis sa harap ko at nakita ko ang pagkamot niya sa kaniyang ulo.

Cute.

Hinintay ko munang makaalis ang kotse ni Gio, na bumusina muna nang tatlong beses bago tuluyang lumayo.

Bubuksan ko na sana ang aming gate nang makita ko ang isang bagay na nakasiksik sa butas nito. Kinuha ko ito at nakita ang isang kulay kayumangging papel na may bakas na parang itim na dugo, at nakasulat doon sa nakakatakot na paraan

"Te arrepentirás de lo que hagas"

Ano ang ibig sabihin ng sulat na ito? Nagmamadali kong binuksan ang gate at pumasok sa bahay na halos habol ang hininga.

Siya na naman ba ito? Ang lalaking laging gumagambala sa akin.

"Ma! Nasaan po kayo?" Tunog ng punding bumbilya lamang ang naririnig ko sa loob ng aming tahanan.

"Hindi ka pa rin natututo, bata," isang magaspang at malaking boses ang narinig ko mula sa sala. Ang punding bumbilya lamang ang nagsisilbing liwanag sa buong bahay, at ang iba pang bahagi ay nababalot na ng kadiliman.

"Sino ka?! M-magpakilala ka!" halos bumigay na ang boses ko sa pagsigaw.

"Bakit hindi mo alamin?" bulong niya, at tila may papalapit na mga yapak patungo sa akin.

"Hindi! Huwag kang lalapit sa akin!" Napaatras ako, dahilan para mabangga ko ang plorera na pinagkakaingatan ni Mama.

Nakita ko ang anino ng lalaki na papalapit sa akin pero hindi ko maaninag ang kaniyang mukha dahil nakatakip ito ng itim na tela na saktong-sakto sa hulma ng kaniyang mukha.

"Ayoko! Huwag kang lalapit!" Umalingawngaw ang boses ko, dahilan para biglang magdilim ang aking paningin at manghina ang buong katawan ko. Naramdaman ko na lamang ang sarili kong bumagsak sa malamig na sahig.

"Anak!" Isang huling salita ang narinig ko na tiyak kong boses ni Mama.

---

Kulay puting kisame ang sumalubong sa pagmulat ng aking dalawang mata, at malambot na kama ang naramdaman ko habang nakakumot ng puti hanggang bewang.

"Gising na ang anak mo." Nakita ko ang aking mga magulang na nakaupo sa gilid ko. Kitang-kita ko sa kanilang mga mata ang matinding pag-aalala.

"Anak, how's your feeling?" Hinaplos ni Mama ang pisngi ko at naramdaman ko ang pagmamahal sa kung paano niya hawakan ang aking mukha.

"Okay na po ako, nahihilo lang po." Hinawakan ko ang kamay niya na nasa aking pisngi at tinanguan siya, tanda na maayos na ako.

"Nakita ka namin sa harap ng pintuan, nakahandusay at katabi mo ang basag na vase ko." Nakita ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Mama. "Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo, anak."

Nag-unahan na sa pag-agos ang mga luha sa kaniyang pisngi, dahilan para maluha din ako sa aking nakikita.

"Ano bang nangyari sa iyo, anak? Nagising na lang kami na ganoon ang pwesto mo." Inalala ko ang nangyari sa gabing iyon, at sariwa pa sa akin ang bawat detalye.

Sabihin ko na ba sa mga magulang ko? Ayokong madamay sila sa nangyayari sa akin. Baka paggising ko, wala na sila.

"Ma, may sasabih—"

Biglang may kumatok nang napakalakas.

"Sandali!" sigaw ni Mama. Lumapit siya sa pintuan at pinihit ito pabukas.

"Oh, nandito ang Papa ni Gio at si Gio." Nakita ko ang isang matipunong lalaki na may edad na, may puting buhok, at kayumanggi ang balat, kasunod si Gio na papalapit sa akin.

"Are you okay now?" Umupo si Gio sa gilid ko at hinaplos ang aking kamay, tila pinapatahan ako sa takot na nararamdaman ko.

"I'm okay, thank you for asking." Ngumiti siya sa akin nang bahagya. May ipinatong siyang mga prutas sa side table at inilagay naman sa hita ko ang ramen na paborito ko.

"Let's eat, this is your favorite ramen." Binuksan niya ang paper bag at nakita ko ang mainit-init pang sabaw. Kanina pa nga kumukulo ang sikmura ko sa gutom.

Habang binubuksan ni Gio ang pagkain, napansin ko ang tensyon sa pagitan ng aming mga magulang. Isinawalang-bahala ko na lamang muna ang napapansin at nararamdaman ko.

"You have a pageant next week, i-cancel na ba natin? Kailangan mo ng pahinga," ani Gio. Humigop ako ng sabaw at kumain habang iniisip kung ano ang isasagot sa kaniya.

Sayang ang effort ni Gio sa paggastos sa mga kailangan ko, at sayang din ang pagod ko sa pag-eensayo kung aalis lang ako.

"Kaya ko naman. Okay na ako, konting pahinga na lang." Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata na puno ng pag-aalala.

"Mahalaga ang kalusugan mo, baka napapagod ka na nang masyado sa paghahanda sa pageant mo." Hinawakan ko ang mga kamay niya.

"Hindi ako napapagod, lalo na't kasama kita lagi." Agad sumilay ang isang maliit na ngiti sa kaniyang mga labi.

"Hindi rin ako mapapagod, dahil kasama ko na ang pahinga ko." Ginulo ko ang kaniyang buhok at taimtim kaming nagtawanan.

Nagulat ako dahil biglang lumapit ang mukha ni Gio sa mukha ko.

"Ops, ops, ops! Bakit mo hahalikan ang anak ko, iho?!" sigaw ni Papa kay Gio.

"Ah, eh, hindi ko po hahalikan ang anak niyo. Inamoy ko lang po kung ano ang shampoo niya. Mabango po eh, kailangan ko ng bagong brand ng shampoo. Sunsilk 'yan 'no, color pink? Mabango ah!" Napahampas na lamang ako sa aking mukha at tumawa nang mahina.

Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon