TRIGGER WARNING: This series contains strong language, violence, suicidal ideation, self-harm, emotional abuse, abandonment, and death.
Dugo
Hinihingal ako, ramdam ko ang bawat tibok ng puso ko na parang gustong kumawala sa aking dibdib. Ang bawat hakbang ko sa maputik na lupa ay tila isang pakikipagkarera sa kamatayan.
Hawak ko nang mahigpit ang matalim na kutsilyo, ang tanging sandata na magliligtas sa natitirang piraso ng buhay ko. Ang lamig ng bakal ay dumadaloy sa aking palad, isang paalala na sa gabing ito, ang dugong dadaloy ay hindi lamang mula sa luha.
Narito ako, tumatakbo sa gitna ng malawak at tila walang katapusang taniman ng mga Mirasol. Noong bata ako, ang mga bulaklak na ito ay simbolo ng pag-asa.
Ngunit sa ilalim ng malamlam na sinag ng buwan, mukha silang mga piping saksi na nakayuko sa lumbay, ang kanilang mga talulot ay tila mga daliring nagtuturo sa aking kasalanan.
Kasalanan na handa na akong pumatay at mamatay para sa pamilya ko.
Ang kanilang matatangkad na tangkay ay humahampas sa aking braso, nag-iiwan ng mga mapapait na gasgas na hindi ko na maramdaman dahil sa nag-aalab na galit na namumuo sa aking dibdib.
Ang bawat hagupit ng dahon ay tila latigo na tumatama sa balat ko, na nagsasabing magiging masakit ang gabi na ito.
Tumakbo na ako palabas ng aming bakuran, bitbit ang lahat ng tapang na natitira. Handa akong sumaksak ng laman ng tao, handang lumampas sa hangganan ng moralidad para sa kaligtasan ng mga taong mahal ko.
Ang hangin ay humuhuni ng panganib, at ang amoy ng basa at nabulok na lupa ay humahalo sa amoy ng aking sariling pawis.
Kailangan ko siyang maabutan. Ang lalaking anino na iyon, ang demonyong nagtangkang pumasok sa aming tahanan upang wasakin ang lahat ng pinaghirapan namin. Nakita ko kung paano niya hinila si Papa patungo rito sa kagubatan. Si Papa, na kahit may edad na at nanghihina ang mga tuhod ay pilit pa ring tumatakbo.
Nakita ko ang desperasyon sa kanyang mga mata bago siya tuluyang nilamon ng dilim. Mabilis na hinila ng lalaking naka-itim na hoodie ang papa ko sa kung saan.
Nawala na sila sa kadiliman, iniwan akong humahabol sa aninong tila laging isang hakbang ang layo sa akin.
"Papa! Papa, sandali!" Sigaw ko sa aking isipan, ngunit walang boses na lumalabas sa aking tuyot na lalamunan.
Pumasok ako sa mas madilim na bahagi ng gubat, kung saan ang mga puno ay tila naglalakihang mga halimaw na may mahahabang galamay, handang humarang sa aking daan.
Hindi mo pinansin ang mga kaluskos ng mga ligaw na hayop.
Baka huli na ako. Baka sa bawat segundong lumilipas, nawawalan na ako ng pagkakataon na may mayakap pang buhay na ama pag-uwi.
Tumigil ang mundo ko nang makarating ako sa isang maliit na butas sa gitna ng kagubatan.
Doon, sa ilalim ng isang matandang puno ng balete na ang mga ugat ay tila mga bitukang nakalabas sa lupa, nakita ko ang isang tanawing habambuhay na uukit sa aking alaala.
Halos hindi ko makita nang malinaw ang lahat dahil sa panlalabo ng aking paningin, para akong babagsak sa tensyon na nararamdaman ko. Pero tanaw ko pa rin ang pigura ng dalawang lalaki sa harap ko.
Ang lalaking anino, at si Papa.
Pinilit ko na tignan ang lahat, kahit nanginginig ang aking mga labi at ang bawat kalamnan ko ay tila gustong bumigay.
Isang huni ng uwak ang biglang bumasag sa katahimikan, isang matinis at mapang-asar na tunog.
Nag-alisan at nagsiliparan ang mga uwak sa madilim na kalangitan, ang kanilang mga pakpak ay tila itim na tabing na nagpapatindi sa kilabot ng gabi. Ang kanilang paglisan ay tila hudyat na wala nang anghel na nakatanod sa lugar na ito.
BINABASA MO ANG
Shadows Of Doubt (Shadow Series #1)
RomanceSa taniman ng mga mirasol na mababango, sa karagatan ng mga luntiang mga damo, mahahanap ko ba ang tunay na pagmamahal na nanggagaling sayo o dudungisan mo lang ito ng pulang dugo? Chelsea Hillary Ferrer, she have a lot of insecurities and she th...
