Aswang

187 4 1
                                    

"Pre, naniniwala ka ba sa aswang?" tanong ni Bano. Bahagyang tumawa si Lito sa tanong nito. 

"Anong klaseng aswang ba ang tinutukoy mo pre?" Sagot ng huli. "Marami kasi akong kilala na kumakain ng hilaw at buo pa kung kainin"

Nagtawanan ang dalawa. Halatang lasing na lasing na dahil sa lambanog na tinira nila kanina lang. Pagewang-gewang pa kung lumakad si Bano at nakaalalay na lamang si Lito para hindi ito matumba. Siya rin ang may hawak sa palakol nito. Isa siyang construction worker habang magsasaka naman ang kaibigan niya.

"Nananakot ka ba pre? Bukas ka na lang manakot yung hindi tayo naglalakad sa gitna ng madilim na kalsada." Napitlag silang dalawa ng biglang may dumaang daga sa harapan nila. 

"Para tayong mga bakla nito." Sambit ni Bano sabay tawa. "Pero seryosong tanungan pre, naniniwala ka ba sa aswang?" 

"Alam mo namang lumaki ako sa lungsod kaya mukhang imposibleng paniwalaan ko ang tungkol sa mga aswang aswang na iyan." Mas lalong nilakasan ni Lito ang sinag ng flashlight sa kanilang daan dahil medyo madaming batong nakausli. Baka matalisod pa silang dalawa ng kaniyang kaibigan. 

"Bakit ikaw ba pre, naniniwala ka dun?" balik na tanong ni Lito sa kaibigan. 

"Medyo lang. Sabi kasi ng mga matatanda ay magaganda't pogi raw ang mga aswang." 

"Ano namang konek ng pagiging magaganda't pogi ng mga aswang para paniwalaan mo?" Nakakunot ang noo ni Lito dahil sa tinuran ng kaibigan. 

Nakita niyang kumislap ang mata ni Bano at ngumiti pa ito. Napailing-iling na lamang siya. Halatang tinamaan na ng lintek ang kaniyang kaibigan. Na-fall na ata ito kay Paneng, ang bagong salta mula sa Maynila. Maganda ang dalaga at hindi niya masisisi si Bano kung bakit nagustuhan niya ito. 

Wala naman siyang maipipintas kay Paneng, mabait naman ito at mukhang wife material ika nga nila. Ngunit isa lang ang problema niya rito masyado itong tahimik at halos hindi nagsasalita. Ipinagtataka rin niya ang pag-aakusa ng mga tong bayan sa dalaga na isa raw itong aswang. Dahil raw simula ng dumating ang dalaga ay marami nang mga alagang hayop ang namamatay. Wakwak ang tiyan o di kaya'y pugot ang ulo at wala nang dugo.

"Naniniwala ka ba talagang aswang si Paneng?" tanong ni Lito. 

"Aswang man siya o hindi ang mahalaga ay mahal ko siya." sagot ni Bano. " Isa pa ako lang naman ang kakainin niya na hilaw e" Nagtawanan silang dalawa. Iba na talaga ang tama ng lambanog kay Bano. Kaya na nitong magbiro ng mga mahalay.

"Ewan ko sayo pre. Kung saan ka masaya ay susuportahan na lamang kita." Bahagyang tinapik ni Lito ang balikat ni Bano. "O siya hanggang dito na lang ako, dito na yung daan sa amin. Siguradong kaya mong umuwi sa lagay na yan?" tanong niya. Ibinigay niya rito ang palakol.

"Oo naman pre at isa pa hindi ako babae para ihatid mo pa pauwi." Bahagya siyang natawa sa tinuran nito.

Tumalikod na si Bano at nagumpisang maglakad. May dala din naman itong flashlight. Nagumpisa na ding magalakad si Lito. Tinahak niya ang daan pauuwi sa kanilang barong-barong. Kanina pa siguro nakatulog ang kaniyang asawa kasama ang kanilang mga supling. Wala na talaga siyang mahihingi pa sa diyos, sa tingin niya ay napakaswerte niya. 

Napatingala siya sa bilog na bilog na buwan sa langit. Ginapang siya ng kakaibang takot na tila ba ay may nalimutan siya.

Napatigil siya ng marinig ang isang sitsit. Napalingon siya at wala naman siyang nakitang tao. Hahakbang na sana siya ng makita sa di kalayuan ang isang babaeng nakatalikod. Hindi alam ni Lito kung tatakbo ba siya o lalapit. Nilakasan niya ang ilaw ng kaniyang flashlight at tinutok sa babae.

Naaninag niya ang mga bakas ng dugo sa kamay ng babae. Nakasabog ang magulo nitong buhok na tinatangay ng hangin. May malaking sugat din ang babae sa likod at patuloy na dumudugo. Naglalakad ito at paika-ika. May hawak ito na tila isang bilog na bagay. Dahan dahang pumihit ang babae at halos matumba si Lito ng makilala kung sino ito. 

"Clara?" Tumatakbong lumapit siya sa asawa at niyapos ito. Nawalan ng malay ang kaniyang asawa. Nakita niya sa tabi nito ang pugot na ulo ni Bano at ang palakol nito na may bahid ng dugo.

"Halikana mahal, uuwi na tayo." At pinangko ni Lito ang kaniyang asawa.


GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon