Ako si Joe, bente singko anyos. Kasama ko ang aking ina dito sa probinsya. Namayapa na ang aking ama pero dahil sa pananalig at paniniwala ng aking ina na nasa paligid lamang namin siya ay maayos pa rin kaming namumuhay.
Noong bata pa ako ay madalas akong kwentuhan ng aking ina tungkol sa mga kaluluwa na nananatili pa rin dito sa lupa kahit matagal na silang namayapa. Pilit niya akong pinaniwala na lahat ng ito ay totoo. May mga libro sa aming altar na naglalaman ng mga ritwal tungkol sa pagtawag sa mga espirito o mga kaluluwang ligaw.
Ngunit gayon pa man ay di pa rin ako naniniwala sa mga multo o kaluluwang ligaw dahil sa hindi ko naman sila nakikita o kahit maramdaman man lang. Pinapaniwala ko na lamang ang aking ina na naniniwala ako upang di siya madismaya.
Masaya ang aking ina noon kapag dumarating ang aking ama galing trabaho. Di ko makakalimutan ang maaliwalas na ngiti ng aking ina dulot ng aking ama at ang pasalubong nitong siopao na siya namang paborito ng aking ina.
Kapag nasisilayan ko ang ngiti ni ina ay para bang kayligaya ng aking pakiramdam. Ang mga ngiting iyon ang nagbibigay saakin ng sigla at pag-asa.
Ngiti na matagal kong di nasilayan mula noong mamatay ang aking ama dahil sa isang aksidente. Ilang araw bago ang ika labing walong kaarawan ko.
Halos gumuho ang mundo ng aking ina. Araw-gabi siya kung umiyak at halos di na ako maasikaso ng maayos.
Nong dumating ang aking ikalabing walong kaarawan ay siyang araw ng libing ng aking ama. Iyon na ang pinaka malungkot na araw ng buhay ko dahil mawawala na ng tuluyan sa amin ang aking ama.
Lumipas ang mga araw at balisa parin ang aking ina. Madalang lamang kung magsalita at ang ngiti na nagbibigay ng kulay sa buhay ko noon ay napalitan na ng hikbi. Lagi lang siyang umiiyak sa kwarto nila ng ama ko.
Huminto na ako sa pag-aaral at naghanap na ako ng trabaho para makatulong sa aking ina sa pang araw araw na gastusin.
Isang araw, pag-uwi ko galing trabaho ay nakita kong patay ang lahat ng ilaw at tanging dalawang kandila lamang ang nakasindi na nakatirik sa aming altar at napansin ko na ang mga libro na naglalaman ng mga ritwal ay wala na doon.
Pumasok ako sa kwarto at nagbihis nang may marinig akong boses sa kabilang kwarto. Ang aking ina na nagsasagawa ng ritwal. Kahit medyo nabahala ako ay mas dama ko ang pagod galing sa trabaho kaya humiga ako at tumuloy na sa pagtulog.
Kinabukasan, paggising ko ay lumabas ako ng kwarto. Pinupunasan ko pa ang mga mata ko at pagdilat ko ay may nakita akong nakahapag na pagkain sa lamesa at nakita ko ang aking ina na naghahanda ng plato at kutsara ng nakangiti.
Natuwa ako at nakita kong muli ang ngiti ng aking ina kaya lumapit ako sakanya at niyakap siya. Pero laking pagtataka ko dahil tatlong plato at tatlong pares ng kutsara ang nakahapag sa lamesa. Tinanong ko si ina at sabi niya ay para kay papa yun dahil uuwi na daw siya.
Nangangamba ako sa kilos ng aking ina. Natatakot ako na umasa siya at masaktan dahil alam kong di na babalik pa kahit kailan si ama.
Mabilis na natapos ang araw at umuwi ako ng bahay. Habang nagbibihis ako ay dinig ko parin ang ingay sa kabilang kwarto dahil sa ginagawang ritwal ng aking ina. Humiga ako sa kama at akmang pipikit nang tumigil ang ingay sa kabilang kwarto.
Malalakas na katok sa aking pinto ang aking nadinig kaya ako napadilat at nagmadaling buksan ang pinto. Nakita ko ang aking ina.
Nakangiti at halos maluha-luha.
"Anak, nakauwi na ang ama mo." Sambit niya habang pinapakita saakin ang siopao na madalas ipansalubong sakanya ng aking ama.
Kinilabutan ako sa sinabi ng aking ina pero masaya ako dahil nakikita kong muli na ngumingiti siya ng napakaganda.
Nabubuhayan talaga ako ng loob tuwing nakikita ko ang mga ngiti niya.
Mula noon, bawat paglabas ko mula sa aking trabaho ay dumidirecho nako sa bilihan ng siopao at lihim na iniiwan ito sa aming lamesa bago pa man ako magbihis at matapos si ina sa kanyang ritwal.
Oo ako nga ang nagdadala ng siopao. Alam kong maling paniwalain si ina na andito nga ang aking ama ngunit hindi ko kayang hindi na muling makita ang mga ngiti ni ina.
BINABASA MO ANG
GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)
Horror(📌#1 in Horror (COMPLETED) Mga nakakapanindig balahibong mga kwento na sa kadiliman ay nagmula. Sa kailaliman ay sinuyod upang ihatid sa inyo ang Gimbal at Sindak! Halika at ating suungin ang mundo ng kadiliman..... (Read at your own risk) ~Raw and...