Litrato

164 4 2
                                    

Namatay ang isa sa kamag-anak ko. Hindi ko pa nakita o nakilala ang babae. Pero ang alam ko lang ay may anak siyang apat na taong gulang. Bea ang pangalan ng bata. Nagtatrabaho ang ama nito sa malayong lugar kaya ang tiyahin ko ang pinakiusapan na bantayan pansamantala ang bata.

Parating nakabuntot sa tiyahin ko ang bata at ayaw nitong humiwalay kahit sandali lang. Naging problema ito ng tiyahin ko. Hindi siya makaalis ng bahay ng hindi nakasunod si Bea. Parati itong nangangailangan ng atensyon. Minsan ay nagseselos na ang mga anak ng tiyahin ko kay Bea.

Isang araw nun, pinakiusapan ako ni Auntie na saakin muna tumuloy si Bea kahit dalawang araw lang dahil may importanteng lakad siya. Bantayan ko daw muna ang bata. Umuo na lang ako dahil mag-isa lang naman ako sa aking apartment at maganda ring may kasama ako rito paminsan minsan.

Mga tatlong araw ang nakalipas ay hinatid na ni Auntie si Bea sa apartment ko. Noong araw din yun ata siya aalis. Hinawakan ni Auntie si Bea sa balikat.

"Bea, magpakabait ka dito, ha. Huwag mong bigyan ng sakit ng ulo ang Tito Leo mo."

Nang makaalis na si Auntie ay sinubukan kong kausapin si Bea. Pinahiram ko siya ng mga laruan na naiwan dito ng anak ng kapatid ko. Pero hindi siya kumikibo at nakaupo lang sa may tabi. Yakap yakap nito ang kaniyang teddy bear at parang wala itong balak na bitawan.

Hindi rin ito nakangiti, hindi rin nagsasalita. Nakatulala lang ito sa pader. Nababahahala ako sa nangyayari sa kaniya.

Naghanap ako ng pwedeng makaaliw sa kaniya. Naalala ko ang luma kong camera sa kabinet. Kakabili ko lang ng bago noong nakaraang linggo kaya ipapahiram ko muna sa kaniya itong luma. Nang makita niyang inilahad ko ang camera sa kaniya ay napangiti ito.

Tinuruan ko siya kung papaano gamitin ito. Naglibot ito sa buong apartment ko at kumuha ng mga litrato ng mga gamit doon. Napakalapad ng ngiti nito at tila naaliw sa ibinigay kong camera.

Kinagabihan nun ay nalaman ko kung gaano kahirap iwanan si Bea ng mag-isa. Kapag aalis ako ng silid ay umiiyak siya at sinisigaw ang pangalan ko. Hindi ko siya pwedeng iwan dahil baka maistorbo ang kapit-bahay dahil sa iyak niya. Kahit sa pagpunta ko sa C.R ay gusto niyang sumama.

Doon siya natulog sa higaan ko. Binasahan ko siya ng isang bedtime story hanggang makatulog siya. Napansin ko ang hawak niyang teddy bear. Ang paa nito ay nangingitim na tila ba ay sinunog. Nagtaka ako.

Hating gabi ng magising ako dahil sa kakaibang ingay. Napabalikwas ako ng bango at nakita kong parang hindi mapakali si Bea. Nangingig ang katawan ng bata. Ang mga mata nito ay dilat na dilat. May mga luhang dumadaloy sa mukha niya. Mabilis na sinalat ko ang kaniyang noo pero wala naman siyang lagnat.

Niyakap ko siya at tinanong kung ano ang masakit o problema sa kaniya.

"Nakatingin na naman Siya sa akin," mahinang bulong ng bata sa akin. Umiyak siya ng umiyak sa balikat ko.

"Sino?" gulat kong turan.

"Ang babae..." sagot niya sa akin.

Tinanong ko pa siya pero hindi na siya sumagot. Sinabihan ko siya na imahinasyon niya lang ito. Pero ayaw niyang maniwala sa akin. Nanatili kaming ganun hanggang sa makatulog siya uli.

Kinaumagahan ay masigla na siya. Naaaliw na ito sa camera na bigay niya. Nang ihahatid ko na siya sa bahay nila Auntie ay sinabihan ko siyang kaniya na lang ang camera ko. Niyakap ako ng bata at nginitian. Kahit wala siyang sinabi ay alam kong masaya siya sa ibinigay ko.

Nang maihatid ko na siya sa bahay nila Auntie ay inimbita niya ako na magmeryenda muna. Pinasalamat ako ni Auntie dahil sa pagbantay kay Bea. Pinakain niya ako ng niluto niya maruya. 

"Naawa na nga ako sa batang iyan,"  si Auntie. "Hindi na siya nagsasalita simula ng mamatay ang nanay niya."

Hindi ko mapigilan ang kuryusidad ko. "Ano po bang ikinamatay ng ina ni Bea?"

Parang nag-iba ang expresyon ni Auntie dahil sa tanong ko. "Namatay siya dahil sa sunog..."

"Paano po nagsimula ang sunog?" tanong ko.

Parang ayaw pa ni Auntie na pag-usapan ang tungkol doon.

"Nakakalungkot na pangyayari." nagdadalawang isip pa ata ito kung sasabihin niya. 

"Nagpakamatay ito. Dahil siguro sa problema nilang mag-asawa. Binuhusan nito ang sarili ng gasolina at sinindihan ang sarili. Nasunog itong buhay."

Nagulat ako sa isinawalat ni Auntie. Napansin ni Auntie ang reaksiyon ko.

"Maging ang kaniyang pamilya nga ay ayaw tanggapin ang malagim na sinapit nito. Pinalabas na lang nila na isa iyong aksidente. Inilibing namin siya at nag-imbita lang ng iilang kakilala. Wala doon si Bea ng ilibing namin ang kaniyang ina."

"Kawawa naman yung bata." sambit ko.

"Kawawa nga, ang buong akala niya ay nasa ibang bansa lang ang kaniyang ina at nagtatrabaho."

Makalipas ang ilang araw ay binungad ako ng isang masamang balita mula kay Auntie. Patay na raw si Bea.

Ikinuwento sa akin ni Auntie ang nangyari. 

Isang gabi raw nun ay pinilit niyang matulog mag-isa si Bea sa silid nito. Para daw masanay na ito na hindi tumatabi sa kaniya. Umiyak at sumigaw daw ang bata pero ikinulong niya sa silid. 

Kinaumagahan ay pinuntahan niya ito. Nakita niyang nakahiga sa kama si Bea at wala nang buhay. Yakap yakap nito ang kaniyang teddy bear.

Hindi namin maintindihan kung anong nangyari sa bata. Walang nakitang kahit anong marka sa katawan ng bata ng ipa-examine namin iyon. Malusog ang pangangatawan nito. Kaya nakakapagtaka ang biglaan nitong pagkamatay. 

Pagkatapos ng libing ni Bea ay pumunta kami sa bahay nila Auntie. Sobrang lungkot ng lahat dahil sa pagpanaw ng mumunting anghel. Ibinalik sa akin ni Auntie ang camera na ibingay ko kay Bea. Kinuha ko ito at inuwi. Isang munting alaala sa batang minsang naging kasama ko.

Napuno ang memory ng camera ko. Puno ito ng mga litrato ng lahat ng bagay na nakita ni Bea. Pinalis ko ang luha sa aking mga mata habang tintingnan ang mga bagay na kinunan niya.

Nandoon ang litrato ng apartment ko, ang bahay nila Auntie, mga bulaklak, ang aso ng anak ni Auntie, mga laruan, at kendi. 

Hanggang sa mapunta ako sa pinakahuling larawan na kinunan ni Bea. Ramdam kong nanginig ang kamay ko. 

Gusto kong sumigaw pero walang lumabas sa aking bibig.

Nakalagay ang oras kung kailan kinunan ang litrato at nakalagay doon ang eksaktong oras at araw kung kailan namatay si Bea.

Heto ang larawan na kinunan ni Bea sa aking camera.


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon