Takas

160 6 3
                                    

Author's Note: This part is dedicated to @PhantoMajesty ,salamat sa pag-vote! I really appreciate it. Sana'y mag-enjoy ka pa sa mga story na i-pupublish ko. Stay safe dear!





Hindi ko alam kung bakit galit na galit sa akin ang aking Padrasto. Hindi ko naman maalala kung may nagawa ba akong ikinagalit niya ng husto. Simula ng lumipat siya sa amin nila Mama ay nagsimulang naging impyerno ang buhay ko.

Lahat na lang ng ginagawa ko ay mali sa paningin niya. Tinatawag niya din ako sa hindi kaaya-ayang mga pangalan. Sa mga mata niya ay wala na akong nagawang tama.

Hindi nagtagal ay naapektuhan na nito ang pag-aaral ko. Napansin kong nahihirapan na akong mag-aral at bumababa ang aking mga marka. Sa hapag namin ay halos hindi ko galawin ang aking pagkain dahil sa takot ko. Hindi ko na din kayang makisama sa mga kaibigan ko.

Habang tumatagal ay palala ng palala ang trato niya sa akin. Ginawa na niya akong punching bag kapag galit siya. Sinasaktan niya ako dahil lamang sa mga walang kabuluhang bagay. 

Napakalaki niyang tao kaya walang magawa ang maliit kong pangangatawan sa kaniya. Bawat suntok at tadyak niya sa akin ay hindi lang pisikal na sakit ang dala maging emosyonal ay nasasaktan din ako. Hindi nagtagal ay nadiagnosed ako ng depression at kailangan ng medikasyon para maagapan.

Sa kabila nito, walang ginawa si Mama kundi kunsintihin ang ginagawa ng kaniyang bagong asawa. Mas pinili niya ito kesa sa akin na dugo't laman niya. Lalo akong nasaktan dahil doon. Hanggang sa isang araw ay nawalan na ako ng pag-asa at ang tanging hiniling ko na lang ay makatakas sa bahay na iyon.

Isang araw, hindi ko na talaga na nakayanan kaya naglayas ako. Umabot na ako sa kabilang bayan pero naharangan ako ng mga pulis at hinatid pauwi sa amin. Nang ihatid nila ako ay nakaabang sa pintuan ng bahay namin ang aking Padrasto. Naghihintay ito sa akin at mababakas sa mukha ang matinding galit.

Nang makaalis na ang mga pulis ay bumaling siya sa akin. "Sa tingin mo ba ay makakatakas ka?"

Kinagabihan, muli niya akong binugbug ng mas malala pa kesa sa mga nauna. Nakatulugan ko ang pag-iyak. 

Tuwing umuuwi siya kada gabi galing trabaho ay gumagawa ako ng paraan para iwasan siya. Simula din noon ay gumagawa siya ng mga dahilan para lang masaktan niya ako. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong katulad niya na sobra ang kasamaan.

Sa bawat paglapat ng kamao niya sa akin ay nakikita ko siyang napapangiti na tila ikinasisiya ang pagsakit sa akin. Napuno ng pasa ang katawan ko at nahirapan akong huminga.

Hanggang sa dumating ang araw na nabugbog niya ako ng sobra na halos hindi na ako makagalaw. Nandoon lang ako, nakahiga sa malamig na sahig at nakatitig sa kisame. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakahilata lang doon. Nagka-internal bleeding ako dahil sa pagkalasuglasog ng mga buto ko.

Sinabihan siya ni Mama na dalhin ako sa ospital pero tumangi ang aking Padrasto. Sinabi nito kay Mama na umaarte lamang ako. Paika-ika akong tumayo at naglakad papunta sa aking silid.

Umiyak ako sa sakit hanggang sa makatulog ako. Kinaumagan, pinuntahan ako ni Mama at doon niya napagtanto na isa na akong malamig na bangkay.

Lumipas ang  panahon...

Hindi ko alam kung gaano katagal...

Hanggang sa makakita ako ng liwanag.

Narinig ko sa 'di kalayuan ang isang boses. "Congrats! Isang malusog na batang lalaki ang iyong iniluwal."

Umiyak ako ng napakalakas at dahan-dahang idinilat ang mga mata. 

Nakita ko ang isang babae at lalaki na nakangiti sa akin. Lumapit ang lalaki sa akin at hinawakan ang aking pisnge. Yumuko ito sa aking tenga at may ibinulong.

Sa mahinang boses, ang sabi niya. "Sa tingin mo ba ay makakatakas ka?"



GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon