May magkasintahan na nagdesisyong maghiking sa isang bundok sa malayong probinsya. Sumama sila sa grupo ng naghihiking din. Ngunit sobra silang naaliw sa pagmamasid sa mga ligaw na bulaklak kaya't napag-iwanan sila ng kanilang mga kasama.
Papalubog na ang araw pero hindi parin nila matuntun ang daan pabalik sa kanilang pinanggalingan. Ang babaeng nagngangalang Rosalia ay kinakabahan na dahil sa pagdilim ng kalagitan. Pero inaalo siya ng kaniyang kasintahan na si Peter na magiging ayos din ang lahat.
Matapos ang halos isang oras na paglalakad ay napagtanto nilang naliligaw na sila. Ni wala silang dalang mapa o compass man lang para matulungan silang makabalik. Para lamang silang pabalik-balik sa kanilang dinadaan dahil pare-pareho ang itsura ng mga puno.
Halos mawalan na sila ng pag-asa na mahanap ang daan pabalik. Sinuyod nila ang medyo masukal na daan hanggang matagpuan nila ang isang abandonadong bahay.
Basag ang mga bintana nito at nangingitim ang mga pader. May mga baging pa na gumagabang sa paligid nito. Kinatok ni Peter ang pinto sa pag-aakalang may nakatira pa sa bahay na iyon.
Walang tumugon sa pagtawag. Pinihit ni Peter ang seradura ng pintuan at binuksan.
Pumasok silang dalawa at nasilayan ang kalunos-lunos na estado ng bahay. May mga kasangkapan pa naman doon pero ang sahig ay nababalot ng napaka-kapal na alikabok.
Maingat nilang sinuyod ang buong kabahayan. Parang may mali silang nararadaman, umaalingasaw din ang amoy ng amag.
Puno ng sulat ang pader maging ang kisame. Pula ang kulay na ginamit, 'KAMATAYAN!' iyan ang paulit-ulit na nakasulat.
Nanginig silang dalawa sa takot. Buong tapang na hinawakan ni Peter ang nakasulat at nagulat siya ng mapagtantong basa pa ang ginamit na likido/pintura.
Matindi ang nadamang takot ng magkasintahan pero wala na silang ibang mapuntahan. Naalala nila ang bilin ng guide na puno ng mababangis na hayop ang bundok kaya't kailangan ay hindi sila gabihin sa daan. Sa kabila ng kanilang takot ay napagdesisyonan nilang dalawa na doon na lang sa abandonadong bahay magpalipas ng gabi.
Umakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay at natagpuan ang isang kama. Pinagpag ito ni Rosalia ang kumot at unan para maalis ang alikabok. Pinilit nilang makatulog sa kabila ng pangamba.
Hindi kalaunan ay hinila na sila ng antok.
Ngunit ng pumatak ang alas-dose nagising sila dahil sa tunog ng kaluskos sa labas ng bahay. Parang may kung anong naglalakad sa labas.
"Narinig mo ba iyon?" bulong ni Rosalia kay Peter. "Parang may tao sa labas."
Nakinig si Peter pero hindi na nasundan pa ang kaluskos. Bumangon siya at lumapit sa bintana. Napakadilim sa labas kaya wala siyang makita. Binuksan niya ang bintana at dinungaw ang kaniyang ulo sa labas.
"Sinong nariyan?!" lakas-loob niyang sambit.
Ngunit walang sumagot.
Babalik na sana siya sa higaan ng magsalita si Rosalia. "Baka ang nasa labas ay hindi marunong magsalita. Baka isang taong-gubat..."
Humarap uli si Peter sa labas. "Nadiyan ka ba? Pumalakpak ka ng isang beses kung Oo at dalawa naman kung Hindi."
Nakinig siya ng ilang segundo ngunit ang huni lamang ng kuliglig ang narinig niya. Napatingala si Peter sa nagkikislapang mga bituin. Ng biglang...
Pak! Pak!
Napasadal sa bintana si Peter at pilit na inaninag kung sino ang nasa labas.
"Ikaw ba ang may ari ng bahay?" tanong niya.
Pak! Pak!
"Lalaki ka ba?"
Pak! Pak!
"Edi babae ka?"
Pak! Pak!
"Tao ka ba?"
Pak! Pak!
Nagtaasan ang balahibo ni Peter dahil sa takot. Nangatog ang binti niya at nauutal na nagtanong pa.
"M-mag-isa ka lang ba?"
Pak! Pak!
"Ilan kayo? Pumalakpak ang bawat isa sa inyo."
Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak! Pak!
BINABASA MO ANG
GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)
Horror(📌#1 in Horror (COMPLETED) Mga nakakapanindig balahibong mga kwento na sa kadiliman ay nagmula. Sa kailaliman ay sinuyod upang ihatid sa inyo ang Gimbal at Sindak! Halika at ating suungin ang mundo ng kadiliman..... (Read at your own risk) ~Raw and...