Hinihingal siyang tumatakbo papalayo. Kahit na pakiramdam niya ay paikot-ikot lang siya sa buong bahay na iyon. Ang mga painting na nakasabit sa dingding ay nakakahindik ang itsura. Pakiramdam niya ay nakasunod ang mga mata nito sa bawat galaw niya.
Nahagip ng paningin niya ag isang family picture na nakasabit. Isang medyo may katandaang babae at lalaki na nakaupo sa sofa nasa tabi ng mga ito ang kanilang dalawang anak. At katabi ng picture frame na iyon ay isang litrato ng nakabitay na babae at pugot ulong lalaki. Maraming nakakatakot na litrato ang kasunod nun.
Inilipat niya ang tingin sa dinadaanan. May mga talsik ng dugong natuyong dugo ang sahig. Ang amoy ng alikabok at amag ang bumabati sa kaniyang pang-amoy. Tumigil siya at napahawak sa tuhod dahil sa matinding pagod.
Hindi niya alam kung nasaan na siya. Itinaas niya ang kaniyang flashlight at pinataaman ng sinag nito ang buong lugar. Mga natumbang upuan at tumaob na lamesa ang una niyang nakita.
Naglakad pa siya. Napatakip siya ng ilong ng may maamoy na parang naagnas na daga. Halos masuka siya dahil sa hindi kaaya-ayang amoy na iyon. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad habang nakikiramdam sa buong paligid.
Hindi, hindi na niya naririnig ang malalakas na yabag ng nilalang na humahabol sa kaniya. Palinga-linga siya sa paligid. Kailangan niyang maging alerto. Ayaw niyang matulad sa mga kasamahan niyang pinutol ang ulo ng nilalang na iyon.
Hindi naman nila sinasadyang mapunta sa lugar na ito. Nagkatuwaan lang silang magkakaibigan na pumunta doon para mag-vlog ng kanilang ghost hunting "kuno" na video. Kasalan niya ito, kung hindi lang sana siya nagpumilit na dito gawin ang video ay hindi sana nangyari ito. Pito silang pumunta pero iisa na lang siyang ang natitira.
Nakakatakot ang nilalang na tinutukoy niya. Nakasuot ng costume ng isang payaso, katulad ng makikita mo sa mga perya. Ang pinagkaiba lang ay nakakagimbal ang mukha nito. May mga pangil na nagsisilabasan sa bunganga nito at ang mga mata ay napakalaki. May hawak pa itong palakol na kumikislap ang talim kapag natamaan ng ilaw ng flashlight.
Noong una nila itong makita na magkakaibigan ay nakatayo lang ito sa isang gilid, hindi gumalaw. Pinagtawanan pa nila dahil akala nila ay kung ano na, estatwa lang pala. Lumapit doon ang kaibigan niyang lalaki upang kumuha ng litrato. Pero nagulat sila ng itinaas ng estatwa ang kamay na may hawak palang palakol at hinati ang katawan ng kaniyang kaibigan.
Humiwalay ang ulo nito sa katawan. Tumalsik talsik pa ang dugo mula sa naputol nitong leeg bago tuluyang natumba sa sahig. Humalakhak ang payasong iyon. Iyong klase ng halakhak na animo'y nagmula sa ilalim ng lupa.
Nagsitakbuhan sila paalis sa lugar na iyon. Ngunit hindi pinalad ang mga kasamahan niya. Mga sigaw ng mga ito ang pumuno sa katahimikan ng buong bahay. At ito siya ngayon, pinipilit na tumakas at makahanap ng daan palabas sa malaking bahay na ito.
Napatigil siya ng mabungaran ang isang lumang refrigerator. Parang may umudyok sa kaniya na buksan ang pinto nito.
Marahan niyang hinila ang hawakan nito. Napatakbo siya sa gilid ng makita ang laman ng nasabing ref. Mga duguang ulo ng kaniyang mga kaibigan. Dilat pa ang mga mata ng mga ito at nakabukas ang bibig na parang sumigaw ang mga ito bago patayin.
Halos isuka niya ang laman ng kaniyang sikmura. Napaluha siya ng maalala ang malagim na sinapit ng mga kaibigan. Pero mabilis na napatigil siya ng marinig ang malalakas na yabag. Napatayo siya ng maayos. Sinubukan niyang tumakbo pero huli na. Nasa harapan na niya nakatayo ang payaso.
Nakangisi ito kaya lalong lumilitaw ang mga mahahabang pangil. Itinaas nito ang hawak na palakol kaya napaupo siya. Hinawakan ang kaniyang buhok at malakas na sinabunutan. Katapusan na niya.
Hindi niya alam na imbes na matakot at sumigaw ay tumatawa siya na parang baliw. Napuno ng halakhak niya ang buong paligid. Nakatayong tumatanaw sa kaniya ang payaso na may malaking ngisi sa mga labi.
Kinuha nito ang tatlong ulo mula sa ref at itinapon sa ere at pinaglaruan. Siya ay napaupo na sa sahig at naglumpasay sa kakatawa kahit wala namang nakakatuwa.
Tumigil din ang payaso at sinalo ang tatlong ulo na pinaglaruan sa ere. Iniabot ito sa kaniya at lalong lumakas ang kaniyang halakhak ng tanggapin at yakapin ang mga putol na ulo.
Muling pinulot ng payaso ang palakol nito. Tinapik ang kaniyang balikat sabay sabing...
"Magdala ka pa ng marami. Mas marami, mas masaya."
At iniwan siya nitong nakalumpasay sa sahig at patuloy na tumatawa.
©Vel_Ane2020
BINABASA MO ANG
GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)
Horror(📌#1 in Horror (COMPLETED) Mga nakakapanindig balahibong mga kwento na sa kadiliman ay nagmula. Sa kailaliman ay sinuyod upang ihatid sa inyo ang Gimbal at Sindak! Halika at ating suungin ang mundo ng kadiliman..... (Read at your own risk) ~Raw and...