Nagimbal siya ng makita ang isang napakalaking insekto sa tabi ng kaniyang higaan. Hindi ito kasing laki ng mga normal na insekto na makikita sa paligid dahil kasinlaki ito ng tao. Mabilis na lumabas siya sa kaniyang silid at tumakbo sa C.R. Isinara niya ng maigi ang pintuan dahil sa takot na para atakehin siya nito. Hindi na siya nakatulog kakaisip kung totoo ba iyong nakita niya o isa lamang panaginip.
Kinaumagahan, nakarinig siya ng mahinang katok sa pintuan. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin. Nakapagdesisyon siyang harapin ang insektong iyon. Naisip niyang pwede niya itong hampasin ng tabo at kapag naduling ang insektong iyon ay makakatakas siya.
Dahan-dahan niya binuksan ang pintuan gamit ang isa niyang kamay. Hawak niya ang tabo sa isa pa niyang kamay. Sumilip niya sa maliit na siwang ng pintuan.
Nagulat siya ng makita ang insekto na may dalang pinggan na naglalaman ng kaniyang agahan. Ibinaba nito ang pinggan sa sahig at umatras. Naguguluhan man ay pinulot niya ang pinggan.
Tila nasiyahan ang insekto sa ginawa niya.
Nang mga sumunod na araw ay ganun din ang nangyari. Parati siyang dinadalhan ng pagkain. Noong una ay nag-aalala siya dahil baka ay pinapataba siya nito. Parati kasing mamantika ang dinadala nitong pagkain sa kaniya.
Pero noong nagka-heart burn siya ay pinalitan ng mga ito ng gulay at prutas ang kaniyang kinakain. Hindi lang pagkain ang hinahanda ng mga ito sa kaniya. Ang mga ito din ang naghahanda ng kaniyang paliguan.
Nilalabhan din ng mga ito ang kaniyang damit at sila na din ang naglilinis ng kaniyang kwarto.
Isang gabi noon, nagising siya ng marinig ang malakas na kalabog sa baba. Dali-dali siyang bumangon at lumabas ng kaniyang silid.
Nagimbal siya ng makita ang isang magnanakaw na kinakain ng insekto. Gutay-gutay na ang katawan nito. Gusto niyang masuka pero minabuti niyang linisin ang natirang katawan ng magnanakaw at inilibing iyon.
Alam niyang pinoprotektahan lamang siya ng mga ito.
Hindi na siya pinapalabas ng mga insekto sa kaniyang silid. Hinayaan lamang siya ng mga ito na mahiga buong araw. Nagtataka siya pero alam niyang hindi siya kayang saktan ng mga ito.
Makalipas ang isang oras ay may naramdaman siyang sakit sa bandang ibaba ng kaniyang sikmura. Namilipit siya sa sobrang sakit. Pakiramdam niya ay pinapasukan siya ng alambre sa tiyan.
Nakita niyang nagmadaling pumasok sa kaniyang silid ang insekto. Humuhuni ito na parang natutuwa sa nangyayari sa kaniya.
Napapaungol siya sa sobrang sakit. Itinaas niya ang suot niyang t-shirt para tingnan kung ano ang nangyayari. At doon nasaksihan niya ang kahindik-hindik na pangyayari. Naghiwalay ang kaniyang balat at dumanak ang dugo mula doon.
Hindi pala siya ang pinoprotektahan ng insektong iyon kundi ang mga anak nito.
----
Isang pahina na lang!
Happy Reading Yvels!
BINABASA MO ANG
GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)
Horror(📌#1 in Horror (COMPLETED) Mga nakakapanindig balahibong mga kwento na sa kadiliman ay nagmula. Sa kailaliman ay sinuyod upang ihatid sa inyo ang Gimbal at Sindak! Halika at ating suungin ang mundo ng kadiliman..... (Read at your own risk) ~Raw and...