Haplos

101 6 8
                                    

Magandang araw sa iyo. Nais kitang paalalahanan na ang susunod mong mababasa ay maghahatid sa inyo ng matinding gulat. Gusto kong aminin ang isang krimen na ginawa ko na hindi ko na kayang ilihim pa. Ngunit pinapakiusapan kita na huwag kang titigil sa pagbabasa nito. Sana'y basahin mo ito hanggang sa dulo.


Maraming taon na ang nakaraan ng hindi na ako nagpakita sa mundo. Ikinulong ko ang aking sarili, palayo sa mga matang mapanghusga. Ako'y isang napakapangit na nilalang. Walang gustong makipag-usap sa akin dahil sa aking mukha. Pag nakita nila akong papalapit ay nagsisitakbuhan sila palayo dahil sa matinding takot.

Lumaki akong isang miserable at kahabag-habang na tao. Lumaki ako ng hindi nararanasan ang mahalin. Sa tanang buhay ko ay hindi ako nakaramdam ng init ng haplos sa aking balat o kahit isang patak lang ng halik sa aking labi at pisnge.

Isa akong karpintero sa isang factory ng upuan. Buong araw ako doon, walang sawang gumagawa. Kahit ganito man ang aking mukha ay biniyayaan naman ako ng panginoon ng kakaibang galing sa pag-uukit sa kahoy. Ako ang naglalagay ng mga almuhadon, nagaayos ng screw, at nagtatahi ng tela para sa upuan. Habang gumagawa, pakiramdam ko ay isa akong magaling at sikat na tagaukit, para akong gumagawa ng isang obra maestra.

Kapag tapos ko nang gawin ang upuan ay sinusubukan ko iyon. Sinisigurado kong komportable ang uupo doon. Nagagalak ako kapag naiisip na maraming tao ang uupo sa upuang ginawa ko. Hindi katulad ko, siguradong ang mga buhay nila ay masasaya. May tao silang minamahal at may taong nagmamahal sa kanila. Minsan ay nalulungkot ako kapag ganun ang aking naiisip.

Isang araw, habang gumagawa ako ng panibagong upuan. Isang kakaibang ideya ang pumasok sa isipan ko. Binago ko ang disenyo ng upuan na ginagawa ko at nilagyan ko ito ng guwang. Medyo malaki iyon at kasya ang isang maliit na tao, katulad ko. Tinanggal ko ang mga spring at iilang foam sa loob.

Ang tuhod ay nasa bandang ibaba ng upuan. Ang katawan at ulo naman ay nasa backrest. Maaring umupo ang isang tao doon at walang maghihinala. Nilagyan ko din ng maliit pang guwang para lagyan ng tubig at kunting pagkain. Naglagay din ako ng maliit na supot na pwedeng paglagyan ng dumi at ihi.

Nang matapos na ako ay kumikinang ang matang tinitigan ko iyon. Napakagandang tingnan ng nagawa kong upuan!

Hinubad ko ang aking mga damit at pilit na pinagkasya ang aking sarili sa guwang na ginagawa ko.  Naiisip mo ba?

 Napakasikip nung una pero habang tumatagal ay nagiging komportable na ako. Yun nga lang ay napakadilim doon pero naririnig ko ang nangyayari sa paligid. Narinig ko ang boses ng aking mga kasamahan at mukhang hinahanap nila ako. Hindi nila alam na nadoon lang ako at nagtatago, hehehe.

Hindi nagtagal ay kinuha na ang upuan ng aming delivery man at dinala sa isang furniture shop. Nilagay nila ako sa harapang parte at dinisplay. Para akong pagong na may sariling bahay.

Maraming sumubok sa akin. May umupong mga matatanda, may bata, at meron ding mag-asawa. Hindi ko maipaliwanag ang galak na nararamdaman ko. Ramdam ko ang init ng kanilang balat. Iniisip ko na lang na niyayakap ko sila o di kaya ay hinahalikan.

Hanggang sa dumating ang araw at nabili na ang upuan. Kinarga ako ng delivery man sa kanilang van at dinala sa bahay nung bumili. Nilagay nila ako sa sala kaharap ng kanilang telebisyon.

Lahat ng myembro ng kanilang pamilya ay nakaupo na sa akin. Pakiramdam ko ay nasa langit na ako.

Ngunit merong isang myembro ng pamilya na nahumaling ako ng lubos. Naging espesyal ang taong iyon sa akin. Habang tumatagal ay lalo ako napapamahal sa kaniya.

Kapag umuupo siya sa akin ay lalo ko pang pinapalambot ang aking mga hita para mas maging komportbale sila. Kapag humihilig siya sa akin ay niyayapos ko siya ng mahina. Kapag inaantok na siya ay mahina kong iginagalaw ang aking mga paa para siya ay maduyan at makatulog ng mahimbing.

Baka akalain niyo ay nababaliw na ako, pero minahal ko ng todo ang taong iyon. Naging obsess ako sa kaniya hanggang sa makarating sa punto na gusto ko nang suklian niya ang aking pagmamahal na ibinibigay. Naisip ko na kapag nalaman niyang nandoon ako ay baka totoong mahulog ang loob niya sa akin.

Mahilig magbasa ang taong iyon kaya nagkaroon ako ng plano. Isinulat ko ang aking kwento at ipinadala iyon sa website na parati niyang pinupuntahan para magbasa.

Siguro ngayon ay alam niyo na kung ano ang sinasabi ko dito.

Tama ka.... Ikaw ang tinutukoy ko.

Matagal na ako sa pamamahay niyo, siguro ay nakalimutan mo na kung saan ako nanggaling. Gabi-gabi akong lumalabas sa upuan at pinupuntahan ka sa iyong silid para pagmasadan kang nahihimbing na natutulog.

Hindi ko na kayang mawalay pa sa iyo kahit sandali lang. Mahal na mahal kita kaya dapat ay mahalin mo din ako. Kung sana lamang ay nakita mo ko...

Ngayon na natapos mo nang basahin ito ay humarap ka at tumingin sa akin. Naghihintay ako.

Huwag kang matakot. Umupo ka sa aking kandungan. Nangungulila na ako sa haplos mo.

End

GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon