Eat All You Can

233 4 0
                                    

Mula ng bata pa ako ay parating sinasabi sa akin ni Tatay na kung ano ang pinatay mo ay dapat mong kainin. Akala ko normal lang iyon ngunit habang lumalaki ako parang unti-unting naging katakot takot ang sinabi niya. 

Naalala kung kailan ito unang nag-umpisa. Tatlong taong gulang pa lamang ako noon ng napagdiskitahan kong apakan ang mga langgam sa aming bakuran. Narinig kong sumigaw si Tatay. Ang sabi niya "Pulutin mo iyan at kainin!" Hindi ko siya sinunod. Tumakbo ako at umiyak ngunit nadakip niya ako sa damit. Binuka niya ang aking mga bibig at pinulot ang mga langgam sabay lagay nito sa aking bunganga. 

Pagkatapos nun ay nasuka ako.

Isang araw pa noon, apat na taong gulang lamang ako ng madakip niya akong pinuputulan ng pakpak ang ilang langgaw na aking nadakip. "Kainin mo yan, ngayon din!" Nagumpisa akong maiyak ngunit pinabuka niya lamang ang aking bibig at ipinalunok sa akin ang lahat ng langgaw. Lumipas ang ilang linggo ay parang nararamdaman ko pa ang mga langgaw sa aking sikmura.

Noong anim na taong gulang na ako ay gumawa ako ng tirador. Nagtatatakbo ako sa aming bakuran. Tinitirador ko ang mga sanga ng puno ng biglang may ibon na humapon doon at nasapol ko. Nalaglag sa lupa ang kawawang ibon. "Dalhin mo iyan dito!" naring kong sigaw ni Tatay. Nakadungaw siya sa bintana at mukhang kanina pa ako pinagmamasdan.

Pinilit ako ni Tatay na panoorin ang paghiwa niya sa ibon at ang pagtanggal sa mga lamang loob nito. Pinaghiwalay niya ang mga lamang loob sa isang platito at inihain sa harap ko. Umiyak ako ngunit hindi siya natinag. Tumayo lamang siya sa gilid ko at pinanood akong kainin ang lamang loob ng ibong napatay ko.

Ngunit kahit ganun ay hindi ako naniniwalang masamang tao ang tatay ko. Binilhan niya ako ng tuta ng ikawalong birthday ko. Lumipas nun ang isang buwan ay tinuruan niya akong magmaneho ng tricycle. Pabalik na kami sa garahe ng marinig ko ang isang malaking malutong na ingay. Napababa ako ng tricycle at nakita ko ang aking tuta na nadurog ng isa sa mga gulong ng tricycle.

Napaluhod ako at naiyak. "Alam mo na ang patakaran ko." wika ni Tatay. "Hindi! Hindi!" sigaw ko. Pinulot ni Tatay ang katawan ng tuta pero ako ay nanakbo paalis. Nagpalaboy laboy ako ng dalawang araw gutom man ako at nauuhaw ay pinilit kong wag umuwi sa amin. Sa ikatlong gabi ay napagdesisyonan kong umuwi para makakain.

Sa bintana ako ng kusina namin dumaan para hindi ako makita ni Tatay. Nasa madilim na akong kusina ng biglang bumukas ang ilaw at nakita kong nakatayo sa gilid si Tatay. Itinuro niya ang katawan ng aking tuta na nakahain sa lamesa. "Kumain kana."

Sinubukan kong tumakas ngunit nadakip niya kaagad ako. Hinawakan niya ako sa leeg upang ipirmi. Nagsisisigaw ako at umiyak pero wala siyang pakialam. Hiniwa niya ang naagnas na katawan ng aking tuta at sinubo sa akin. Wala akong nagawa kundi nguyain ang nakakadiring laman. 

Kinaumagahan, bago pa man sumikat ang araw ay nagdisesyon akong tumakas. Dahan dahan akong bumaba sa hagdan. Pero bago pa man ako makalapit sa ibabang baitang ay nakita kong nakatayo si Tatay doon. "Saan ka pupunta?"

Tumakbo ako pabalik sa taas pero hinablot niya ang aking dalang bag. Naitulak ko siya dahil sa pagpupumiglas. Nawalan ng balanse si Tatay at nagpagulong gulong sa mga baitang pababa hanggang sa tumama ang ulo niya sa matigas na paa ng lamesa namin. 

Tumakbo ako at dinaluhan siya ngunit huli na ang lahat. Patay na siya. Nakaposisyon ang kaniyang leeg sa hindi naayon na lugar at ang kaniyang mga mata ay nakatingin sa akin. 

Pumatak ang mga luha sa aking mga mata habang sinisindihan ang uling para makagawa ng apoy. Tinungo ko rin ang garahe upang kunin ang matalim na palakol doon.


GIMBAL AT SINDAK (Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon