CHAPTER 19

57 3 0
                                    

"NAPAPANSIN niyo ba ang napapansin ko?" tanong ni Ann sa kapwa niya empleyado. Kanina niya pa kasi nakikita na parang baliw na nakangiti ang amo nila. Ugali nitong magkulong sa opisina kaya nakapagtatakang masaya itong nakikihalubilo sa mga customers nila ngayon.

"Mukhang inspired si Ma'am Sof. Sila na kaya ni Sir James?" sagot ng isang kasama niya. Lumingon sa gawi nila si Sofia kaya dali-daling bumalik sa pwesto ang apat na sales lady. Pero ang inaasahan nilang pagsita nito ay hindi nangyari, ngumiti lang ito sa kanila. Nagkatinginan ulit ang apat na empleyado na puno ng katanongan ang mga mata. Wala silang ibang magawa kung hindi ang ipagpatuloy ang trabaho habang palipat-lipat ang tingin sa mga inaayos na damit at sa among nakikipagtawanan sa mga customers.

Maya-maya ay biglang may tumawag sa cellphone ni Sofia. Nag-excuse muna ito huminga ng malalim bago sinagot ang caller. "H-Hello? Hmn. Dito nalang. Okay. S-See you!" malambing na sabi nito.

Halos lumuwa ang mga mata ng mga empleyado at napanganga sa gulat dahil sa nakakapanibagong kilos ng amo na kilala sa pagiging seryoso. Pagkatapos sagutin ang tawag ay dali-dali itong tumakbo sa opisina na halatang-halata sa kilos ang excitement.

"Isa lang nasa isip ko. May love life na si Ma'am Sof."

"Dahil ba sa nabagok ang ulo niya sa nangyaring aksidente kaya natauhan na si Ma'am at sinagot na niya si Sir James?"

"Hindi. Sa tingin ko ay ibang tao ang dahilan ng pag-iba ng kilos ng amo natin nitong mga nakaraan buwan. Naalala niyo ba ang lalaking kausap ni Ma'am Sof noong may pictorial tayo bago siya naaksidente?" seryosong sabi ni Ann sa mga kasama.

"Oo nga! Napakapamilyar ng lalaking 'yon! Kahit hindi natin alam ang lahat ng nangyari sa araw na 'yon, nakita natin na sinisigawan niya si Ma'am. Sayang nga lang at umalis na rin ang lalaki pagka-alis ni Ma'am bago pa tayo tuloyang nakalapit."

"Tama. At base na rin sa alam natin, si Sir James, Sir Edward at Sir Enrico lang ang kilala nating mga lalaki na malapit kay Ma'am Sof. Sino naman kaya ang lalaking 'yon? Bakit siya nagalit kay Ma'am?"

"Magkagalit sila ni Ma'am, 'di ba? Edi hindi siya ang dahilan ng excitement ni Ma'am Sof ngayon?"

"May ibang lalaki pa? Hala! Matinik din pala si Ma'am!"

"Tama na nga yan! Huwag na tayong mangialam pa sa personal na buhay ni Ma'am Sof. Pasalama't nalang tayo't nakaligtas siya sa aksidenteng nangyari dahil kung hindi, baka wala na din tayo dito ngayon. Ipagdasal nalang natin na maging masaya na siya ng tuloyan. At kung sino man ang taong nasa likod ng kasiyahan ni Ma'am, malalaman din natin 'yan mamaya," napabungisngis si Ann dahil sa huling sinabi niya na sinundan rin ng tatlo ng hagikhik. Agad na rin silang bumalik sa trabaho nang may pumasok na mga customer.

Halos dalawang oras din ang lumipas bago bumukas ang opisina ni Sofia at lumabas doon ang dalaga na iba na ang kasuotan. Mula sa itim at puti na corporate attire kanina ay napalitan ng baby blue na sleeveless v-neck dress na hanggang tuhod ang haba. Hindi naman napigilan ng mga empleyado ang mapangiti dahil sa nakita.

"Ann? Anong itsura ko? Masyadong bang revealing? Bagay ba sa kutis ko ang kulay? Okay lang ba na manipis lang ang make-up ko? Ang buhok ko, dapat ko bang itali o tama na 'tong inilugay ko?" Halata sa tanong at kilos ng amo na kinakabahan ito sa kabila ng ngiti na pinapakita nito. Hindi ito mapakali at paulit-ulit na tiningnan ang sarili sa salamin na nakapalibot sa loob ng botique.

"Ang ganda-ganda niyo po, Ma'am Sof! Perfect na perfect po sa date niyo ngayon!"

Napatigil naman ang dalaga at nahihiyang napayuko. "Halata bang may date ako?"

"Ah, hehe, opo. Ang saya-saya niyo po kasi simula pa kaninang umaga. Ganyan po talaga kapag in-love, hindi mo mapapansin ang kilos mo. Hehe."

"Ganun ba?" namumula pa ring sagot nito na hindi na nagawang e-deny ang conclusion ni Ann. "Kayo na munang bahala dito ah, maaga akong aalis ngayon."

"Sure po, Ma'am. Enjoy lang kayo sa date niyo! Kami ng bahala dito."

"Salamat. Balik muna ako sa loob. Kapag may naghanap sa akin papasukin niyo sa opisina ko."

"Sige po." Sabay na nagkatinginan ang mga empleyado at isa lang ang nasa isip nila. Hindi si Sir James ang date ng amo nila! Dahil kung si James ang hinihintay nito, 'di na nila kailangan pang papasukin sa opisina ng amo. Kusa ng papasok ang lalaki tulad ng lage nitong ginagawa.

Mag-aalas singko na ng hapon at wala ng masyadong tao na pumapasok sa botique. Nagsilapitan ulit ang iba kay Ann na may panunudyo na ngiti sa mga labi. "Ehhh! Sino ba kasing ka-date ni Ma'am? Gusto ko ng makita ang legendary man na nakabihag sa pihikang puso ng amo natin," kinikilig na sabi ng katabi ni Ann na sinabayan naman ng tango ng iba.

"Sshhh. 'Wag nga kayong maingay baka marinig tayo ni Ma'am Sof. Sa tingin ko ay pupunta siya dito kaya-"

"Excuse me?"

Sabay-sabay na napalingon ang mga babae sa taong nagsalita sa likod nila. Napasinghap si Ann at mabilis na lumapit sa lalaking gwapong-gwapo sa suot na long-sleeve polo na kulay sky blue at dark gray na slacks. Agad namang nagsipuntahan sa kanilang pwesto ang iba.

"Good afternoon, Sir. It's been a long time. May order po kayo ulit?" nakangiting sabi ni Ann sa kaharap. Sa pagkakatanda niya ay binili nito ang isa sa pinakamahal na display nila at nagpa-customized pa ng damit. Matuturing na isa sa clients na nila ang lalaki.

"Ahm, may I know if Ms. Reiss is here?" malayong sagot ng lalaki na nasa likod niya ang tingin kung saan banda ang opisina ng dalaga. Agad namang tumalima si Ann at inaya ang lalaki. "Nasa opisina po. This way, Sir." Hindi na siya nagdalawang isip na ihatid ang lalaki dahil pinapasok naman ito noon ng amo. Nawala na rin sa isipan niya ang tungkol sa date ng amo at bumalik ulit ang focus sa trabaho. Kaya nga siya ang pinakamalapit na sales lady kay Sofia dahil maaasahan talaga siya kapag ang trabaho niya sa botique ang pinag-uusapan.

Kumatok muna siya ng dalawang beses bago binuksan ang pinto. Nakita niyang prenteng nakaupo ang dalaga habang may binabasang dokumento. "Ma'am, nandito po si Mr. Mendez," sabi niya sabay baling sa kasama kahit hindi pa sumasagot ang amo. "Come in, Sir." Ngumiti muna siya sa lalaki at agad ng lumabas gaya ng laging niyang ginagawa kapag may mga client sila na kinakausap ng amo sa loob ng opisina.

"Gwapo talaga ni Sir, 'no?"

"Sinabi mo pa! Para nga siyang modelo ng damit, eh. Ang lakas ng appeal!"

"Oh my- Kakulay ng damit ni Ma'am Sof ang suot niya! Di kaya-"

"Tumahimik nga kayo!" saway ni Ann sa mga kasama. "Client natin si Mr. Mendez. Huwag kayong mag-"

"Saan ba kasi tayo pupunta?" seryosong tanong ni Sofia pagkalabas nito ng opisina kasunod ni Ren. "Malalaman mo mamaya," nakangiting sagot naman ng binata. "Bakit parang hindi ka yata masaya na makita ako?" dagdag nito.

"Tss. Bilis na! Mang-aasar ka pa eh. " Seryoso pa rin ang mukha ng dalaga. Kabaliktaran sa excitement na nakita ng mga empleyado kani-kanina lang. Agad namang napasinghap sa gulat ang apat na empleyado pagkalabas ng dalawa. Lalong-lalo na si Ann na hindi talaga ini-expect na si Mr. Mendez ang ka-date ng dalagang amo.

"Oh my goshhhhh!" tili nila, hindi pa rin makapaniwala at puno ng katanungan kung paano nangyari na nagkamabutihan si Sofia at Ren.

REMEMBER ME AGAIN (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon