CHAPTER 49

25 2 0
                                    

KASALUKUYANG kumakain na ng hapunan si Ren kasama ang kanyag kapatid at ina. Parehong tahimik ang kanyang mga kasama. Habang siya naman ay kanina pa may gustong sabihin pero hindi niya magawa. Nagdadalawang-isip siya.

“May gusto ka bang sabihin?” biglang basag sa katahimikan ng kanyang ina.

Napatingin siya dito. At nakita niyang nakatingin na rin sa kanya ang kanyang kambal.

“W-Wala daw kaming klasi bukas,” sagot niya.

“Talaga? Mabuti kung gano’n. Makakapagpahinga bukas si Rel,” nakangiting sabi nito sabay himas sa ulo ng kapatid niya na katabi nito.

“P-Pero inaya ako ni Sofia na maligo sa dagat dahil birthday niya bukas.”

“Huwag ka ng sumama-”

“Gusto ko!” pigil ni Rel sa sasabihin ng kanilang ina. Sabay silang napalingon ng kanyang ina sa gawi ng kambal niya. “Pwede ko bang maranasan maligo ng dagat?” pangsusumamo nito.

Nagkatinginan si Ren at kanyang ina. Pareho ang nasa isip nila. Ayaw nila sa gusto ni Rel. Ngunit magkaiba sila ng dahilan. Natatakot ang kanilang ina na baka mapahamak ang anak niya. Habang hindi naman sang-ayon si Ren dahil gusto niya sana na siya ang pupunta. Pero hindi niya na isinatinig iyon.

“Kahit sandali lang… please?” pagmamakaawa ni Rel. “Baka… ito na rin ang huli. Isang buwan nalang bago ang graduation. ‘Di ba, babalik na tayo sa syudad pagkatapos dahil lumalala na ang sakit ko?”

Napatikhim ang kanilang ina para mapigilan ang nagbabantang luha nito. Napayuko naman si Ren dahil sa biglang paninikip ng kanyang dibdib.

“Pwede mo namang samahan si Rel, ‘Ma. Pagbigyan mo na siya,” tipid na ngiti niya dito. Napaayos naman ng upo si Rel at kumikinang ang mga matang humarap sa Mama nila.

“Basta ba… sandali lang tayo, okay?” nag-aalalang hinimas nito ang braso ng kapatid niya.

“Salamat, ‘Ma,” masayang sambit ni Rel sabay yakap ng mahigpit sa kanilang ina. Sinserong napangiti naman si Ren habang nakamasid sa dalawa.

“Ren, halika,” tawag ng kanyang ina. Mabilis na tumayo naman siya at lumapit sa mga ito.

Iwinaglit nalang niya ang bigat na nararamdaman ng kanyang dibdib dahil hindi niya makakasama si Sofia at inisip na dapat mauna ang kaligayahan ng kanyang kapatid. Ipinikit niya ang kanyang mga mata kasabay ng pagyakap niya ng mahipit sa pamilya niya.

“REN,” tawag sa kanya ni Rel. Nasa harap siya ng salamin at kasalukuyang naghahanda dahil araw na ng elementary graduation niya.

“Bakit?” lingon niya sa kapatid. Nakabihis na rin ito. Hindi dahil sasama ito sa kanila sa paaralan kundi dahil agad silang aalis papuntang syudad pagkatapos ng seremonyas ng graduation nila.

“Ibigay mo ‘to kay Sofia,” sabi nito sabay abot ng isang kwentas na may hugis puso na pendant.

“Binili mo?” gulat na tanong niya. Kinuha niya ang binigay nito at namamanghang tinitigan ito habang nasa mga palad niya.
“Hindi. Galing ‘yan kay Mama. Bigay daw ‘yan ni Papa sa kanya. Hiningi ko at pumayag siya,” nakangiting kwento nito.

“Talaga?”

Halo-halo ang emosyon na nararamdaman ni Ren ngayon. Magkakalayo na sila ni Sofia. Na hindi man lang niya pwedeng sabihin dito ang katotohan tungkol sa katauhan nila ng kambal niya. At hindi siya sigurado kong magkikita pa ba sila ulit. O mas tamang itanong kung may karapatan ba siyang makita ito muli.

“Huwag mong kalilimutan na ibigay ‘yan sa kanya. Pagkatapos ay sabihin mong magkikita tayo ulit. Pagdating ng panahon.” Nakangiting sabi sa kanya ng kanyang kakambal.

Huminga muna siya ng malalim at tumango nang hindi makatitig sa kaharap na kapatid. Hindi tuloy niya nakita ang kakaibang kislap ng mata at kibot ng labi ng kanyang kakambal.

“Ipangako mong sasabihin mo ‘yon sa kanya, Ren,” paalala ulit nito.

Seryosong sinalubong niya na ang tingin ng kapatid at mahinang tinapik ang braso nito.

“Pangako, Rel. Sasabihin ko.”

BUMABYAHE na sila Ren ngayon papuntang syudad. Nagda-drive ang kanyang ina habang natutulog si Rel sa tabi niya. Nakaunan ang ulo nito sa mga hita niya. Habang hindi naman siya makatulog at itinukod nalang ang ulo sa may bintana ng kotse.

“KAPAG malaki na tayo, babalikan kita. Kapag nagkita na tayo ulit, liligawan kita at… papakasalan.” Paulit-ulit itong nagre-replay sa utak ni Ren. Ito ang nasabi niya kay Sofia kanina, na malayo sa plano na dapat niyang sabihin. Malayo sa mga katagang inahabilin ni Rel.

Biglang nag-init ang kanyang mukha nang maalala ang isa pang nagawa niya. Hinalikan niya sa pisngi si Sofia. Mas lalong hindi niya ito plinano. Hindi niya rin inaasahan na magagawa niya. Pero wala naman siyang naramdamang pagsisisi. Ang totoo’y nakaramdam siya ng labis na tuwa.

Ngunit may isang problema. Nakokonsensya siya. Para kasing pinagtaksilan niya ang kapatid.

Napatingin siya sa mukha nitong mahimbing na natutulog. Biglang parang dinurog ang puso niya sa sakit. Inabot ng isang kamay niya ang buhok nito at marahang hinimas. Hindi niya talaga alam kung ano ba ang dapat niyang gawin. Lalo na’t unti-unti ng umuupos ang kandila ng buhay ng kanyang kapatid.

REMEMBER ME AGAIN (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon