PAGKALIPAS lang ng isang buwan pagkadating nila sa syudad ay inatake na ng sakit niya si Rel. Pabalik-balik na sila sa hospital para maipagamot ito. Ang pinagpasalamat lang ni Ren at ng kanyang ina ay hindi nangyari ang taning ng doktor. Nabuhay si Rel hanggang sa senior high si Ren. Kahit hati man ang atensyon niya sa pag-aaral at pag-aalaga sa kapatid, wala siyang reklamo. Gusto niyang sulitin ang mga taong binigay ng Diyos para makasama pa niya ang kanyang kapatid. Ganoon rin naman ang kanilang inang si Cristina. Kahit gaano ito kapagod dahil sa pagpupursige na mapalago ang kompanya dahil sa mga bayarin sa hospital at pangangailangan ni Rel, hindi rin ito nawalan ng pag-asa. Tulong-tulong ang mag-ina hanggang sa makatapos sa high school si Ren. Ngunit tuloyan namang humina ang katawan ng kambal niya.
“Ren…” tawag sa kanya ng kapatid niya. Nakahiga ito sa hospital bed at may mga aparatus na nakakabit sa katawan nito. Tumangkad ito tulad niya pero hindi na sila magkamukhang-magkamukha dahil pumayat na ito.
“R-Rel…” napipiyok na tawag niya pabalik dito at hinawakan ang isang kamay nito.
“Pagod na… pagod na ako. At… ayoko ng maging… abala sa inyo ni Mama,” mahinang sambit nito. Napahagulhol tuloy si Cristina na nasa kanilang tabi na kanina pa tahimik na nakamasid sa kanila.
“Pero… bago ako umalis… may gusto lang sana akong… hilingin.”
“Ano? Sabihin mo sa akin. Kahit ano pa ‘yan tutuparin ko para sa’yo,” umiiyak na sabi ni Ren.
“Gusto kong… gusto kong makita… si S-Sofia.”
Mabilis na napalingon si Ren sa kanyang ina. Humihingi ng pagsang-ayon ang kanyang tingin. Tumango naman ang kanyang ina habang nakatakip sa bibig ang mga kamay para pigilan ang pag-iyak. Agad ibinalik ni Ren ang tingin sa kapatid at hinigpitan ang paghawak sa kamay nito.
“Hahanapin ko siya. Hintayin mo kami. Babalik ako kasama siya.”
“Maghihintay ako…”
…
BUMALIK si Ren sa probinsyang tinirhan nila noon ng mag-isa. Hindi na sumama ang kanyang ina upang bantayan si Rel. Ngunit bigo siya sa kanyang ginawang paghahanap. Wala na rin doon sila Sofia. At walang nakakaalam kung saan sila lumipat ng tirahan. Wala rin siyang nakuha kahit contact information ng mga ito. Dahil magkalayo ang agwat ng mga bahay sa probinsyang iyon, hindi masyadong nagpapansinan ang mga magkakapit-bahay doon.
Lugong-lugong bumyahe si Ren pauwi. Hindi niya alam kung paano haharapin ang kanyang kapatid. Ito na nga lang ang huling hiling nito, hindi niya pa maibigay.
“M-Ma?” sagot niya sa tawag nito.
“Ren, nasaan ka na?” umiiyak na tanong ng kanyang ina sa kabilang linya. “Kasama mo na ba si Sofia? Bumalik na kayo dito ngayon din. N-Nahihirapan ng huminga si Rel.”
Nag-init ang sulok ng mga niya. Kasabay na pagtapak niya sa accelerator ng kotse at pinatakbo ito ng mabilis.
“P-Pakiusapan mo si Rel, ‘Ma. Sabihin mong hintayin niya ako,” pagmamakaawa niya.
“Bilisan mo, Anak. Pero mag-ingat ka. Ipangako mo, Ren.”
“Pangako, ‘Ma. Darating ako.”
…BUONG pasasalamat ni Ren nang gising pa si Rel pagkadating niya. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang disappointment sa mga mata nito ng makita siyang mag-isa. Mahina ang loob na lumapit siya sa kama nito at lumuhod sa tabi nito habang nakayuko.
“Patawad, Rel. H-Hindi ko nahanap at nadala dito si Sofia,” hagulhol niya.
“Ren…” mahinang sambit nito. “T-Tumayo ka.”
“P-Patawarin mo ako dahil nabigo kita. Patawarin mo ako, Kambal.” Hinawakan niya ang isang kamay nito gamit ang dalawang niyang kamay at iniligay sa may noo niya. Nanatili siyang nakayuko at hindi makatingin sa kapatid.
“Ren… Makinig ka. T-Tumingin ka sa akin.”
Nilakasan niya ang kanyang loob at unti-unting tiningnan ang kanyang kambal. Nakangiti ito at maaliwalas ang mukha.
“Ako na yata… ang pinakamaswerteng tao… dahil kayo ang pamilya ko,” saad nito na palipat-lipat ang tingi sa kanila ng kanyang Mama. Lumuhod na rin kasi ito sa tabi niya sabay hawak rin sa kamay ng mga anak nito.
“Ma, I owe you my life… Salamat sa lahat-lahat… Hindi mo ako sinukoan… Hindi mo ako pinabayaan… Huwag kang mag-alala at malungkot kapag nawala na ako… Makakasama ko naman si Papa… Hindi pa rin ako mag-iisa… Aalagaan niya rin ako sa langit..” he slightly chuckled, na mas ikinaiyak naman ng kanilang ina.
“Kambal… Alam ko lahat ng sakripisyo mo… Lahat ng pag-aalala at pag-uubaya mo… Ikaw ang pinaka-the best na kapatid sa buong mundo… Salamat… at ikaw ang naging kambal ko… Kung may susunod mang buhay… Gusto ko ikaw pa rin ang kapatid ko… At sa pagkakataong iyon… babawi ako sa’yo… Handa ko ring ibigay sa’yo lahat ng meron ako…”
Ilang butil ng luha na rin ang nahulog sa gilid ng mga mata Rel. Walang katapusang iyak at paghagulhol naman ang tanging nagagawa ni Ren at ng kanilang ina.
“Si Sofia…” tingin nito sa picture na nasa side table. Agad naman iyong napansin ni Ren at kinuha iyon. Inilagay niya ito sa kamay ng kanyang kapatid.
“Si Sofia ay isang… napakabait ring kaibigan… Masayang-masaya ako’t nakilala ko siya…” nakangiting wika nito. “Mahal ko ang babaeng ‘to…”
Napakuyom ng kamao si Ren dahil sa sikip ng dibdib niya. Gusto niyang sumigaw ng malakas pero hindi niya magawa. Dalawang tao ang mawawala sa kanya. Napakahirap. Hindi niya alam kung paano siya makakabangon pagkatapos nito.
“Pero… alam kong… mas mahal mo siya, Ren.”
Gulat na napatingin siya sa mga mata ng kanyang kapatid. Walang halong galit at panibugho sa mukha nito. Sinsero ang ngiti nitong binigay sa kanya.”
“Iibahin ko ang hiling ko…” pilit nitong itinaas ang kamay at iniabot sa kanya ang larawan. Kita doon ang nakangiting mukha ng mga batang Rel at Sofia noong birthday ng huli.
“Maging totoo ka na sa sarili mo... Hanapin mo si Sofia... Tuparin mo kung ano man ang ipinangako mo sa kanya… Gusto ko kayong makitang masaya… at magkasama… Panonoorin ko kayo mula sa itaas…”
Dahan-dahang ipinikit ni Rel ang kanyang mga mata na may ngiti sa mga labi. Pigil-hininga at hindi pa rin handang napasinghap naman sina Ren at kanyang Mama Cristina.“Kambal.”
“Rel!”
Ilang segundo ang lumipas bago tumunog ang life machine. Ito ang tanda na ang minahal na anak at kapatid ay tuloyan ng binawian ng buhay.
BINABASA MO ANG
REMEMBER ME AGAIN (Completed)
عاطفيةNaukit sa puso at utak ni Sofia ang pangako ni Ren, ang kanyang childhood sweetheart, na hahanapin nila ang isa't isa pagdating ng araw kung saan maaari na siyang ligawan nito. Labinlimang taon ang kanyang ginugol sa paghihintay dito. Umasa na sa pa...