NAGSINDI muna si Adrian ng sigarilyo bago muling nagsalita. "Ang findings ng mga doctor after nilang i-check ang Nanay ko, heart failure due to cardiomyopathy ang cause of death. Pero kami ni Mang Berto, alam naming dalawa ang tunay na rason kung bakit namatay ang Nanay ko." Humithit si Adrian ng yosi saka ibinuga ang usok kasabay ng malalim na buntong-hininga.
"Pero 'yung kay Mang Berto, ano 'yung nangyari sa kanya?" Tanong ni Benjamin.
"Hindi din ako sigurado. Ang alam ko lang, kung ano man ang ginawa ni Mang Berto sa kubo ni Apo Tudlay nung araw na 'yon, 'yun din ang tumapos sa sapi ng Nanay ko."
"Pero namatay din siya in the end, Sir. Hindi n'yo ba siya sinisisi?" Tanong naman ni Leonard.
Pinag-isipan muna ni Adrian kung paano sasagutin ang tanong. Tumingin pa ito sa gawi ni Cassandra na humihikab na habang kalong pa rin ni Professor Soriano.
"Bakit ko naman siya sisisihin? Ang ginawa lang naman ni Mang Berto ay iligtas ang Nanay ko na magamit siya ni Apo Tudlay sa mga masamang balak nito. Mas pipiliin ko nang mamatay ang Nanay ko na at peace siya kesa buhay nga siya pero hawak naman ang isip at katawan niya ni Apo Tudlay. Ayoko nang ganu'n."
"So, hindi nakuwento ni Mang Berto sa 'yo kung bakit hindi na siya nakakapagsalita?" Ayaw pa ring bitawan ni Luigi ang topic tungkol sa di pagsasalita ni Mang Berto.
"Tinanong ko siguro siya a week after ng wake ni Nanay. Ang sinabi lang niya sa 'kin through handwritten words and sign languages, na ginawa niya lahat ng paraan na alam niya para hindi na mag-spread out 'yung influence ng spirit ni Apo Tudlay sa kubo. Tingin naman niya nagawa naman niya 'yon. 'Yun nga lang it comes with abject consequence. Pero kahit ayaw sabihin sa 'kin ni Mang Berto 'yung nangyari sa kanya, eventually nalaman ko rin. Nakita ko sa panaginip ko. Ginuguhitan ni Mang Berto ng Star Of David ang sahig ng kubo gamit ang baon niyang chalk. Nung hinihila niya ang estatwa ni Apo Tudlay papunta sa gitna ng iginuhit niya, biglang hindi na bato ang hinahawakan niya kung hindi tunay na balat ng masangsang at nabubulok na katawan ni Apo Tudlay. Hinablot ni Apo Tudlay sa leeg si Mang Berto saka sinakal hanggang bumuka ang bibig nito at lumabas ang dila niya. Binuka ni Apo Tudlay ang bunganga niya. Umagos ang maiitim na likido habang lumalabas rin ang dila ni Apo Tudlay. Hindi pangkaraniwan ang haba ng dila niya. Elongated, parang sa dila ng palaka. Pumulupot 'yung dila ni Apo Tudlay sa dila ni Mang Berto. Saka bigla umusok 'yung magkapulupot na mga dila. Kaya pala, nagsimulang magbaga 'yung dila ni Apo Tudlay, hanggang malapnos niya ang dila ni Mang Berto at tuluyan 'yong malagot..."
"Excuse me..." Biglang putol ni Luigi sa pagkukuwento ni Adrian. Tumalikod ito at biglang nagduduwal. Hindi natagalan ang sobrang detalyado ng kuwento ni Adrian. Iniluwa 'ata nito lahat ng kinain nung araw na 'yon.
Saglit lang na pinanuod ni Adrian si Luigi saka itinuloy ang kinukuwento kahit hindi pa tapos sa pagduwal si Luigi. "Buti na lang kahit nalapnos at naputol ang dila niya, nagawa pa rin ni Mang Berto na mahila si Apo Tudlay sa gitna ng iginuhit na Star Of David. After nun, biglang bumalik siya pagiging estatwang anyo niya."
"Buti na-maintain n'yo pa rin ang resort kahit nawala na Mama n'yo." Sabi ni Benjamin.
"Pumunta dito sa Gabaldon 'yung Tito kong matandang binata. Si Tito Jonee. He managed this place for about fifteen years. Ang problema lang, hindi naniniwala si Tito Jonee sa mga espiritu, kababalaghan at supernatural. Although he was raised as a Catholic, he never really believed in any organized religion. Kaya binalewala niya 'yung mga signs na haunted nga itong resort namin. Tinanggihan din niya 'yung mga ino-offer na pang-proteksyon ni Mang Berto. Kaya during his last year of stay here, almost every night binabangungot siya. Nakuwento pa niya sa 'kin na may napapanaginipan siya na matandang babae na naagnas ang mukha at katawan. Galit na galit na nakatingin lang sa kanya. Nang hindi na niya natagalan, gumawa agad siya ng draft relinquishing the sole management of this property to me. Ipina-notaryo niya kaagad tapos bumalik siya kaagad sa Manila, nagtayo na lang ng sariling repair shop business at hindi na bumalik dito. Hindi ko na tuloy natapos 'yung course ko na Business Management sa NEUST. But it doesn't matter anyway. Dahil mina-manage ko na 'tong Amaya, katulong ko s'yempre si Mang Berto."
"Pero hindi ka ba nagwo-worry, Adrian?" Si Professor Soriano naman ang nagtanong. Si Cassandra na kalong pa rin niya ay nakahilig na ngayon sa dibdib niya at nakapikit na ang mga mata. Halatang lagpas na ang bedtime nito. "Nasa property n'yo pa rin 'yung accursed statue ng mangkukulam. Baka ma-jinx ang business n'yo?"
"Malakas ang mga pangkontrang naituro sa 'kin ni Mang Berto. Hindi na niya kami magagambala ng basta-basta. On the contrary nga, mas naging patok pa 'tong resort namin in each passing year. Lalo na pag summer vacation season."
"Pero 'yung mga putol na ulo na nakahilera du'n sa bakuran ng kubo? Sinong may pakana nu'n?" Naisipang tanungin ni Leonard.
"'Yung mga miyembro ng kulto sumasamba kay Apo Tudlay dati. Parte ng ritual sacrifices nila ang pugutin ang ulo ng mga nabiktima nila, usually mga taga-labas o 'di nila kasapi, saka nila idi-display ang mga 'yun sa paligid ng kubo. Kung sa 'tin mahilig tayong magtanim ng mga halaman sa sarili nating mga bahay, 'yung mga panatiko naman ni Apo Tudlay, mga pugot na ulo naman ang itinatanim sa paligid ng bahay niya."
"Ang weird lang kasi, Sir Adrian. 'Yung ibang mga severed heads na nakita namin du'n sa garden, hindi pa nabubulok masyado. Parang kalalagay lang du'n. 'Di ba?" Siniko pa ni Leonard si Benjamin para sumang-ayon ito sa kanya.
"Hindi ko napansin masyado, eh. I was too scared earlier to notice." Kunot-noong sagot ni Benjamin.
Matagal na nanahimik si Adrian bago sumagot. "Hindi ko alam kung pa'no sasagutin 'yan. Hindi ko din naman na-check kanina dahil mas concerned ako na malayo kayo agad ro'n. Baka bisitahin ko ulit 'yung kubo on my own tomorrow morning. Pero salamat at sinabi mo sa 'kin."
"O, sino naman ang susunod na magkukuwento? 'Yung ghost story naman para ibang vibes." Sabi ni Luigi na halatang nahimasmasan na mula sa pag-throw up kanina.
Nanlalaki ang matang binalingan ito ni Benjamin. "Sumuka ka na nga d'yan sa pagka-grossed out kanina, gusto mo pa ulit makinig ng nakakakatakot na kuwento?"
"Benjie, that's part of the fun! 'Yung bumaliktad ang sikmura mo dahil intense 'yung story." Namimilog pa ang mga mata ni Luigi na excited pa makakinig ng panibagong horror story.
"Kung gusto n'yo pang magkuwentuhan, tuloy n'yo lang. Pero kailangan ko nang ihiga 'tong si Cass para maging kumportable siya." Paalam ni Professor Soriano na tumatayo na at buhat-buhat ang tulog na tulog na si Cassandra na lumakad papunta sa naka-assigned sa kanilang tent.
"Ako rin. Ayoko na rin. I already have enough horrors for one day." Tumayo na rin si Benjamin. Sumunod namang tumayo si Leonard at sinundan si Benjamin sa paglalakad papunta sa sarili nilang tent.
Napatingin si Luigi kay Adrian. Sakto namang narinig nila ulit na umalulong ang aso mula sa liblib na lugar ng gubat. Pero base sa nilikha nitong ingay, mas malapit ito ngayon kumpara nung una nila itong narinig kanina.
"I guess 'yun na 'yung signal natin na tapusin na natin 'yung kuwentuhan ng nakakatakot." Sabi ni Adrian na tumayo na rin mula sa harap ng camp fire. "Mabuti na rin 'yon para maaga tayong makaalis dito. Puwede naman natin 'tong ituloy sa resort house, bago kayo umuwi sa Manila. Paki-ligpit na lang 'yung mga tirang food. Puwede natin 'yang i-almusal bukas." At naglakad na rin papunta sa tent nila ni Professor Soriano si Adrian.
Sinimulang iligpit ni Luigi ang mga hindi pa naiihaw na mga hotdogs saka nilingon ang tent nila nina Benjamin. "Benjie! Leo! Tulungan n'yo naman ako dito!"
Walang sumagot mula sa tent.
"Sige na! Pag 'di n'yo ko tinulungan dito, idi-dismantle ko 'yang tent na 'yan!" Nagbanta na si Luigi.
Unang lumitaw si Leonard na nakangising naglakad palapit kay Luigi. "Pikon!"
"Napaka-childish nito!" Nakasimangot na sabi naman ni Benjamin na sumunod na lumapit kay Luigi.
"Sabi ko na mga kaibigan ko talaga kayo. Hindi n'yo ko matitiis." Nakatawang sabi ni Luigi sa mga ito.
Natigil saglit sa pagliligpit si Benjamin at nadako ang tingin kay Adrian na nakatayo ngayon sa labas ng tent. Nakatuon ang pansin nito sa masukal na gubat sa paligid nila habang naninigarilyo. Hindi nito napansin na pinagmamasdan siya ni Benjamin.
Nilapitan ni Leonard si Benjamin. "May problema ba?"
Saglit na tiningnan ni Benjamin si Leonard saka ibinalik ang tingin kay Adrian. "Wala."
Nadako na rin ang tingin ni Leonard kay Adrian. "Are you thinking kung may mga loopholes sa story niya?"
"I don't know. Tingin ko kasi somehow connected sa kanya 'yung weirdness na nangyayari du'n sa kubo at sa statue ng mangkukulam. Pero sana mali ako."

BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...