PINAPANUOD ng grupo nina Professor Soriano si Adrian habang binubuksan nito ang pagkakakandado ng picket fence papunta sa camping site ng resort.

"Hindi mo pa ba pinapagamit sa public 'yung camping site, Adrian?" Usyosong tanong ni Professor Soriano.

"Hindi pa. Dini-develop pa kasi namin. Kaya nga I'm letting you use it para pag nagustuhan n'yo, we might end up advertising it para marami ang maenganyo."

Na-disengage din ni Adrian ang lock ng fence gate. Binuksan niya ito ng maluwang at nakangiti bumaling sa grupo ng propesor. "Tara na!" At nauna na si Adrian sa paglakad sa trail papunta sa camping site.

"Exciting 'to!" Nakangiting sabi ni Luigi na kaagad sumunod lumakad sa trail.

Parang alangan pang lumakad sa trail si Benjamin. Kung hindi pa ito siniko ni Leonard ay hindi pa ito magsisimulang lumakad. Huling lumakad sa trail si Professor Soriano na hawak naman sa kamay si Cassandra.

Lahat sila ay may mga backpack na dala-dala para sa mga gagamitin nila sa pag-stay overnight sa camping site, maliban kay Cassandra na ang Pusheen Cat na stuff toy lang ang dala.

"May dala ba kayong high-powered flashlights?" Tanong ni Adrian sa unahan ng tinatahak na trail. "Madilim masyado sa camp site pag gabi na. Kakailanganin n'yo 'yun lalo na pag namatay na 'yung sisindihan nating apoy pag madaling araw na."

"Meron naman, Kuya." Sagot ni Luigi na kasunod ni Adrian sa paglalakad sa trail.

Naisipan naman ni Leonard na akbayan si Benjamin habang naglalakad. Papalisin ito ni Benjamin pero ibabalik ulit ni Leonard ang braso sa balikat nito. Napailing na lang si Benjamin na hinayaang nakaakbay si Leonard sa kanya.

May mga iyak ng agila silang narinig. Namataan nila itong lumilipad sa bahaging natatanaw ang matatarik na ranges ng Mount Sawi hanggang tuluyan ito matakpan ng mayayabong na punong nakapaligid sa nilalakaran nilang trail.

"Serpent eagle ang tawag du'n." Sabi ni Adrian na nauuna pa rin sa trail. "Endemic 'yung klase ng agila na 'yun sa Pilipinas..." Natigil sa pagsasalita si Adrian nang lingunin ang mga sumusunod sa kanya.

Ang pumukaw sa pansin nito ay katabi ni Cassandra ang gusgusing bata sa paglalakad sa trail. Pero mukhang hindi pa ito napapansin ng anak ng propesor na pirmihang tinitingnan ang nilalakaran sa trail. Lumulutang ang batang gusgusin habang tinatabihan sa paglalakad si Cassandra at hindi inaalis ang tingin dito.

Nagsimulang maglakad papunta sa kinaroroonan ng propesor at ni Cassandra si Adrian. Halos hindi nito napansin si Luigi na nabunggo niya sa paglakad pabalik. Tuloy-tuloy na sana siyang makakalapit sa kinaroroonan ng propesor kung hindi siya hinawakan sa balikat ni Leonard. "Kuya, bakit ho?"

Duon napansin ni Cassandra na katabi pala niya ang batang gusgusin at ang lapit-lapit ng mukha nito sa kanya. Nakita niyang puting-puti ang mga mata nito. Walang pupil at iris. Pero binigyan nito ng kagimbal-gimbal na hitsura ang bata. Biglang kumapit sa binti ng jeans na suot-suot ni Professor Soriano si Cassandra. "Papa, pick me up!"

"'Di ba sabi mo big girl ka na? Bakit nagpapabuhat ka bigla?" Nakangiting tanong ng propesor pero binuhat pa rin si Cassandra.

"Napagod na ako maglakad." Pagdadahilan ni Cassandra na niyakap pa ng mahigpit ang dala nitong stuff toy.

Napatingin si Adrian kay Leonard na nakahawak pa rin sa braso niya. Marahil nagtataka ito sa inaaksyon niya. Pagbaling ulit ni Adrian sa kinatatayuan ng propesor na kalung-kalong na ngayon si Cassandra ay hindi na niya makita ang gusgusing bata. Na parang nawala ito na parang bula.

Kinalas ni Adrian ang brasong hinahawakan ni Leonard. "Bilisan na natin para hindi tayo maabutan ng gabi sa daan. Mahirap mag-ayos ng tent pag madilim na." Saka ito tumalikod at lumakad papunta sa unahan ng trail at nag-resume silang lahat sa paglalakad.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon