MAY sumisipol sa labas ng tolda. Kumurap-kurap pa si Cassandra para makasiguro na hindi lang siya nananaginip. Patuloy pa rin niyang naririnig ang sumisipol sa labas ng tolda. Tiningnan ni Cassandra ang Papa niya pero mahimbing itong natutulog sa tabi niya. Dinungaw ni Cassandra si Adrian. Tulog din ito pero kunot ang noo at malikot ang kilos ng mga mata sa ilalim ng talukap. Hitsura ng isang binabangungot. Balak sanang gisingin ito ni Cassandra pero naagaw ang pansin niya ng hindi pa rin tumitigil sa pagsipol mula sa labas. Maingat na gumapang palabas ng tent si Cassandra. Ayaw niyang maistorbo ang pagtulog ng Papa niya o ni Adrian. Pero bago lumabas ng tent, naisip ni Cassandra na hablutin ang Pusheen Cat niyang plushie.
Inayos pa ni Cassandra ang lukot ng Little Twin Star pajama outfit niya bago tiningnan kung sino ang sumisipol. Hindi na siya nabigla nang makita niya ang gusgusing bata na kaagad naman tumigil sa pagsipol nang tumingin na si Cassandra dito.
"Bakit ka nagtatawag?" Curious na tanong dito ni Cassandra.
Iminuwestra ng ulo at ng dalawang mga kamay ng bata na may pupuntahan sila.
"Saan?" Tanong ni Cassandra nang makuha niya ang gustong sabihin ng batang multo.
Tinuro ng bata ang direksyon ng trail. Pero alam ni Cassandra na sa malayong dulo pa ng trail ang tinutukoy nito.
Napalingon si Cassandra sa pinanggalingang tolda. Naiwan niyang bukas iyon at kita mula sa loob si Professor Soriano at ang katabi nitong si Adrian na tulog na tulog pa rin.
"Baka hanapin ako ni Papa. Magagalit 'yun." Sabi ni Cassandra nang ibalik ang tingin sa gusgusing bata.
Apuradong umiling ang batang multo at itinuro ulit ang direksyon ng trail. Nakuha ni Cassandra na kailangan nilang umalis agad.
"O, sige. Sasama ako sa 'yo. Pero sandali lang tayo, ha?"
Tumango naman kaagad ang batang gusgusin. Hinawakan kaagad nito sa kamay si Cassandra at hinila ito patakbo sa trail. Muntik pang madapa si Cassandra dahil halos 'di siya makasabay sa bilis ng pagtakbo ng batang multo.
Pagkatapos ng ilang sandali, tinatakbo na nila ang trail malapit sa 'Keep Out' na signboard. Natigil lang ang pagtakbo at ang paghila ng batang multo kay Cassandra nang makita nila ang lumulutang na Santelmo sa harap ng dinadaanan nilang trail.
"Nakakatakot naman 'yan." Hindi napigilang sambit ni Cassandra habang nakatingin sa lumulutang na bolang apoy.
Bumaling agad ang batang multo kay Cassandra, nakalapat patayo ang hintuturo sa bibig. "Ssssshhhh!"
Natakip ni Cassandra ng kamay niya ang bibig sa pagkabigla. Baka mabigla siyang magsalita ng malakas ng 'di sinasadya.
Nagsimula ulit maglakad ang batang multo. 'Di nito inaalis ang tingin sa nakalutang na Santelmo. Sumunod naman sa paglalakad sa gusgusing bata si Cassandra. Pero may kakaibang nangyari. Habang naglalakad ang dalawa sa kaliwang bahagi ng trail at parang may sariling isip ang Santelmo na lulutang sa kanang bahagi ng trail sa tapat ng mga bata. Pag lumakad naman papunta sa kaliwang panig ng trail ang dalawa, lulutang din pakaliwa ang bolang apoy.
Dagdag pa dito, may kung anong hayop ang umuungol at tumatahol sa gilid ng masukal ng gubat na dinadaanan nila. Hindi iilang beses na napapasulyap duon si Cassandra. May isang pares ng mga mata na sumisilip sa pagitan ng mga malalagong sanga at puno siyang nakita. Sa liwanag na repleksyon sa mga mata nito halata na agad na mabangis itong hayop. Naaninag din ni Cassandra sa pagitan ng mga sanga at dahon ang nguso ng hayop. Sumisingot-singot ang ilong nito. Ang nakabuka nitong bibig ay puno ng matatalim na mga ngipin. Nangingitab din sa laway ang bibig nito.
Ginapangan na ng takot si Cassandra. Nayakap tuloy nito ang dala-dalang Pusheen Cat na plushie. "Bilisan na natin, please?"
Ilang beses na nakipag-patintero ang Santelmo sa kanila pero nang marating na nila ang 'Keep Out' na signboard, tumigil na sa pagsunod ang bolang apoy at lumutang ulit pabalik kung saan nila una itong nakita kanina.

BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
TerrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...