HINDI pa rin mapakali ang pusa sa labas ng apartment unit ni Reuben. Tumatakbo ito paroon at parito. Tayung-tayo ang mga balahibo at panay ang kislot ng buntot. Umuungol ito ng malakas habang naghahanap ng pupuwedeng nitong pasukan.
Si Reuben naman ay patalikod na ngayong nakaupo sa harap ng salamin, hubad-baro at okupado sa paglinis sa mga galos at sugat sa likod niya. Pero dahil panay ang ungol ng pusa mula sa labas ay hindi natiis ni Reuben na hindi ito silipin. Baka may kung ano na itong sinisira sa pagilid ng bakuran niya. Dinampot muna niya ang bottled water sa kalapit na mesita at nilagok ang laman niyon habang lumalapit sa bintana. Natanaw niya ang pusa na aligaga pa rin sa harap ng apartment niya na parang may kung anong tinitingnan sa itaas na bahagi ng istruktura ng bahay. Habang inuubos ni Reuben ang laman ng kanyang inumin ay biglang lumundag ang pusa at nagsimulang akyatin ang unit niya mula sa labas. Napaurong si Reuben mula sa bintana habang nakikinig sa ingay na ginagawa ng pusa habang umaakyat sa bahay niya. Nabitawan niya ang plastic bottle na hawak nang marinig niya ang kalabog mula sa itaas na palapag at ingay ng kung anong kasangkapang nabasag.
"'Yung mga koleksyon ko." Nasabi na lang ni Reuben. Halata ang pagkabalisa sa mukha na tinakbo ang hagdanan papunta sa ikalawang palapag ng unit para usisain ang nangyari.
Kahit may duda na siya sa naging sanhi ng ingay ay nagulat pa rin si Reuben sa nakita. Bumagsak mula sa kisame ang dispalinghado nang air vents. Matagal na niyang gustong papalitan iyon pero hindi pa niya naasikaso. Pero ngayon nakita na itong oportunidad ng pusa para makapasok sa unit niya. Ang pusa naman ay lumagpak sa ibabaw ng chest drawer at nasagi nito pabagsak sa wood flooring ang lahat ng naka-display. Kabilang na ang isang Ducati toy model, ang horse figurine na in-order pa niya sa eBay at ang antigong plorera na pinamana pa kay Reuben ng lola niya.
Sa sobrang pagkabigla, hindi agad rumehistro kay Reuben ang pusa na maingay na sumisitsit nang makita siya. Huli na nang mapansin niya ito dahil nalundag na siya ng pusa sa mukha. Kaagad na kinagat siya ng pusa sa ilong, sa noo at sa anit. Mariing bumabaon naman ang mga kuko ng pusa sa magkabila niyang pisngi. Sa gulat at pagkataranta, napahakbang pabalik sa hagdanan si Reuben. Napansin na lang niyang dumadausdos at gumugulong na siya sa hagdan habang pirmihang nakakapit pa rin ang pusa sa kanya at panay pa rin ang kagat sa mukha niya. Nang lumagpak na siya sa huling palapag ng hagdan, binayo ni Reuben ang pusa. Sinuntok ito sa mukha. Nang hindi pa rin kumalas ay sinutok niya ang pusa sa tiyan. Duon tumalsik ang pusa at lumagpak sa flooring pero kaagad ding lumundag kay Reuben at pinuntirya naman ang leeg niya. Pero manipis na kagat lang ang nagawa ng pusa dahil nasuntok ito kaagad ni Reuben. Nang lumagpak ang pusa sa sahig at aamba ulit ng lundag kay Reuben ay kaagad nitong sinipa ang pusa ng malakas palayo. Tumalsik ang pusa at tumama sa flat screen TV niya. Buti na lang humilig lang ang TV sa pader at hindi tuluyang bumagsak.
Tumalikod na si Reuben at tatakbo sana palabas ng apartment unit nang dinaluhong muli siya ng pusa at inatake siya ng likurang binti. Buti na lang at hindi pa hinubad ni Reuben ang suot na pantalong maong kung hindi ay mabibiyayaan siya agad ng malaking sugat ng pusa. Pero kahit makapal ang suot niyang pantalon, dahil sa agresibong pag-atake ng pusa, unti-unti nitong nawawarat ang tela ng maong. Pinasag-pasag ni Reuben ang binting kinakapitan ng pusa pero parang natuyong alkitran itong ayaw matanggal.
Napaatras si Reuben patungo sa kusina. Nang bumangga ang likod niya sa lababo, kaagad niyang inihampas ang binting kinakapitan ng pusa sa tiled area ng lababo. Pero matindi pa rin ang pagkapit ng pusa. Parang lalo pa itong naging agresibo sa pagkagat sa pantalon niya. Nakita na lang ni Reuben na nagsisimula nang mamula sa dugo ang parte ng binti niyang kinakagatan ng pusa. Kaagad naghagilap si Reuben sa kitchen cabinet. Saktong nahagilap niya agad ang malaking kutsilyong ginagamit niya palagi sa pagluto. Agad niyang inundayan ng laslas ang pusang nangungunyapit pa rin sa binti niya. Sa una ay nakakaiwas pa ang pusa. Pero nadale rin ni Reuben ng hiwa ang likod at ang bahagi sa ibabaw ng kaliwang mata ang pusa. Nang maramdamang nasugatan siya, kaagad kumalas ang pusa sa binti niya at tumakbo papunta sa may salas.
Humihingal si Reuben habang sinusundan ng tingin kung saan parte sa salas nagtungo ang pusa. Duon lang din niya napansin ang malalang agos ng dugo sa mukha niya kung saan siya kinagat at kinalmot ng pusa. Pakiwari pa niya ay parang nagdidilim ang paningin niya sa sobrang pagod na bigla niyang naramdaman. Hindi pa nga pala siya nakakapaghapunan pa. Pero kailangan niya munang tapusin itong tila masamang panaginip na bigla na lang sumulpot at nanggugulo sa dapat sana ay matiwasay niyang gabi.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorreurKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...