KAHIT matanda na si Mang Berto, matikas pa rin ang pangangatawan nito. Kaya wala itong kahirap-hirap nang hilahin niya ang walang malay na si Benjamin sa kuwelyo ng T-shirt na suot nito.

Nang makita ni Leonard na hinihila na ni Mang Berto si Leonard papunta sa kubo at kung paanong kumakaskas sa lupa ang mga sneakers nitong suot, nawala ang pagkaparalisa niya. "Gago ka! Sa'n mo siya dadalhin!"

Hindi siya pinansin ni Mang Berto. Tuloy-tuloy lang ito sa pagkaladkad kay Benjamin habang hawak ito sa kuwelyo ng suot na T-shirt.

Naglikot ang mga mata ni Leonard. Naghahanap ng paraan kung paano mapipigilan ang masamang balak gawin ni Mang Berto kay Benjamin. Nadako ang tingin niya sa malaking tipak na bato na nabitawan ni Benjamin nang hampasin siya ng baril sa mukha ni Mang Berto.

Dinampot iyon ni Leonard at ubod ng lakas na ibinato. Tumama ito sa batok ni Mang Berto. Parehong napasubsob sa lupa sina Mang Berto at Benjamin. Nilapitan agad ni Leonard si Benjamin. Itinayo ito. Nilakad ito palayo habang sinasampal-sampal ang dalawang pisngi. "Gising! Gising na! Kailangan makaalis na tayo dito!"

Pero natigil si Leonard sa paglalakad nang makita ang isa sa mga ulong nakatusok sa sulo. May nanlilisik na mata uling nakasilip sa bunganga nito. Nakaramdam ng pagkahilo si Leonard. Hindi niya magawang ihakbang ang mga paa niya.

Nagulat na lang siya ng makarinig ng putok at naramdaman na lang niyang bumabagsak siya sa lupa tangay ang walang malay pa rin si Benjamin. Binaril pala siya sa likod ng hita ni Mang Berto. Napahiyaw siya sa sakit.

Lumapit sa kanila si Mang Berto at muling hinawakan sa kuwelyo ng damit si Benjamin at hinila ulit palayo. Naiiyak na napatingin na lang si Leonard. Takot sa maaaring mangyari kay Benjamin.

Nilingon siya ni Mang Berto saka kumindat. Parang sinasabi nito na huwag mag-alala si Leonard. Dahil siya naman ang susunod matapos ang gagawin nito sa kaibigan niya.

"Mang Berto! 'Wag n'yo s'yang saktan! Please!" Pakiusap ni Leonard na gumagapang na ngayon pasunod sa kanila.

Hindi na siya nilingon ni Mang Berto. Tuloy-tuloy na nitong dinala si Benjamin sa loob ng kubo.

Inilapag ni Mang Berto si Benjamin sa sahig sa harap ng rebulto ni Apo Tudlay. Hinubad ni Mang Berto ang suot na abuhing kamisa chino. Lumapit sa katabing mesita. Nagsimulang magpahid sa mukha ng alkitran na nakalagay sa maliit na lalagyan. Ikinawit sa leeg ang kuwintas na yari sa kalansay ng hayop. Isinukbit sa ulo ang isang headdress na yari din sa mga buto ng hayop at balahibo ng manok. Umuusal ng panalangin si Mang Berto habang ginagawa ang ritwal.

Unti-unting nagkaroon ng malay si Benjamin. Naririnig mula sa labas ng kubo ang patuloy na pakiusap ni Leonard. Pinilit niyang bumangon pero ayaw makisama ng mga kalamnan niya na parang nabibigatan sa sarili niyang katawan.

Dinilat ni Benjamin ang mga mata. Napansin niyang nasa harap siya ng estatwa ni Apo Tudlay. Inangat niya ang tingin sa mukha ng rebulto. Nakita niyang nakabukas ang mga mata nito at nakatingin sa kanya. Buhay na buhay. Akala mo ay may nakatagong totoong tao sa loob ng rebulto at sumisilip sa butas ng mga mata nito. Naglipat ng tingin ang rebulto sa may gawing gilid ni Benjamin. Kasabay nuon ang pagkilos ng anino na tumapat sa hindi makabangong katawan ni Benjamin sa sahig. Kahit hirap at dala na rin ng matinding kuryosidad, pinilit tingnan ni Benjamin ang nagmamay-ari ng anino. Nakita niya si Mang Berto. Hubad baro. Puno ng mga guhit ng alkitran ang mukha. Nakakatakot ang panlilisik ng mata. Nakadagdag pa sa nakakatakot nitong hitsura ang headdress na suot nito. Pero ang sadyang nagpayanig kay Benjamin ang hawak na palakol ni Mang Berto na nakaumang na sa kanya. Ang talas nito ay nangingintab sa sinag ng kandila mula sa gasera. Nagsimulang manginig ang buong katawan ni Benjamin. Ngumiwi ang bibig habang pilit na nagsasalita pero dala na rin ng takot ay ungol at sigaw lang ang lumalabas sa bibig . Basa na rin ng luha ang mga matang nakatingin sa 'di niya inaasahang magiging berdugo niya.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon