Kahit ayaw nang alalahanin ni Adrian 'yung gabing nasunog ang kubo ni Apo Tudlay at ang mga pangyayari sa palibot ng insidenteng ito, pilit pa rin itong sumisingit sa isip niya kahit ilang araw na ang nakararaan at kahit sa gitna ng mga kaabalahan niya.

Nakaparada ngayon ang pick-up truck ni Adrian sa parking lot ng Amaya Bed & Breakfast Resort. Sa likod ng truck, nakasalansan na ang mga ilang importanteng gamit at personal effects niya. Nakasandal si Adrian sa pintuan ng driver's side ng sasakyan, tahimik na naninigarilyo at nakatanaw sa kabuuan ng resort. Tahimik sa buong resort. Walang katao-katao. O mas tamang sabihin wala na siyang tinatanggap na sinumang guest ngayon sa resort. Ang batang tauhan niyang si Lino na binilinan niyang magbabantay sa resort ay hindi niya matanaw mula sa kinapupuwestuhan niya sa parking lot. Malamang abala ito sa pag-iimis sa loob ng resort house.

Muling binalikan ng isip niya ang mga kaganapan nung gabing iyong pilit niyang kinakalimutan. Si Luigi lang ang nakapagdala ng mobile phone sa kanila nang pinutahan nila ang kubo ni Apo Tudlay. Kahit hirap makakuha ng signal, nagawa nitong makatawag ng tulong. Bumbero. Mga pulis para arestuhin si Mang Berto. Ambulansya para kay Benjamin.

Kahit walang fire hydrant, nagawa namang maapula ng mga rumespondeng bumbero ang nag-aapoy na kubo ni Apo Tudlay gamit ang nakaimbak na tubig sa dala nilang fire truck. Naiwasan nilang lumaganap ang apoy sa katabing gubat.

Reefer van ang ipinadala ng Gabaldon Medicare Community Hospital kaya walang pinayagan sa grupo nina Professor Soriano ang makisakay.

Pinakiusapan ang ilang mobile patrol cars na ihatid sila hanggang sa ospital na pagdadalhan sa labi ni Benjamin. Pero si Adrian ay nakisuyo sa mismong resort na muna siya ibaba at marami daw siyang aasikasuhin.

Pumayag ang pulisya pero sinabihan sila na kailangan muna nilang dumaan sa police station at magbigay ng mga statements sa mga nangyari. Saka sila ihahatid sa kanilang destinasyon.

Habang nakikipag-usap sila sa sarhento, narinig nila ang ilang pulis na napasigaw habang itinatayo ang nagkakamalay nang si Mang Berto.

Nahagip ng tingin ni Adrian na may iniluwa si Mang Berto na korteng bilog na umuusok at nalulusaw na siyang ikinabigla ng mga pulis. Kahit sa malayong kinatatayuan niya, alam ni Adrian na ang magalamay na mata ni Apo Tudlay ang lumabas sa bibig ng dating tauhan at itinuturing na ring ama-amahan niya. Lungkot na napatingin na lang si Adrian kay Mang Berto nang isinasakay na ito sa likod ng isang patrol car, nakaposas ang dalawang kamay. Parang wala ito sa sarili. Malayo ang tingin at mukhang hindi nito nauunawaan kung bakit siya hinuhuli.

Binabagtas na nila ang trail paalis sa bakuran ni Apo Tudlay at malapit na sila sa signboard na may naka-marka na 'Keep Out', nang biglang may lumitaw na Santelmo at humahagibis nitong binangga ang signboard. Naputol ang signboard sa lakas ng pagsalpok ng bolang apoy at patihayang bumagsak ang naputol na bahagi sa gilid ng trail. Nangingislap at nag-aapoy pa ang naputol na bahagi nito. Hindi napigilang mapasigaw nina Cassandra at Professor Soriano sa nakita. Ang katabi nilang sina Leonard at Luigi ay halos mapalundag sa gulat. Si Adrian na nakasakay sa passenger seat katabi ng sarhento na siyang nagmamaneho ng mobile car ay pinagmamasdan maigi ang naging reaksyon nito . Kasunod niyon nakarinig sila ng nakakalunos na alulong ng aso mula sa malayong parte ng gubat.  Sigurado si Adrian na ito rin ang aso na nanghabol sa kanila kanina, nagtatago sa dilim ng gabi at kapal ng mga puno sa paligid. Napahawak sa rosaryong nakasabit sa rearviw mirror ang sarhento at nag-sign of the Cross.

"Ano ba 'tong lugar n'yo? Namamahay na 'ata dito lahat ng engkanto!" Halata ang takot sa mukha ng sarhento.

Walang maisip na maisagot si Adrian kaya tumahimik na lang siya.

Makalipas ang ilang araw, binalikan ni Adrian ang mga pagkakataon nuong kasama pa niya si Mang Berto. Kung nagpakita ba ito ng mga signs na nasa impluwensiya ito ni Apo Tudlay. Maaaring nag-umpisa ito nung pinuntahan ni Mang Berto ang kubo ng mangkukulam para putulin ang pagsapi nito sa Nanay ni Adrian. Wala kasi itong proteksyon dahil hindi nito dinala ang anting-anting nitong kuwintas. Pero walang pinakitang kakaiba sa kanya si Mang Berto. Maski na nung kasagsagan ng pagtuturo sa kanya ng alam nito sa mga ritwal at dunong pangmahika. Nito na lang sigurong mga nakalipas na ilang huling taon, nung halos itigil na ni Mang Berto ang pagpa-practice ng shaman rituals nito, saka ito naging mailap sa kanya at palagi nang nagkukulong sa kuwarto nito sa resort house at nais mapag-isa. Maaaring duon na tuluyang nakontrol ni Apo Tudlay ang katawan at isip ni Mang Berto.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon