PATULOY ang pagharurot ni Reuben ng motor. Mahigpit na nakakapit pa rin sa likuran niya ang pusa. Naramdaman niyang lumipat naman ito sa isang balikat niya at ito naman ang sinimulang kagatin. Pinagpapalo at pinagbabatok ni Reuben ang pusa pero lalo lang sumidhi ang galit nito at lalo binaon ng mariin ang mga pangil nito sa likod niya.
Napasigaw ng malakas si Reuben nang maramdaman ang talim ng mga ngipin ng pusang pumupunit sa suot niyang suit at sa balat niya sa likod. Alam niyang 'di birong sugat ang nililikha ng pusa sa kanya. At gusto niyang makaganti.
Hanggang makarating na si Reuben sa inuupahang apartment. Dahil sa kaskas ng kanyang patakbo at sa biglang pagpreno niya ay tumagilid ang kanyang sinasakyang motorsiklo nang sakto tumapat na siya sa kanyang unit. Saglit na bumitaw ang pusa nang lumanding sila ni Reuben sa lupa nang tumagilid ang motor. Hindi na nagawang itayo ni Reuben ang sasakyan. Nagmamadali niyang tinungo ang gate ng tinutuluyang unit at balisang kinuha niya ang susi para buksan ang lock ng pinto. Pero hindi pa man niya tuluyang nasusuksok ang susi sa lock ay lumundag ulit sa likod niya ang pusa at ngayon ay kinakalmot na siya sa mukha.
Nang saktong ma-disengage na niya ang lock at binubuksan ang pintuan ng apartment niya saka naman siya kinagat ng pusa sa bandang kapingulan ng tainga niya. Napahiyaw si Reuben sa sakit. Nagtagumpay ang pusa na tanggalin ang earlobe ni Reuben at malakas na sumirit ang dugo. Duon na tuluyang nagsiklab si Reuben. Malakas niyang pinagsusuntok ang pusa sa likuran niya. Sa lakas ng mga suntok na pinakawalan niya, humulagpos ang pusa at lumagpak sa sahig. Aamba pa sana ulit ng sampa ang pusa at mukha naman ni Reuben ang pupuntiryahin nito, pero bago pa ito mangyari ay ubod ng lakas siyang sinipa ni Reuben. Tumilapon ang pusa at malakas na sumalya ang katawan sa mga nakapasong orkidyas sa maliit na lawn ng apartment unit ni Reuben. Nabuway ang pasong tinamaan ng pusa at nabasag. Sumabog ang laman nitong lupa at nasira ang orkidyas na nadaganan ng pusa at nalakumos ng bigla itong tumayo. Sayang, naisip pa ni Reuben kahit marami na siyang iniindang sugat sa katawan. Hirap pa namang alagaan ng bulaklak na 'yang bigay ni Sally.
Nakita niyang umaamba ulit ang pusa sa kanya habang sumisitisit. Kaagad hinagilap ni Reuben ang seradura ng pinto at malakas na isinalya iyon pasara. Kaya nang tumalon ang pusa papunta kay Reuben ay sa nakapinid na pinto na ito tumama. Sumitisit sa galit ang pusa at tumakbo pakanan palibot sa bahay para makahanap ito ng maaaring pasukan.
Ang matandang lalaking kapitbahay sa katabing unit ni Reuben na si Pablo ay natigilan sa pagpapakain sa alagang pusa nito nang mapansin ang ingay sa kabilang unit.
"Mukhang may kaaway si Reuben, ah. Mabuti nga nang matauhan. Ingay-ingay kasi palaging magpatakbo ng motor." Saka itinuloy ni Pablo ang paglagay ng cat food sa plato ng alagang Persian cat. "Ayan na, Luna. Kain na."
Pero para wala sa pagkaing nakahanda ang pansin ng alaga ni Pablo na si Luna kung hindi sa kaguluhang nangyayari sa kabilang unit.
--------------------
IKINANDADONG maigi ni Reuben ang pinto ng apartment. Naririnig pa niya mula sa labas ang sumisingasing na sitsit ng pusa. Nang mapinid na niya ang pinto ay parang duon lang tuluyan naramdaman ni Reuben ang pananakit ng mga sugat na nilikha ng pusa sa kanya. Lumapit agad siya sa isang life-size mirror at pinagmasdan ang nasirang tainga niya nang kagatin ito ng pusa. Halos naiiyak na si Reuben ngayon sa sakit na dulot ng mga sugat sa kanya. Kaagad niyang kinuha ang first-aid kit na nakatago sa maliit na drawer sa tabi ng mirror at maingat na inaplayan ito ng Betadine gamit ang bulak sa sugat sa tainga niya.
Dahil hindi niya magawang idaan sa ulo niya ang pagtanggal sa motorcycle suit na suot niya dahil masasagi nito ang nasugatang niyang tainga kaya ginunting na lang niya ang harapang bahagi ng suit para mahubad niya ito nang hindi na dadaan sa ulunan niya. May suot pa namang siyang puting T-shirt sa ilalim ng suit.
Gaya ng inaasahan niya, napuno na ng dugo ang likuran ng T-shirt dahil sa sugat na nilikha ng pusa sa magkabilang balikat niya. Napailing na lang si Reuben habang tinitingnan ang damage na ginawa ng pusa sa kanya sa salamin. Pinapahiran na niya ng Betadine ang isa sa mga sugat niya sa likod ng marinig ulit niyang sumisitsit ang pusa. Nakita niyang nakapuwesto ang pusa sa labas ng bintana na malapit sa kanya, nanlilisik ang mga mata at papasag-pasag ang buntot habang nakatitig sa kanya. Kahit nasa labas ang pusa, ramdam na ramdam ni Reuben ang matinding galit nito na bakas na bakas sa patuloy na pagsitsit nito habang tayung-tayo ang lahat ng abuhing balahibo nito sa katawan.
"Gago ka. Mapapatay talaga kita." Usal na sumpa ni Reuben habang nakikipagtitigan sa pusa.
Sumitsit ng malakas ang pusa saka umalis sa tapat ng bintana. Muling nagtatakbo ang pusa sa paligid ng apartment unit ni Reuben at pilit na naghahanap ng malalagusan papasok.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...