NAPAGKASUNDUAN nila na ang meeting place ay sa Araneta Center, Cubao. Dapat sana ala-sais pa lang ng umaga ay nanduon na sila lahat para makapag-biyahe sila ng hindi gaanong mata-trapik pero mag-a-ala-sais y media na ng dumating si Leonard ay wala pa ang mga kasama niya. Luminga-linga pa si Leonard sa paligid para makasiguro pero nang wala siyang mahagip ni anino ng mga kasama niya, nagpasya muna siyang pumasok sa KFC para umorder ng makakain. 'Di na kasi niya nagawang makapag-agahan bago umalis sa bahay nila.
Sa floor to ceiling glass wall window napiling pumuwesto si Leonard pagkakuha ng order para masilip niya 'yung mga dumadaan. Nang isusubo na niya ang inorder niyang breakfast Twister ay biglang lumitaw si Benjamin sa harap ng glass wall window na pinupuwestuhan niya. Kinakatok ni Benjamin ang salamin at pakunwaring nanglilimos ng makakain.
"Pumasok ka na nga dito para may kausap ako!" Anyaya dito ni Leonard.
Kaagad namang umalis sa salamin si Benjamin at pumasok sa fast food store at pumuwesto ng upo sa harap ni Leonard.
"'Di ba usapan ala-sais? Ba't ngayon ka lang?" Tanong agad ni Leonard pagkaupo ni Benjamin.
"Late na kasi ako nakatulog. Ka-chat ko kasi si..." Biglang natigil si Benjamin na ituloy ang sasabihin.
Nakatitig naman si Leonard sa mukha ng kaharap at inaantay na ituloy ang sasabihin nito.
"Saka in essence, hindi pa ako late. Dahil wala pa 'yung maghahatid sa 'tin du'n sa pupuntahan natin." Pag-iiba ni Benjamin sa sinasabi niya nung una.
Saglit na tinitigan pa ni Leonard sa mukha si Benjamin saka kibit-balikat na itinuloy ang pagkagat sa inorder niyang pagkain. "Sige. Sabi mo eh."
Sinimangutan ni Benjamin ang kaharap. "Pang-asar 'to."
Nginitian ni Leonard si Benjamin. "Nag-breakfast ka na?"
"Hindi pa nga eh." Tugon ni Benjamin sabay iling.
"Umorder ka na du'n." Iminuwestra pa ni Leonard ang ulo sa direksyon ng counter. "Mukhang matatagalan pa naman sila."
"Ayoko." Sagot ni Benjamin sabay iling ulit. "Tinatamad akong umorder."
"Sa 'yo na lang 'to." Sabi ni Leonard sabay offer ng Twister wrap kay Benjamin. "Dalawa naman 'to."
"'Wag na." Tanggi naman ni Benjamin. "Baka kulang pa sa 'yo 'yan."
"Hindi naman ako ganu'ng katakaw. Sige na. Kunin mo na 'to." At inilapit pa ni Leonard ang hawak na tortilla wrap sa mukha ni Benjamin.
"Ayoko nga." Pinandilatan na ni Benjamin si Leonard.
"Sige ka. Pag nalipasan ka ng gutom baka magka-ulcer ka pa niyan." Panggi-guilty pa ni Leonard. Saglit muna siyang nag-isip bago nagsalita muli. "Ganito na lang. Kumagat ka na lang ng isa dito sa wrap." Saka inilapit ulit ni Leonard ang hawak na pagkain kay Benjamin.
"Ano?" Kunot-noong tanong ni Benjamin na napatingin pa sa hawak na pagkain ni Leonard.
"Kumagat ka nga lang ng isa. Para maging kampante ako na 'di ka malilipasan ng gutom." At inilapit pang lalo ni Leonard ang hawak na Twister kay Benjamin.
"Ang weird mo." Sabi ni Benjamin pero hindi na maalis ang tingin sa hawak na pagkain ni Leonard.
"Ang arte kasi. Kakagat lang ng isa. Sige na." At ngumiti pa ng husto si Leonard kay Benjamin.
Bumigay na rin si Benjamin. Gumanti na rin ng ngiti. "Sige na nga." At kumagat ito ng malaki sa hawak na Twister wrap ni Leonard.
"O, di ba? Masarap?" Natatawa na ngayon si Leonard habang pinapanuod ang pagnguya ni Benjamin.
Tatango sana si Benjamin nang mapatingin ito sa glass window na katabi ng inuupuan nila at natigilan. Napansin ito ni Leonard at napatingin na rin sa glass window. Kaya pala, nakadungaw duon sina Luigi at Professor Soriano at nakangiting pinapanuod sila. Isinalikop pa ni Luigi ang dalawang kamay sa bibig at itinapat sa salamin para marinig nina Leonard at Benjamin ang pagsigaw niya.
"Tama na 'yang subuan n'yo ng pagkain, mga love birds! Andito na kami ni Prof!" Saka tatawa-tawa pa itong pinanuod ang reaksyon ng dalawa.
Kaagad namang hinagilap ni Benjamin ang dalang gamit nito. Halatang hindi ito kumportable. "'Lika na, Leonard! Nakakahiya paghintayin natin si Prof."
Hindi na hinintay ni Benjamin na sumagot si Leonard. Tuloy-tuloy na itong lumabas sa fast food store. Kaagad namang tumawag ng crew si Leonard para i-take out ang hindi niya naubos na pagkain.
~~~~~~~
"MAY ISA pa pala tayong kasama." Pag-inform ni Luigi nang lumabas na rin si Leonard sa fast food store bitbit ang take-out bag nito at lumapit na sa kanila.
"Sino?" Kunot-noong tanong ni Benjamin.
"Sorry. Hindi ko kayo agad nasabihan." Si Professor Soriano naman ang nagsalita habang naglalakad papalapit sa nakaparada nitong Fortuner. Sumunod naman ng lakad sa kanya ang tatlo niyang estudyante. "Biglaan din kasi. Pero kasama natin sa trip natin 'yung daughter ko. Si Cassandra." Saka ito pumuwesto sa tabi ng window ng passenger seat para masilip ng mga ito ang anak niya.
Sumilip naman ang tatlo kay Cassandra. Nagsabi pa nga ng "Hi!" si Leonard at kumaway pero ibinaba rin niya agad ang kamay. Paano ba naman ay hindi sa kanila nakatuon ang tingin ng bata. Nakatutok ang tingin nito sa front bumper ng katabing sasakyan sa parking area. May sumisilip-silip kasi duong batang lalaki na nakikipagtinginan din kay Cassandra. Gusgusin at nangungutim ang suot na maluwang na puting T-shirt ng bata. Marumi rin ang suot nitong khaki shorts at rubber shoes na isang paa lang ang may medyas. Nasa akto pa na kinakalikot ng bata ang ilong habang tumitingin kay Cassandra.
Napansin na rin ni Professor Soriano na hindi nag-react ang anak niya nang lumapit sila at sa iba ito nakatuon ng pansin. Binuksan nito ang pintuan ng front passenger seat at nag-squat sa tabi ni Cassandra.
"Cassandra, kasama ko na 'yung mga kaibigan ko dito. Say hi to them." Nakangiting sabi ng propesor sa anak.
Saglit lang siyang tiningnan ni Cassandra at ibinalik agad ang tingin sa front bumper ng katabing sasakyan. Pero wala na duon ang gusgusing bata.
Duon lang ulit ibinaling ng bata ang tingin sa propesor at duon lang din napansin ang mga kasamang estudyante ng tatay niya. Cute ang bata na naka-tirintas ang mahaba at kulot na buhok ng makulay na pink na laso. Nakasuot ng jumper na may printed Pusheen Cat sa harap. May yakap-yakap din itong malaking stuffed toy ng nasabing fictional cat. Halatang paborito ito ni Cassandra.
Magkasalubong ang kilay na tiningnan ulit ni Cassandra ang tatlong estudyante na nasa likod ni Professor Soriano bago bumaling ulit sa tatay niya. "Ang tagal n'yo naman, Papa. Hindi pa ba tayo aalis?"
"Aalis na tayo, Sweetheart. Kasi kumpleto na tayo." Kinusumot pa ni Professor Soriano ang ulo ng anak bago sinara ang pinto ng kotse. Kaagad namang inayos ni Cassandra ang nagulong buhok niya.
"Kasya naman kayo sa likod, 'di ba?" Tanong ni Professor Soriano sa tatlo niyang estudyante habang naglalakad papunta sa driver's seat.
"Kasyang-kasya kami dito, Prof. Don't worry." Sagot naman ni Leonard na pinauna pang makasakay si Benjamin.
"Prof," pasimpleng lumapit si Luigi sa propesor, "parang may sumpong ata 'yung daughter mo." Panunumbong nito.
"Ganyan lang 'yan. Pero pag kinakain na niya ang favorite chips niyan, magiging good mood na siya." Pag-explain naman ng propesor. "That reminds me. Iabot mo sa 'kin 'yung Tostitos saka 'yung can ng Coke from the back seat para ibigay ko kay Cassandra bago tayo bumiyahe."
"No problem, Prof." Nakangiting sabi ni Luigi at tumabi na kina Leonard at Benjamin sa likod ng sasakyan.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HororKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...