LUMILIIT na ang apoy ng ginawa nilang campfire. Tahimik at sarado na ang entrance flap ng tolda nina Professor Soriano, Cassandra at Adrian. Pero sa tent nina Benjamin, nakabukas pa rin ang tent zipper at nakadungaw duon ang ulo ni Leonard. Pinapanuod kasi nito ang isang kuwago na nakadapo sa sanga ng malapit na puno.

"Leonard, isara mo na 'yang tent! Nilalamig na ako!" Tawag ni Benjamin mula sa loob ng tent.

"Sorry." Sagot naman ni Leonard na agad namang sumunod.

"Ano ba kasi 'yang tinitingnan mo sa labas?" Tinig iritable na tanong ni Benjamin na nakahiga na pero nakatingin sa hawak nitong phone.

"May nakita kasi akong owl sa labas." Paliwanag naman ni Leonard na humihiga na rin. "Ngayon lang kasi ako nakakita ng kuwago in person. Nakakatuwa pala. Nakipagtitigan pa nga sa 'kin eh. Biruin mo 'yun?"

Ungol lang ang isinagot ni Benjamin na nakatingin pa rin sa hawak niyang phone.

Nabaling naman ang tingin ni Leonard kay Luigi. Sa gitna kasi ang puwesto ni Leonard. Si Benjamin ang nakahiga sa kaliwa niya, si Luigi naman sa kanan. Malakas nang naghihilik si Luigi. Hitsura na hindi ito basta magigising kahit biglang magka-forest fire sa paligid nila.

"Goodluck sa 'kin kung makakatulog ako nito." Napapailing pero natatawang sabi ni Leonard.

Bumaling ulit ang tingin ni Leonard kay Benjamin. Nakatalikod ito ng higa sa kanya. Kaya pala busing-busy ito sa paglalaro ng Fruit Ninja sa phone.

"Tama na 'yan. Lalabo lalo ang eyesight mo." Saway dito ni Leonard.

"Saglit na lang 'to." Sagot ni Benjamin na tutok na pa rin sa nilalarong game.

Tinukod pa ni Leonard ang mga siko para makita niyang maigi ang paglalaro ni Benjamin. "Ang lapit pa ng screen sa mukha mo. Maduduling ka na n'yan."

"Tatapusin ko lang 'tong level na 'to. 'Wag ka nang makulit d'yan." Nagpakita ulit ng pagkainis si Benjamin.

"Akina nga 'yan." Walang warning na hinablot ni Leonard ang phone ni Benjamin.

"Pasaway naman 'to! Balik mo nga 'yan!" Kahit nagulat at biglang sumiklab ang inis, pigil pa rin ang boses ni Benjamin dahil ayaw makaistorbo ng mga natutulog na. Inis na hinarap nito si Leonard na nakatago sa likuran nito ang kinuhang phone.

"Leonard, para kang sira! Balik mo na 'yan!" Pigil pa ring mapalakas ang boses, sinubukan ni Benjamin na kunin ang phone pero mabilis namang inilalayo ito ni Leonard.

"Pag naabot mo, ibibigay ko sa 'yo." Nakatawang biro ni Leonard.

"Wala akong time sa mga jokes mo! Akina ang phone ko!" Pilit pa rin niyang inaabot ang phone niya pero sadyang mas mahaba ang braso ni Leonard kaya hirap siyang makuha.

Sa sobrang desperadong niyang makuha ang phone, di sinasadyang madikit ang mukha ni Benjamin kay Leonard. Parehong natigilan ang dalawa. Nagkatitigan. Parehong naging awkward. Si Benjamin ang unang nakabawi. Sinamantala niya ang awkwardness ni Leonard at halos pahablot din niyang kinuha ang phone.

Parang duon lang naputol ang trance ni Leonard at mapansin na hawak na ulit ni Benjamin ang phone niya. "Panalo ka. Nakuha mo ulit phone mo."

Tiningnan ni Benjamin ang screen ng phone at pigil ang inis na bumuntong-hininga ito. "Game over na tuloy!" Saka inis na binalingan nito si Leonard. "You think that's cute? Sana di ka na lang namin sinama dito kung mambu-bully ka rin lang!"

Kaagad nawala ang ngiti ni Leonard nang makitang totohanang inis na sa kanya si Benjamin. "Sorry." Sabi ni Leonard na napahawak pa sa pisngi ni Benjamin na parang kasama ito sa reflex niya para ma-pacify ang paghihimutok ng katabi.

Halatang nailang si Benjamin sa ginawang gesture ng kaklase. Buti na lang at madilim sa loob ng tent at hindi halata ang pamumula ng mukha niya. Pinalis niya ang kamay ni Benjamin na nakahawak sa pisngi niya.

"Basta 'wag mo na lang gawin ulit. Magsusumbong na 'ko kay Fara na masyado kang nangungulit next time."

Ngumiti na ulit si Leonard at itinaas pa ang isang kamay. "Promise. Hindi na ko magiging makulit."

Natigil pareho at napatingin sina Leonard at Benjamin kay Luigi dahil bigla itong humilik ng malakas. 'Di nila napigilan ang ngumisi nang magkatinginan ulit sila.

Kinuha na 'yun sign ni Benjamin na oras na para matulog sila. "Goodnight na nga." At ikinumot na ni Benjamin sa sarili ang baon niyang blanket.

"Goodnight." Nakangiting sagot ni Leonard habang pinapanuod si Benjamin na pumuwesto patalikod sa kanya.

Saglit pa lang nakapikit ang mga mata ni Benjamin nang maramdaman niyang yumayakap si Leonard mula sa likod niya. Babalikwas sana siya ng bangon at sasawayin si Leonard nang biglang itong nagsalita.

"Sorry naging makulit ako kanina. Ang totoo kasi, natatakot ako. After nung mga nakita at na-experience natin kanina, ine-expect ko na magkaka-nightmare ako. Kaya hawakan muna kita, Benjamin, ha? Para kung sakali na bangungutin ako, hahawakan kita ng mahigpit. And then you would know na kailangan mo akong gisingin."

"Leonard, mararamdaman ko naman kung sakali na binabangungot ka..." Simulang protesta ni Benjamin pero kaagad siyang pinutol ni Leonard.

"Please. Ngayon lang. Otherwise, hindi talaga ako makakatulog."

Napahinga ng malalim si Benjamin. "Bahala ka na nga."

Lalo pang umusog patabi sa kanya si Leonard at inayos ang pagyakap sa kanya. Kahit naiilang ay hinayaan na lang siya ni Benjamin.

"Buti ikaw, mukhang kalmado ka. Parang hindi ka natatakot." Sabi ni Leonard pero nakapikit na ang mga mata.

"Akala mo lang 'yon. Kaya nga ako madalas nagsusungit para 'di ko maisip na natatakot ako." Sabi naman dito ni Benjamin na nakapikit na rin ang sariling mga mata.

Wala silang ideya na nasa loob pa rin ng tolda nila ang uwang na sumama sa kanila kanina habang nakatago sa kuwelyo ng suot na damit ni Leonard nang tumakas sila sa kubo ni Apo Tudlay kanina. Hinihintay na makatulog ang dalawa bago ito sasalakay.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon