NAKAPANGALUMBABA si Cassandra habang nakaupo sa maliit na stool. Kipkip din niya ang Pusheen Cat stuff toy sa katawan niya habang nakatanaw sa trail kung saan pumunta ang Papa niya at ang kaibigan nitong si Adrian para sundan ang tatlo niyang estudyante na sumuway sa bilin na huwag pumunta sa pinagbabawalang trail. May mahinang hangin din ang umiihip sa paligid ng clearing na nagpapagalaw sa mga puno at halaman sa paligid.

"Ang tagal naman nila." Halata na sa pagkainip ang boses ni Cassandra.

Kinuha niya ang iPhone ng Papa niya na nakalapag sa blanket sa tabi niya kasama ng iba pa nilang gamit. Pinakialaman ni Cassandra ang Spotify playlist na tumutugtog sa app at pinalitan niya ang kasalukuyang kanta ng Bee Gees na Like Nobody Else ng medyo bagu-bagong kanta.

"Hilig talaga ni Papa sa mga old songs." Nasambit pa ni Cassandra habang namimili ng patutugtugin sa playlist.

Inilapag niya ulit ang iPhone sa blanket ng tumutugtog na mula sa Spotify app ang No Tears Left To Cry ni Ariana Grande. Pero pagkalapag na pagkalapag pa lang ni Cassandra ng phone sa blanket ay biglang may sumingit na malakas na static at tuluyan na-overpower nito ang tumutugtog na kanta ng foreign singer. Pataas ng pataas ang tinis ng static na hindi na napigilan ni Cassandra na takpan ng dalawang kamay niya ang mga tenga. Nang maabot nito ang pinakamataas na tinis ng static ay biglang nag-power off ang iPhone, kasabay din nitong naglaho ang matinis na static na nagmumula sa pinapatugtog sa music app.

Maingat na tinanggal ni Cassandra ang mga kamay na nakatakip sa mga tenga niya at puno ng kuryusidad na tiningnan niya ang blank screen sa iPhone. Habang nakatungo siya mula sa stool at tinitingnan ang screen ng phone ay biglang yumugyog ng malakas ang tent na nakatoka sa Papa niya at ng kaibigan nito na parang may malakas na hangin sa loob ng tolda na gustong umalpas. Nanlalaki ang mga mata ni Cassandra habang tinitingnan ang naglilikot na tolda. Akala talaga niya ay biglang bubulusok ng lipad ang tolda na parang rocket ship sa lakas ng pagyugyog pero bigla itong nanahimik. Saka napansin ni Cassandra na unti-unting gumagalaw pababa ang zipper ng entrada ng tolda na parang may taong nagbubukas nito mula sa loob na hindi niya nakikita. Nang tuluyang mabuksan ang tolda ay sandaling walang nangyari. Nililipad-lipad pa ng hangin ang flaps ng nabuksang bahagi ng tent. Dumukwang pa si Cassandra mula sa pagkakaupo sa stool para siliping maigi ang loob ng tent. Duon unti-unting nabuo ang pigura ng isang bata sa loob ng madilim na tolda saka not unti-unting inilabas ang ulo sa nakabukas na entrance flap. Mamumukhaan ito ni Cassandra. Nakakatitig sa kanya ang nanlilisik na mga mata ng gusgusing bata habang nakangisi sa kanya. May malapot pang laway na tumutulo sa bibig nito.

Napasigaw ng matinis si Cassandra at napabalikwas ng tayo sa stool na tumagilid sa bigla niyang pagtayo. Tumakbo siya palayo sa tolda. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ng makagulatan niyang nakatayo na ang bata sa daraanan sana niya. Nanlalaki ang mga mata ni Cassandra sa takot. Pero bago pa siya maka-react ay itinakip ng batang gusgusin ang isang kamay niya pasara sa mga mata ni Cassandra. Napasinghap ang batang babae. Hindi niya inaasahan ang nakikita sa simpleng pagdantay ng kamay ng bata sa paningin niya.

Eksena sa labas ng simbahan ng Quiapo ang nakikita ni Cassandra. Kahit bata pa, alam niya na hindi sa kasalukuyang panahon ang nakikita niyang eksena base sa makalumang pamamaraan ng pananamit ng mga tao sa paligid, maging ang mga sasakyang dumaraan sa paligid ng simbahan. Katatapos lang ng misa at hungos ang paglabas ng mga tao. Kasama sa mga lumalabas ang isang lalaki na kamukhang-kamukha ng Papa ni Cassandra pero alam niya na hindi talaga ito ang Papa niya. Naka-vertical striped button down shirt ito, blue trousers, red belt, oxford shoes at may nakapatong pang boater hat sa ulo panangga sa sikat ng araw. Hawak ng lalaki ang isang batang babae na kahawig na kahawig ni Cassandra pero ibang-iba ang get-up nito. Naka-baby pink na ruffled dress ang batang babae na may matching pink na hair bow din sa kulot-kulot niyang buhok.

May lumapit na batang gusgusin sa mag-ama. Kamukha ito ng gusgusing batang lalaki na siyang nagpapakita ng eksenang ito kay Cassandra. Pero maamo at magiliw ang hitsura nito at hindi nakakatakot. May hawak ito ng kulumpon ng mga lobo at ibinigay nito sa batang babae ang balloon na kulay bubblegum pink. Dahil hindi nakakapagsalita ang batang gusgusin, idadaan nito sa senyas na para sa batang babae ang lobo. Matutuwa naman ang batang kamukha ni Cassandra at ngingitian ng maluwang ang batang gusgusin. Gaganti din ng ngiti ang batang lalaki.

Dudukot naman ang lalaking kamukha ni Professor Soriano sa dala nitong pitaka at iaabot sa bata ang isang limang pisong paper money. "'Eto, boy, oh. Bayad sa balloon."

Ayaw pa sa una ng bata tanggapin ang pera pero kinuha ng lalaki ang isang kamay ng bata at inilagay duon ang perang pambayad.

"Keep the change." Nakangiting sabi ng lalaki sa bata sabay baling sa anak niya. "'Lika na, anak. Gutom na ako. Kain na tayo du'n sa mamihan sa Binondo."

Kinawayan pa ng batang babae ang gusgusing bata habang karay siya ng tatay niya papunta sa sasakyan nilang Chevy Corvette na nakaparada sa 'di kalayuan.

Papalapit pa lang ang dalawa sa sasakyan nang paharurot na humimpil ang itim na Lincoln Continental malapit sa Corvette. Bumaba ang tatlong lalaking mga naka-suit, shades at bowler hat.

Isinusuksok pa lang ng lalaki ang susi niya sa driver's door ng Corvette nang mapansin niya ang tatlong lalaking naka-black suit na papalapit sa kanila ng anak niya. Bago pa siya makapagsalita ay itinaas na ng nauunang lalaking naka-suit ang dala nitong Smith & Wesson pistol at pinaputok. Asintado ang lalaki dahil saktong tumama ang baril sa gitna ng dalawang kilay ng pinaputukan. Napadausdos ang lalaki sa Corvette at nakatirik ang mga matang wala nang buhay ng bumagsak sa lupa. Malakas din ang daloy ng dugo nito sa ulo. Nabitawan ng batang babae kamukha ni Cassandra ang lobong hawak-hawak at matinis na tumili.

"Kunin mo 'yung bata." Utos ng lalaking nambaril sa isa sa mga kasamahan nito. Lumapit agad ang lalaking inutusan sa bata at kinalong ito na parang walang iniindang bigat. Pumapalahaw ng iyak ang batang babae habang tinatanaw ng tingin ang tatay niyang nakahandusay sa tabi ng sasakyan nito.

Duon lang napansin ng gusgusing bata ang nangyari at nang makitang dala-dala ang batang babae na inabutan niya ng lobo ng mga lalaking naka-suit na itim habang sumasakay sa Lincoln ay kaagad tumakbo papalapit sa kotse ang batang gusgusin kahit dala-dala pa rin niya ang ibinebentang mga lobo.

Pero mabilis ang kilos ng mga lalaki. Nagsimula nang umandar ang Lincoln bago pa man makalapit ang batang gusgusin. Tinangka pang humabol ng bata sa kotse habang sumisigaw pero mabilis nakalayo ang Lincoln na parang may sariling deadline itong hinahabol. Abot ang hiningang humingal sandali ang batang gusgusin. Huli na nang marinig niya ang mga busina ng kotse sa likuran. Paglingon ng bata ay ang nakakasilaw na headlights ng Ford Falcon ang bumulaga sa mga mata niya. Naramdaman niya ang malakas na pagtama ng katawan niya sa hood ng kotse. Ang huli niyang nakita bago panawan ng urirat ay ang mga lobong kanina'y hawak niya na unti-unting pumapaimbulog sa asul na langit.

Duon ibinaba ng gusgusing bata ang kamay na nakatakip sa mga mata ni Cassandra. Saglit na kinurap-kurap ng bata ang mga mata habang nag-a-adjust ang paningin niya mula sa nakitang vision sa mukha ng gusgusing bata nakatitig ngayon sa mukha niya.

"I-ikaw 'yung batang nagtitinda ng mga balloons sa tapat ng church?" Alanganing tanong ni Cassandra.

Ngumiti ang gusgusing bata at marahan na tumango. Ang hindi inaasahan ni Cassandra ay nang bigla siyang bugahan ng malagkit at mapulang likido mula sa bibig ng batang multong kinakausap. Na parang biglang nag-manipesto sa gusgusing bata ang naging reaksiyon nito nung bumangga ang katawan niya sa kotse.

Hindi napigilang mapatili na naman si Cassandra habang tumitilamsik sa suot niyang jumper ang mapulang likido.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon