RESTLESS pa rin ang isip ni Erin kahit bahagya na siyang nakalayo sa condemned house na tinutuluyan ni Atia. Nagpasiya muna siyang igilid ang sasakyang minamaneho sa gilid ng ravine kung saan tanaw niya ang Green Valley Lake na sinisinagan na ngayon ng tirik na tirik na araw. Tanghali na pala. Kaya pala nakakaramdam na siya ng gutom. Black coffee lang ang laman ng tiyan niya. Hindi niya nagawang makakain ng breakfast dahil excited siyang makita si Percy kanina. Pagkatapos nagkaroon pa ng problema involving her daughter dahil sa punyetang Marikit na manyika na 'yan. Gusto niyang saktan kanina si Atia. Nasampal man lang sana niya ito. Para makaganti sa ginawang pananakot at pananakit sa anak niya dahil sa pesteng manyikang nitong nanggaling yata sa impiyerno.
Para mawala ang stress niya, kinuha niya ang packets ng Marlboro niya sa glove compartment ng Toyota Altis, sinindihan niya ang isang stick ng dala niyang Cricket lighter saka binuksan ang window sa driver's side para duon magbuga ng usok.
Tiyempo namang nakarinig siya ng humaharurot ng motor sa di kalayuan habang nagsisigarilyo.
May pumalit agad kay Reuben na nagpapatakbo ng maingay ng motor? Pambihira! Akala ko matatahimik na ang neighborhood namin sa ingay. Inis na naisip ni Erin habang lumalayo ang ingay ng motor.
Nang pumarada si Erin sa tapat ng apartment ni Pablo, nakita niya si Czarina na nakaupo sa gilid ng pavement kalung-kalong ang alagang pusa ng matanda na si Luna habang may tinatanaw sa katapat na daan.
Inusisa agad ito ni Erin nang makalabas siya ng kotse. "Czarina, bakit ka nasa labas? Hindi ka ba naiinitan sa araw?"
Imbes na sagutin ni Czarina ang tanong niya, iba ang sinabi nito kay Erin. "Mommy, may intruder sa house natin."
"What?" Nangunot ang noo ni Erin. Hindi agad rumehistro sa kanya ang sinabi ng daughter niya.
Duon na siya tiningnan ng diretso ni Czarina. "There's someone in our house, Mommy. I told Mang Pablo. He said he'll get his gun first and will check our to be sure. Tapos saka siya tatawag ng police."
"Oh, my god!" Nasambit na lang ni Erin habang tinatanaw din ang apartment nila across the street. Mula sa tinatayuan niya, naririnig niya faintly ang mga ingay na nanggagaling sa loob ng apartment nila.
Tiyempong lumabas na si Pablo galing sa sarili nitong apartment. Ang gaya ng sabi ni Czarina, may hawak na itong baril. Napalayo ng bahagya si Erin nang makita ang hawak na baril ng kapitbahay.
"Erin, buti bumalik ka na. Mukhang may burglar sa bahay mo. Si Czarina unang nakapansin sa mga noises sa apartment, kinuha ko lang 'tong baril ko para takutin 'yung kung sinuman nandiyan ngayon. Sasama ka?"
"Sasama ako, Mang Pablo. Pero kailangan ba talagang magdala ng baril?" Hindi pa rin maalis ang tingin ni Erin sa Glock pistol na hawak ng kapitbahay.
"Pangproteksyon lang, Erin kung sakaling armado 'yung nanggugulo ngayon sa apartment mo. Saka hindi ko intended gamitin 'yung gun if possible. Panakot lang."
Matapos bilinan si Czarina na huwag susunod at manatili lang sa bahay ni Pablo hangga't hindi siya bumabalik, saka nagpunta sina Erin at ang kapitbahay niya sa sarili niyang apartment.
Habang papalapit, unti-unting lumilinaw ang ingay na naririnig ni Erin sa loob ng tinutuluyan. Mula sa kuwarto niya sa ikalawang palapag ng apartment nanggagaling ang ingay. Base sa naririnig ni Erin, mga kalampag ng mga drawers na bumubukas at sumasara, mga gamit at furniture na bumabagsak na sinasabayan ng crashing sounds ang nare-rehistrong ingay sa mga tainga ni Erin habang lumalapit sila ni Pablo.
Pero nang binubuksan na nila ni Pablo ang gate sa apartment niya, naghihinala na si Erin na hindi lang basta tao ang nanggugulo sa apartment niya kungdi isang supernatural entity. Isang mapaglarong poltergeist na kasamang dumating ng manyika sa bahay nila.
BINABASA MO ANG
Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)
HorrorKoleksyon ng mga kuwento tungkol sa hiwaga at kababalaghan. Ang magkakatagning mga kuwento na naririto ay maaaring sumubok sa magbabasa kung gaano niya kayang magbasa ng kuwento ng hiwaga at katatakutan. 1st story (Pusa Ng Ina) - Anong gagawin mo ku...