ISANG bakanteng lote. Walang ilaw sa paligid maliban sa mapanglaw na liwanag na nagmumula sa buwan. Malalago at matataas na ang mga damo sa paligid na humahabay sa may kalakasang hangin. Maging ang nakasabit na 'For Sale' sign sa chain-link fence na bumabakod sa kabuuan ng lote ay malikot na gumegewang-gewang sa hangin.

Sa isang parte ng damuhan biglang sumalungat ang kilos ng mga dahon sa direksyong tinutunton ng hangin. Hanggang dumungaw mula sa pagaspas ng mga damuhan ang mukha ng isang pusa. Saglit itong nagmasid sa paligid saka lumusot sa malaking awang sa chain-link fence. Duon mapapansin ang prominenteng kulay abuhin at itim ng balahibo nito. Pagkalabas sa damuhan ng pusa, saka magsusulputan ang tatlong kuting na kaagad namang sumunod sa nauunang nanay na pusa. Ang isang kuting ay kasingtulad ng kulay ng balahibo ng ina. Ang isa ay puting-puti ang balahibo. Ang pangatlong kuting ay magkakahalong batik-batik na kulay ng kahel, itim at abuhin.

Inaamoy ng nanay na pusa ang nilalakaran nito. Halatang naghahanap ito ng makakain. Kasunod pa rin ng pusa ang tatlo nitong kuting na gumagaya rin sa ina sa pag-amoy sa dinadaanan habang naglalakad. Paminsan-minsan sumisingit sa ilalim ng pusa ang isa sa mga kuting para sumipsip sa gatas ng ina pero hindi makaabot dahil hindi tumitigil sa paglalakad ang pusa.

Hanggang makalapit sila sa isang basurahang nakatayo katabi ng chain-link fence na malapit din sa gilid ng daan. Puno ng laman ang basurahan na ginagalaw ng hangin ang ilang mga supot na nakalagak duon. Sa lakas ng hangin, may isang supot pa ng potato chips ang kumalas at tuluyan nang lumipad palayo. Pero kahit binabayo ng hangin ang mga kalat sa basurahan ay hindi ito nakapigil sa kulumpon ng mga langaw na panay pa rin ang dapo sa ibabaw ng mga basura.

Tumigil sa harap ng basurahan ang pusa. Ngumiyaw saka palundag na sumampa sa ibabaw ng basura. Pulasan ang mga langaw na nabulabog sa biglang pagsulpot ng pusa. Ang mga kuting naman ay nagngiyawan na lumapit sa basurahan. Panay lang kaskas sa gilid nito dahil di pa nila kayang lumundag para samahan ang ina sa ibabaw ng basura.

Kaagad naman nagkalkal sa ibabaw ang nanay na pusa. Nang makakuha ng halos buto nang fried chicken sa isang take-out box ng isang fast food ay kaagad itong tumalon pababa ng basurahan. Nang ilapag ng pusa ang kagat-kagat na buto ng fried chicken ay kaagad na pinagkaguluhan ito ng tatlong kuting. Saglit na pinanuod ng nanay na pusa ang pag-aaway ng mga kuting sa butong kinuha niya saka muling nilingon ang basurahan para muling sumampa sa ibabaw at magkalkal ulit ng pupuwedeng kainin.

Out Of The Blue & Into The Black (Stories) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon